Sunday, October 6, 2013

KRITIKA NG NOBELA NI EFREN ABUEG (HUWAG MONG SAKYAN ANG BUHAWI) ni E. SAN JUAN, Jr.

               
INTRODUKSIYON SA NOBELA NI EFREN ABUEG, HUWAG MONG SAKYAN ANG BUHAWI

ni E. SAN JUAN, Jr
.


           Sa pulutong ng mga kabataang manunulat noong dekada 60 hanggang sa huling dako ng dantaong nakalipas, si Efren Abueg ay namumukod sa kanyang mapanghamong sosyo-realistikong sining. Mapanuri at progresibo, ang mga akda niya ay nagsilbing sandata sa kolektibong pagpupunyaging matamo ng sambayanan ang pagkakapantay-pantay, katarungan, dignidad ng bawat tao, at tunay na kasarinlan ng Pilipinas.
    Isang halimbawa ng mapagpalayang sining ni Abueg ang nobelang ito na lumabas sa Liwayway noong 1985-86. Bantog na si Abueg simula nang gantimpalaan ang kanyang nobelang Dilim sa Umaga (1967) at kuwentong "Kamatayan ni Tiyo Samuel" (1967). Nailimbag kamakailan ang Mga Kaluluwa sa Kumunoy (2004) na kabahagi ng isang epikong panorama na- nag-umpisa sa Apoy sa Kanilang Dibdib at bumagtas sa Mga Haliging Inaanay--mapanghawang proyekto ng pinakamakabuluhang mangangatha sa atin ngayon.
    Patuloy pa rin sa bagong milenyo ang pagsisikap ni Abueg na maimulat ang bayan (pahatid niya sa isang e-meyl sa akin) sa "mga kontradiksiyong nangyayari sa ating lipunan na nagreresulta sa hindi na matapos-tapos na pagsasamantala sa 'maliliit' nating mga kababayan na siya namang tunay na lumilikha ng yamang materyal at iba pang uri ng yaman sa ating bansa."
         Sapagkat nailahad ko na sa isang sanaysay sa rebyung Malay 23.2 (Abril 2011) ang unang pagtaya ko sa panitik ni Abueg, itutuon ang interbensiyong ito sa raison d'etre ng kasalukuyang katha. Tulad ng naunang obra, masugid na hinimay dito ang mga kontradiksiyong sosyopolitikal na pumipigil/tumutulak sa kaunlaran ng bansa. Kamalayang historiko-materyalismo ang patnubay dito. Sumupling ang diwang ito sa krisis ng imperyalismo noong paninibasib ng Estados Unidos sa Indo-Tsina (dekada 60-70) at, lalong angkop, sa krisis ng "Cold War" sa ating bansa sa pagpataw ng "martial law" ni Ferdinand Marcos noong Setyembre 1972. Nakaukit ito sa sub-text ng nobelang ito na, sa dagling balik-tanaw, ay maituturing na propetikong harayang nagbadya sa pagbagsak ng diktadurya sa "People Power Revolution" ng Pebrero 1986.


Pagdulog sa Konseptuwalisasyon ng Sining

    Pumagitna muna tayo sa larangan ng kasaysayang pang-estetika o agham ng panlasa bago dukalin ang temang etikal-politikal ng nobela. Pakay ng sining ang sumalamin sa realidad at hulihin ang katotohanang nakakubli sa penomenang nadarama. Magkatambal dito ang mimesis at alegorya, representasyon at dikonstruksiyon. Masalimuot ang imbestigasyon at pagbunyag sa katunayan. Isang uliraning layunin ng panitik ni Abueg ang paglalarawan ng realidad sa pamamagitan ng analisis at paglilitis sa mga kontra--diksiyong gumagabay sa pagsulong ng lipunan. Sa kaalamang naipalaganap, inaasahang mapupukaw ang lahat upang tumulong sa paglutas ng mga pinakamaselang problema: ang pagtigil sa pagsasamantala ng mga anak-pawis, ang liping manggagawa na siyang bukal ng kayamanan ng mundo. Pagtalos sa katotohanan at papuri sa birtud ng masang lumilikha't yumayari ang adhikaing imperatibong kategorikal. Saan nagmula ang mithiing ito?
    Harapin muna natin ang matinik na isyu ng realismo dahil napapagkamalang naturalismong imitasyon ang namamalas. Nais kong idiin dito na hindi mekanikal na paggagad ng kapaligiran ang metodo ni Abueg kundi dramatikong simbolisasyon ng lohikang nakasilid sa galaw, kilos, salita, damdamin at iba pang katangian ng mga protagonista. Ang dalawang motibasyong kaugnay nito--pagtistis sa kongkretong sitwasyon sa buhay at paghikayat isakatuparan ang hinihinging pangangailangan--ay siyang saligan ng tradisyong kritikal-realismo sa ating kultura.
    Pinasinayaan ng Noli at Fili ni Rizal, yumabong ito sa unang dekada ng pananakop ng imperyalismong Amerikano--saksi ang Pinaglahuan ni Faustino Aguilar, Banaag at Sikat ni Lope K. Santos, Madaling Araw ni Inigo Ed. Regalado--at nahinog sa Mga Ibong Mandaragit ni Amado V. Hernandez, Maganda pa ang Daigdig ni Lazaro Francisco, at Apoy sa Madaling Araw nina Dominador Mirasol at Rogelio Ordonez. Nilagom ni Rizal ang mga aral ng Kaliwanagan (Enlightenment) sa Europa na sumukdol sa himagsikan sa Pransiya. Pambalanang babasahin ng salinlahi ng mga Propagandista (tinaguriang ilustrado) hanggang kina Bonifacio, Jacinto, Mabini at Isabelo de los Reyes ang mga sinulat nina Rousseau, Voltaire, Diderot, at mga nobelang Le Juif errante ni Eugene Sue, Les Miserables ni Victor Hugo, Conde de Monte Cristo ni Dumas, at mga diskurso ng sosyalista-anarkistang kilusan sa bukana ng siglong 1900. Mula doon hinango ng mga nabanggit na awtor ang tema't estilo ng kanilang nobela.    
    Samakatwid, ang minanang tradisyon ng mga sinaunang nobelista ay hindi kwentong-bayan, pasyon, korido, alamat, at labi ng ebanghelyong propaganda, bagaman may talab pa rin ang mga ito. At hindi rin ang Gotikong romansa nina Washington Irving, Poe at Longfellow na ikinalat ng mga Thomasites. Ang masaganang bukal ay walang iba kundi ang mapanuring realismong global mula sa rebelyon noong 1848, sa 1871 Komuna sa Paris at mga pag-aalsang anti-kapitalistang humantong sa rebolusyong Bolshevik. Sinala, binistay at binusilak ang mga hiniram na ideya't hinagap, retorika't hulagway, sa katutubong alembiko ng imahinasyon nina Rizal, Santos, Hernandez, Abueg, atbp. Nagtaglay ng katanging Pilipino ang kabihasnang natutunan.

Praktika/Teorya ng Simbolikong Kapital

    Ito ang konteksto ng modernistang panulat na nailunsad ni Abueg at mga kapanahon sa huling kwarto ng 1900. Partikular sa sitwasyon ng mga manunulat sa bernakular mula pa noong Batas Anti-Sedisyon (1901) ang panggigipit at paglalayo nila sa kapangyarihang pampulitika, laluna ang paghihiwalay sa panggitnang saray o sa mga petiburgesyang nakaluklok sa burokrasya, militar, kalakalan, at publikong institusyon na sanay sa wikang Ingles. Sa namayaning hegemonya ng wikang Ingles, ang manunulat sa bernakular ay ipinalagay na mababa ang kalidad at nakapokus lamang ang talino sa pansandaling aliwan ng madlang walang pinag-aralan, isang prehuwisyong matagal nang pinabulaanan.
     Sa kabilang banda, nanatiling malapit sila sa uring manggagawa't pesante, bagamat sila'y edukado, nakikisalamuha taglay ang asal-propesyonal at pagkabihasa sa kalakarang internasyonal. Ito ang galing ng wikang sinuso. Sa paggamit ng wikang katutubong mahigpit na kasanib sa wani, saloobin at pangitain-sa-mundo ng karaniwang mamamayan, hindi lamang nanatiling popular bagkus laging mapagmalasakit at nakaagapay dahil nakaugat sa karanasan, oryentasyon at sensibilidad ng masa. Testigo dito, halimbawa, ang militanteng huwaran ni Benigno Ramos, lider ng Sakdalista; at mga akdang radikal ni Amado Hernandez, unyonista at peryodista sa paglago ng Congress of Labor Organizations at pagsiklab ng rebelyong Huk sapul ng dekada 1945-60.  Sa pakiwari ko, laging pasugod bagamat supil ang sumasangkapan sa wikang katutubo sa pagpapahayag ng damdamin at kaisipan ng komunidad, laluna kung ito'y bumbatikos at tumutuligsa sa katiwalian ng ordeng umiiral. Sa ibang pagkakataon na natin uriratin ang komplikadong implikasyon ng mga proposisyong nailahad dito.

Pagtalunton sa Landas ng Nobela

    Ang nobela bilang uri o genre ng panitikan ay gumitaw sa Europa noong pagkalaos ng piyudalismong ugali at institusyon. Iniulat ni Ian Watt sa The Rise of the Novel, tubo sa indibidwalismong kabihasnan ng burgesya at publikong espasyo ang mga akda nina Richardson, Defoe at Fielding sa Inglatera. Bago pa rito, ang modelong ispesimen ng pikarong talambuhay, ang Don Quixote ni Miguel Cervantes, ay sintomas ng lumulubhang alyenasyon ng indibidwal sa milyu ng eksplotasyon ng lakas-paggawa ng nakararami, kasabay ng pagbulusok ng paniniwala sa mga ispiritu, kulam, himala't diyos. Masisinag sa yugtong ito ang paghina't tuluyang pagkasira ng pagbubuklod ng mga tao sa isang komunidad, isang organikong kapamuhayan. Sa kanyang Theory of the Novel, sinipat ni Georg Lukacs ang daigdig ng modernong naratibo na larangan ng matinding desengkanto, pagkabigo, tahasang pagkawala ng kahulugan sa buhay. Sa madaling sabi, ang nobela ay siyang natatanging diskurso ng mundong walang direksiyon, katuturan o kahihinatnan--ang kapitalista/burgesyang sistema na umiiral pa hanggang ngayon, kaakibat ang masahol na kabulukan at kabuktutan ng mga panginoong may-ari .
    Bumaling tayo ngayon sa isang partikular na kaibahang di pa natuturol. Hiwalay sa pinagbuhatan ng nobelang kanluranin ang mga ulirang akdang nabanggit sapagkat hindi tayo nagsasariling bansa noon (tulad ng Inglatera o Pransiya) kundi isang bayang sinakop, isang kolonya.  Nakapailalim ang Pilipinas sa makapangyarihang poder ng Estados Unidos. Binuwag ang rebolusyonaryong hukbo ng Republika, pinanatili ang piyudalismong ugnayan sa lupa, sinugpo ang demokratikong hangarin ng mayorya. Lumilitaw na ang basehan ng nobelang katutubo ay dili iba kundi ang matinding pagkasikil at pag-alipusta sa komunidad, hindi pagkawala ng kahulugan sa buhay (ayon kay Lukacs). Samakatwid, ang genesis ng nobelang bernakular ay sitwasyon ng pansamantalang paghupa ng rebolusyonaryong silakbo, istratehikong paglubog sa "underground," at paghuhunos sa iba't ibang mapanlinlang na anyo. Susog ko na ito ang "political unconscious," ang paradigmang angklahan ng literaturang Filipino.
    Sa perspektibang ito, maipalalagay na ang akdang ito ay prologo sa isang teorya ng pagbabago't praktika ng pagtutuos. Masisinag dito ang pinaksang pagpapatuloy sa paghahanap ng nilambungang komunidad, ng makatuturang ugnayan ng babae't lalaki, ng magulang at anak; sa pangkalahatan, ang pagsisiyasat sa anumang kahulugang nadukot o napikot (tulad ni Rina) sa dahas ng imperyalismo at mga kakutsabang oligarkong may kontrol sa praktika't institusyon ng buong lipunan. Binubuhay muli ni Abueg ang naburol na biyaya ng tradisyong subersibo't mapagpalaya sa pakikipagsapalaran ng kanyang tauhan sa isang takdang yugto ng kasaysayan ng bansa, sa panahon ng diktaduryang Marcos. Subaybayan natin ang pagsubok na ito.

Kritika ng Sikolohiyang Pananaw

    Ang mga ideyang natukoy ay hindi kakatwa o banyaga sa ating mga kritiko at manunulat. Sangguniin na lamang ang antolohiyang Kilates (2006) ni Rosario Torres-Yu o Kritisismo (1992) ni Soledad Reyes. Karagdagang ebidensiya rito ang mga kuro-kuro ng mga nobelista, matanda at bata, sa kalipunang Sampaksaan ng mga Nobelistang Tagalog (1974). Sa importanteng panayam ni Abueg dito, "Ang Sosyalismo sa Nobelang Tagalog," masinop niyang sinuri't tinimbang ang mga nobela nina Lope K Santos, Faustino Aguilar, Lazaro Francisco, Amado Hernandez, atbp. Puna ni Abueg na kapansin-pansin sa mga kabataang nobelista ang "pagkakaroon ng indibiduwal na kaisipan ng mga tauhan...ang paglikha ng mga tauhan sa kanilang sarili bilang mga bayani...Maaring ang ekspresyon ng idealismo ng kabataan ay lubhang maka-diyoses, na sa pagpapaligsahan ay ibinabadya sa madla ang sari-sariling katangian."
    Mapagpasiya ang obserbasyong iyon sa paghabi ng masaklaw na interpretasyon ng nobela. Malinaw na naipahiwatig ni Abueg ang masidhing usaping sumasalalay sa tinangkang pagsalikop ng mga buhay nina Mig, Rina, Clarita, atbp: indibidwalismo versus sakrispiyo ng sarili sa kapakanan ng masa. Sa ibang kataga: egotismo o solidaridad. Sa dagling paglagom, ang hidwaan ng dalawang panig ng pangitaing panlipunan sa nobela ay maisisisik sa argumentong tanong: pansariling kabutihan o katarungang panlipunan--magkasalungat  ba ito, kaya dapat pumili ang taong may konsiyensiya't pananagutan sa panahon ng ligalig?
    Sa pambungad na kabanata pa lamang, naiguhit na ang di matatakasang daloy ng buhawing tadhana. Nausal ni Mig, ang pangunahing karakter, na "walang malasakit sa sarili" si Bayani Maglalang, ang matalik niyang kaibigan. Sa pagkamatay ni Bayani sa isang aklasan--pagkasawing nagbigay ng "malalim na kahulugan" sa buhay ni Mig, nangibabaw na ang pagtugis sa hustisya, "ang liwanag ng katarungan." Samantala, payo ni Mig kay Clarita na mag-isip at mag-aral upang mapangalagaan ang sarili sa hinaharap. Naging masigasig na kasapi si Mig sa HURLS, pangkat ng mga abogadong "pragmatiko," hindi ideyalista. Naakit siya kay Rina, mamamahayag at nakakubling ahente ng militar, dahil mulat at independiyenteng babae, na kusang humandog ng tulong.
    Lubhang nagayuma ni Rina si Mig; hindi niya nagunita ang payo sa kanya ng kanyang ina: "Mapanganib ang panahon...Hindi mo ngayon alam, kung sino ang kaibigan at kaaway." Isaisip din ang babalang payo ng kanyang ama: "Huwag mong sakyan ang buhawi, anak." Isinaisantabi iyon.  Walang ingat si Mig sa pagbuno sa doble-karang maniobra ng diktadurya. Bukod dito, bagamat matiyaga sa pagsunod sa burokrasyang panuntunan ng hukuman, labis ang paniwala ni Mig na madaling makatatawid sa krisis at makakamit ang inaasahang pagbabago--malalang kahinaan na bumulag sa kanyang ulirat at bumunsod sa di-maiiwasang kaganapan. Ito ba ang lansi, daya o lalang ng kasaysayan?
    Matingkad na nailarawan ni Abueg ang sapin-saping kontradiksiyong bumalot sa pakikipagkapwa ng mga tauhan. Ang tagisan ng sariling interes laban sa lakas-komunidad ay dumaan sa maraming antas sa diyalogong alitan nina Mig at Rina. Tumining ito sa sagutan nila: halimbawa, sa tuya ni Rina na "Napakain ba kayo ng bayan o masa?" tugon ni Mig na "imposibleng sumulong ang isang indibidwal kung hindi natin isusulong ang pagkakaroon ng tunay na kalayaan" at itakwil ang mga dayuhan at naghaharing uri na nagpapasiya sa kapalaran ng nakararami. Matatag ang paninindigan ni Mig: kalayaan/kasarinlan ay kailangan bago makamit ang pagsulong, pag-unlad, at kaginhawaan ng bawat isa. Upang makuha ang kalayaan, sakripisyo--nina Bayani, Pastor at di mabilang na aktibistang pinaslang, at kung sakali, ni Mig--ang kailangan. Maisingit natin: walang bang pangatlong alternatibo, o mediyasyon sa diyalektikang bumabalisa sa kamalayan ng ating bayani?
    Umabot na tayo sa pagpihit ng tadhana (peripeteia) nang lumipat si Mig mula sa bahay ni Clarita sa isang safehouse at mahuli si Rupert Briones, ang puno ng HURLS. Bago arestuhin si Mig ng mga ahente ng diktadurya at makulong sa bartolina, naisip niya na siya'y inakay lamang ng mga pangyayari, at wala siyang pagpapasiya sa takbo ng kapalaran. Pagmumuni-muni niya: "Wala siyang hinanakit sa mundo,  Bakit siya nasa gitna ng pagtutol at bingit ng paghihimagsik?" Bagamat matigas ang loob niya sa pagtalikod sa dulog ng dating kasintahang si Flora, narahuyo siya kay Rina batay sa paniniwalang nasa panig niya ang babaeng nakikipagtatalik. Wala siyang kutob o hinala, bubulaga na lamang ang katotohanan pagkatapos ng "ritwal ng pagbubunyi ng kaluwalhatian."  Matutuklasan na ang maapoy na galak ng katawan ay hindi patibay, bagkus patibong, sa tunay na mapanganib na sitwasyong kinasadlakan ni Mig.
    Gayunpaman, inulit ni Mig ang nalalapit na araw ng pagbabago: "Ang kinabukasan natin ay nakasalalay sa pakikipaglabang ito....Walang katapusan ang tunggalian."  Sa antas ng pagkilala (anagnorisis), ang tunggalian ay sumukdol sa pagitan ng prinsipyo (kolektibong disiplina) laban sa pansariling ligaya, sa pagninilay ni Mig. Totoong sakripisyo ang hinihingi ng krisis; gayunpaman, tanong ni Mig sa sarili: "Kasalanan ba ang umibig at mangarap?" Walang pasubaling sakripisyong personal ang tugon ni Mig sa kabila ng makamandag na tatak ng suyuan nila ni Rina. Limitado ang kamalayan ng protagonista, malawak ang patalastas ng banghay ng naratibo, ng tekstura't istruktura ng salaysay: dapat makahulagpos sa partikular na sensibilidad at maintindihan ang buod ng kabuuang sitwasyon, ang dinamikong panloob nito, upang masakyan at mabigyan-direksiyon ang daloy ng kasaysayan. Hindi ito naisakatuparan.

Diyalektika ng Pagkatao't Kalikasan

    Naimungkahi ni Marx sa Theses on Feuerbach na ang pilosopiya/dunong na natuklasan sa isip/budhi ay mapapatunayan lamang sa praktika. Pinabulaanan ng balangkas ng mga pangyayari na si Mig ang siyang matalinong taga-ugit ng kanyang buhay. Sa bangis ng erotikong ritwal ng magkasintahan, taglay sa bugso-bugsong udyok ng laman/damdamin ang ironikal na himatong na ang pagsuko ni Mig sa tadhana ay saksi rin sa kanyang katapangan sa pagkalalaki.   Kataka-taka na nang nabilanggo si Mig, hindi kailanman sumagi sa alaala niya ang matamis at nakalalangong pagtatalik nila ni Rina, o maski ang masalimuot na relasyon nila ni Clarita. Bakit? Walang malakas na hikayat o amuki ang mga tagpong iyon sa kaluluwa niya. Bakit kaya?
    Maitataya na ibinunsod ng kanyang piniling sitwasyon ang kapalaran ni Mig. Katugma ito sa pagkatao niya, palibhasa'y sinanay sa petiburgesyang gawi na humilig sa tradisyonal na institutusyon, maingat na sumunod sa regulasyon, bagamat sa klima ng matinding krisis, pinagpayuan na siyang balintuna't kabaligtaran ang lahat. Hindi ito lubusang natarok, kaya hindi paano man nasiyasat, nakilates at nasakyan ang tuso't sistematikong pagkukunwari ng kalaban. Biktima si Mig ng kanyang makauring sitwasyon, ang kompromiso ng panggitnang saray, na siya ring katwiran o lohika ng kanyang pagkagumon sa mapang-akit na kilos, salita, at pahiwatig ni Rina, ang nakabalatkayong ahente ng diktadurya.
    Lumipat ang lunan ng salaysay mula sa safehouse ng lungsod hanggang sa resthouse sa Bocaue, Bulakan (gunitain na sa Valenzuela, Bulakan, pinaslang si Bayani). Sagisag ito ng pagsungaw ng tendensiyang utopiko-pastoral, nagpapagunita sa Pila, Laguna, tahanan ng kanyang magulang. Pumalaot sa di-hantad na lugar, dala ng punto-de-vista ang hinuha  ng napipintong wakas. Ipinahiwatig na ang resolusyon (denouement) sa pag-inog ng mga tagpong tila eksena sa alegorikong trahedyang kumakatawan sa proseso ng diyalektikang paglulusaw sa mga hidwaang natukoy na.  Alin ang mangingibabaw: prinsipyo ng pakikibaka o kapangyarihan ng Estadong ipagtanggol ang status quo? Pumalit ito sa problemang "Alin ang masusunod: katungkulan o aliw?"

Pagbabalika sa Luwasa't Hulo

    Naitampok muli ang paksa ng katwiran ng nobela, ang rason ng literatura bilang malikot na repleksiyon ng indibidwal sa loob/labas ng komunidad. Nakulong ang mga suliraning nahukay at naisatinig sa kamalayan ng mga aktor sa sosyedad sibil (hindi pa makataong kaayusan). Ang mga taong gumaganap ay kapwa marupok ang ugnayan sa pamilya o kamag-anak, madalas nangungulila o tiwalag sa mga kaibigan at kasama. Kaya ang antinomya ay walang pagkalas kundi sa pagkawala ng ilusyon ni Mig at ang sakripisyo ng protagonistang sumabog sa liwanag ng katotohanan.
    Kung tutuusin, matagumpay na naipagtanggol ni Mig ang kanyang katapatan at responsibilidad sa kilusan--tila nakaligtas siya sa tukso ng magayumang Sirena. Ngunit nagwagi naman ang diktadurya, ang dahas ng katiwalian, sa okasyong ito. Ang mabigat ngunit ironikal na deklarasyon ni Mig, sa halip na magdulot ng matinong tugon sa dilema ng inbidwalismo, ay pruweba sa kalabuan at kalituan ng karakter bunga ng takdang posisyon nito sa lipunan: "Nakaigpaw na ako sa pagiging ordinaryong Mig, na umiibig sa 'yo.  Ako'y si Mig na ari-arian na ng bayan, at hindi ng sinomang indibidwal." Naging fetish ang "bayan," kapalit ng mga idolo. Maaaninag na pagtakas ito sa sindak ng parikalang sumbat niya sa kasuyo: "Sino ka, Rina?"
    Natalakay na natin ang teorya ng nobela sa pangkalahatan at sa partikular napulsuhan na ang delikadong katayuan ng manunulat. Nakatutok ito sa problema ng indibidwalismo at alyenasyon sa kapitalistang orden. Sa milyu ng neokolonyang Pilipinas, ang palasintahang tradisyon ay buhay pa rin sa mga ilusyon ng kalalakihan at kababaihan sa isa't isa, at sa patriarkal na ugnayan sa pamilya. Ang kontradiksiyon ng prinsipyo at pag-ibig, isang temang palasak sa mga romantikong diskurso't sining, ay ugat ng pagkaalangan na gumulo sa buhay ni Mig, na sandaling nalutas sa kombensyonal na paraan sa pakikipag-unawaan, at permanenteng nalunasan sa pagtanggap ng salvaging. Sa kabilang banda, huwag kalimutan na nakapamundok na si Rupert Briones, ligtas sa galamay ng Estado, at nagliliyab na rin ang kanayunan ng Mindanao sa tulong ng mga gerilyang Moro na kalahok na rin sa ligal na pakikibakang itinanghal dito--mga palatandaan ng pangakong bindikasyon ng mga bayaning nagbuwis ng buhay sa ngalan ng kalayaan, pambansang demokrasya, at kasarinlan. Walang pasubaling mananaig ang katotohanan at katarungan paghupa ng buhawi.
    Halinhinang maigting at matimpi ang pagsasalaysay ni Abueg. Hitik sa kapanapanabik na pangyayari ang naratibo, sumasagitsit sa mga tagpo ng pagtatalik at nakababagabag sa pag-ulat ng karanasan ni Mig sa impyerno ng bilangguang dahop sa catharsis. Malalim at matalas ang paraan ng paglalarawan ng physiognomia ng mga tauhan. Nakaaantig din ang relasyon ni Mig kina Pastor at Deng, ugnayang siyang mataimtim na testigo ng solidaridad ng mga nakikibaka (isang magandang halimbawa nito sa Dilim sa Umaga ang pagdamay nina Antero Magdalo at Ligaya sa sawing pamilya ni Meliton; kabanata XII). Hindi tuwirang nagluwal ang sitwasyon ni Mig ng ganitong mga insidenteng saksi sa kolektibong pagsusumikap, pagtangkilik, pagkalinga't pagtutulungan (tingnan ang komentaryo ni Raymond Williams hinggil sa "tragedy and revolution" sa Marxist Literary Theory, 1996).
    Paglimiin ang lohika ng komprontasyong iginuhit sa huli. Ang pagpili ng tadhanang ito (iwinangki sa montage ng pelikula), sa pagtatasa ko, ay huwad na pagtalilis sa indibidwalismong tinalikdan ni Mig sapagkat (una) hindi katugma ng kanyang pagnanais masagip ang buhay ng kanyang mga kasamahan habang maingat na kumikilos; (pangalawa), ang galit niya sa babaeng kaipala'y iniibig niya ay personal na paghihiganti, hibong mapusok ng makasariling determinasyon; at (pangatlo), iyon ay kalabisang pagmamalaki sa katumpakan ng posisyong moral/etikal ng kilusan, sintomas ng karupukan ng paninindigan, na may bahid ng relihiyosong pagdulog sa isang kapangyarihang supernatural na tiwalag sa lunggating sekular ng organisasyong nagtatanggol ng karapatang pantaong garantisado ng Konstitusyon at U.N. Charter.
    Mahusay na naipakita ni Abueg sa nobela ang mga madugong kontradiksiyon ng ating lipunan. Karamihan ay bunga ng tunggalian ng mga uri, ng mga nilulupig at nambubusabos, ng oligarko't imperyalismo laban sa nakararaming mamamayan. Nakabilad ito sa alegorikong pagpapadama ng nagsasalpukang simbuyo sa sitwasyon ni Mig at sa balighong pangangatwiran ni Rina tungkol sa kanyang kalagayan. Bagamat realistiko ang teknik (sa detalyadong paglalarawan ng pagkain, katawan, bartolina, atbp.), malusog ang diyagramatikong pagsasaayos ng nagtatagisang panig (kahawig sa kuwentong "Kamatayan ni Tiyo Samuel"), mga puwersang mahirap ipagsanib, bagay na siyang nais igiit ng istruktura ng nobela. Nakatambad din ang mga lamat, biyak at kakulangan ng ideolohiyang siyang susi sa paghabi ng teksto, ideolohiyang produkto mismo ng mga nagtatagisang sektor sa kapamuhayang pambansa, sa pagitan ng mga grupong yumayari at nagsasamantalang may-ari/Estadong neokolonyal (naipaliwanag ito nina Etienne Balibar at Pierre Macherey sa "On Literature as an Ideological Form").    
    Samakatwid, sintomas ng malubhang sakit at suliranin ng nahahating lipunan ang matalinghaga ngunit kapus at sapilitang pagkalag ng mga buhol ng kontradiksiyon ng ilusyon at katotohanan sa nobela. Isang halimbawa ang suyuan nina Rina at Mig, magkasiping habang magkaaway ang kanilang isip, budhi at paniniwala. Ang panukalang rekonsilyasyong naikintal sa mga huling pahina ay isang mapanghamong palaisipan, isang maalingawgaw na paanyaya sa lahat na halukayin, bulatlatin, pag-aralan, walang hintong saliksikin at suriin ang problema ng kontradiksiyon sa bawat karanasan, dalumat, at sitwasyon sa ating buhay sa araw-araw sa gitna ng nagbabago't bumabagong kasaysayan ng ating bansa.


                                --E. SAN JUAN, Jr.
                                   Storrs, CT, USA
                                   Oktubre 2013
                                 

   

Sunday, September 8, 2013

HANDOG KAY ANDRES BONIFACIO--Sanaysay ni E. San Juan, Jr.

HANDOG KAY ANDRES BONIFACIO: KATWIRAN, KALAYAAN, KATUBUSAN

ni E. SAN JUAN, Jr.


        Katakutan ang kasaysayan sapagkat walang lihim ang maitatago sa                 kanya. --GREGORIA DE JESUS


    Ugali na kapag pinag-uusapan ang kabayanihan ni Gat Andres Bonifacio, ang "Supremo," nauuwi sa trahedya ng Tejeros/Naik/Maragondon.  Hindi trahedya kundi ironya o kabalighuan: ang pasimunong nagtatag ng Katipunan ang pinaratangang taksil sa rebolusyon at pinaslang noong Mayo 10, 1897. Ngunit kung hindi nangyari iyon, ang katunayan ng uring ilustrado at ng tusong  pagkakanulo't paglililo (mga katagang malason sa diwa ni Balagtas) nila sa rebolusyon ay hindi umabot sa kaganapan.

        Subalit ang nakagawiang pagdakila sa bayani ay hindi garantiya na hindi mauulit ang pagdaraya ng mga mapagsamantalang uri. Masdan na lang ang pagbibigay muli ng basehan sa puwersang militar ng Estados Unidos. Naulit na nga sa asasinasyon ni Antonio Luna--mistulang "repeat performance" iyon--at paglinlang kay Macario Sakay, kasama ng Supremo sa Tundo. Nakagugulat sa umpisa, ngunit kung tutuusin, mahihinuhang itinakda iyon ng mga pagkakataong umigkas na di na mapigilan. Kung hindi tayo matuto sa kasaysayan, tiyak na paparusahan tayo muli sa pagbalik ng nasugpo't ipinagbawal dahil naroon din ang binhi ng darating, kung paglilimiin.

Kasaysayan at Pananagutan

     Gaano man kasalimuot ang sitwasyong bumabalot sa atin, may kalayaan tayong umugit sa ating kapalaran batay sa ating dunong at kakayahan. Hindi lamang tayo biktima ng mga nagsalabit na sirkumstansya't aksidente. Ang kasalukuyang pagsisikap na pahalagahan ang buhay ni Bonifacio ay nagtataglay ng hangarin o mithiin ng kaganapan na siyang humuhubog ng mga sagisag at representasyon ng kolektibong karanasan. Kung ang radikal na politika ay praktika ng pagsasagawa ng mga inaasahang pagnanais sa daloy ng kasaysayan, at paglatag ng mga ayos ng pagbubuklod sa hinaharap, mga pagsasanib at ugnayang kailangan para sa pagbabagong malaliman at pangkalahatan, ano ang dapat gawin?

    Ibaling natin ngayon ang sipat sa mga salita't gawa ni Bonifacio na buntis sa mga maaaring mangyari. Ano ang potensiyalidad sa paghuhunos ng mga luma't piyudal na normatibong pamantayan tungo sa isang Kaliwanagang taglay ang kasarinlang makatwiran? Makakamit ba natin ang reyalidad ng awtonomiyang may kakayahang rasyonal at makabuluhan? Sa ibang salita, maiaangat ba sa diyalektikang paraan ang puri o dangal ng indibidwal sa antas ng pagkakabuklod, solidaridad at bahaginang pangkomunidad? Ano ang papel na gagampanan ng organikong intelektuwal sa pagtatatag ng lipunan kung saan ang malayang pag-unlad ng bawat isa ay nakasalalay sa kalayaan ng buong bansa/sambayanan (natio/populus), sa taguri ni Gramsci?

    Sa pagsasaliksik natin, ang pinakamahalagang simulain ay historiko-materyalismong pananaw na may diyalektikong paraan ng pag-kilatis at pag-unawa sa lipunan. Batay rito, ang kongkretong sitwasyon ng kabuhayan--ang relasyon ng mga uring nakasalig sa produksiyon ng mga pangagailangan sa buhay--ang pinakaimportante, hindi ang kamalayan ng hiwa-hiwalay na tao sa lipunang nahahati sa mga uri. Samakatwid, dapat iwasan ang palasak na analisis pangsikolohiya. Mapanligaw ang pagpapaliwanag sa anumang problemang panlipunan ayon sa karakter o katauhan ng mga indibidwal na kasangkot. Gayundin ang pagsandal sa abstraktong klima ng krisis o kaguluhan na sumisira sa anumang rasyonal na layunin ng mga aktor sa kasaysayan.

Pagtistis at Muling Paglilitis

    Sa pagbabalik-tanaw sa ating pambansang kasaysayan, ang kuwento tungkol sa Supremo ay nalalambungan pa rin ng samot-saring haka-haka, sumbong, chika, suplong at hinala. Marami pa ring kakutsaba ang mga kasike't imperyalista. Isahalimbawa ang The Revolt of the Masses  ni Teodoro Agoncillo. Bagamat sagana sa datos at humahanga sa KKK, sadyang lumabo ang nangyari sa sikolohikal at pang-Zeitgeist ("regionalism" at klima ng krisis noon) na lenteng itinuon ni Agoncillo sa mga karakter ng lumahok sa Tejeros, tungo sa pag-absuwelto kina Hen. Aguinaldo at mga kasapakat (1956, 293-99). Ang sikolohiya ng Supremo ang siya mismong dahilan sa kanyang pagkapatay, mungkahi ng historyador. Gumagad dito ang prehuwisyong ibinurda ni Nick Joaquin sa kaipala'y masahol na muling pagpaslang sa Supremo sa A Question of Heroes.

     Sanhi sa kolonyalismong danas na mahigit 400 dantaon (mula kolonyalismong Espanyol hanggang imperyalismong global), namihasa tayo sa burgesyang pangitain sa mundo. Makikita ito sa pop-sikolohiyang lapit ni Joaquin, makitid at mababaw sa pagkilatis sa masalimuot na puwersang pampolitikang nakasalalay sa mga pangyayari. Ang tesis ni Renato Constantino ay tinuligsa't inuyam ni Joaquin: "All this sounds ike an egghead effort to make Marxist boots out of Philippine bakya" (1977, 86). Nagkabuhol-buhol ang ulirat ni Joaquin sa pagpuntirya niya laban sa karakter at asal ni Bonifacio,  Hindi ang karakter ng indibidwal kundi ang sapin-saping langkay ng mga kontradiksiyon sa lipunan ang dapat suriin sapagkat iyon ang nagpapakilos sa katangian ng mga kolektibong puwersang humuhubog at nagpapaikot sa takbo ng kasaysayan.
         
    Mula noon, marami nang sumalungat sa mapagkunwaring pagpupugay nina Agoncillo at Joaquin sa "Dakilang Plebeyo." Ang mahusay na tugon at pagpapabulaan sa haka-haka nina Joaquin at mga maka-ilustrado ay ang sanaysay nina Milagros Guerrero, Emmanuel Encarnacion at Ramon Villegas, pinamagatang "Andres Bonifacio and the 1896 Revolution."  Katugma nila ang mahayap na hatol ni Apolinario Mabini sa La Revolucion Filipina: " Palibhasa'y paglabag ang ginawa ni Aguinaldo sa panuto ng Katipunan na kinasapian niya,...ang motibo sa asasinasyon ay walang iba kundi mga hinanakit at mga kapasiyahang sumira sa dangal ng Heneral; sa anu't anuman, ang krimeng naganap ay siyang unang tagumpay ng ambisyong personal laban sa wagas na patriyotismo" (Salin ko mula sa Ingles; sinalin din ni Cruz 1922, 57-58; Ingles ni Leon Ma. Guerrero sa Mabini 1969, p. 48).

Parametro ng Paghahanap

    Bilang katugunan sa mga pagkutya sa karakter ng Supremo, kadalasan gumagamit ng empirisistikong analisis ng uring kinabilangan ng Supremo. Idinidiin na sastre ang ama at trabahador sa pabrika ng tabako ang ina. Bukod sa artisanong nagbenta ng baston, ang Supremo ay nagsilbing ahente ng mga kalakal sa Fleming & Company (Ingles) at bodeguero sa Fressel & Co. (Aleman).  Sa palagay ko, upang matarok kung anong mga sangkap ang humulma sa pangitain-sa-mundo (Weltanschauung) ng Supremo at mga kapanalig, dapat isakonteksto ang mga detalyeng nabanggit, kalakip ang mga karanasan sa Teatro Porvenir sa Tundo at pansandaling paglahok sa Cuerpo de Compromisarios at masoneria, sa isang takdang yugto ng kasaysayan ng kolonya.

    Tatlong yugto ng kasaysayan ang dapat salungguhitan sa pagsubaybay sa diyalektika ng nesesidad at kalayaan, kapalaran at pagkakataon:

    1) Ang pagwasak ng ilusyon ng egemonya ng Espanya at Simbahan sa tagumpay at pagsakop sa Maynila ng Inglatera noong 1762-64. Sumiklab noon ang mga rebelyon nina Silang, Malong, Almazan at Palaris sa hilagang Luzon. Sa unang bahagi ng ika-18 dantaon, sa buntot ng rebolusyon sa Pransiya at digmaan ng imperador Napoleon sa buong Europa, nayanig muli ang ibuong ideolohiya/istruktura ng estado't simbahang Espanyol sa mga madugong pagbabalikwas sa Piddig at Sarat, Ilokos, noong 1807. Nasakop ni Napoleon ang Espanya noong 1808-14.  Nag-protesta sina Andres Novales at mga creoles noong 1823. Sumunod ang masidhing pag-aalsa ni Apolinario de la Cruz/Hermano Pule noong 1839-41 sa Tayabas, Batangas, Laguna at karatig-lunsod. Resulta nito: Nadurog ang pangkahalatang konsensus na mabuti't makatarungan ang gobyerno't simbahan. Tuluyang napawi ang "ethical totality" (sa kataga ni Hegel) o paniniwalang iisa ang kabutihan/tadhana ng kolonisadong mayorya at estado.

    2) Sa pagbubukas ng kapuluan sa kalakalang-pandaigdig simula 1834, bumilis ang pagpasok ng komoditi--ang kultura't gawi ng mga dayuhang negosyante--at ideya't estilo ng pamumuhay na kaiba o tiwali sa namamayaning gawi, kostumbre, pamantayan. Pumasok ang mga ideolohiya ng reporma sa Inglatera noong 1832, ng 1848 himagsikan sa Europa, laluna ang mga tunggalian para sa independensiya sa Argentina, Bolivia, Peru, Venezuela, Mexico at Cuba (simula pa noong 1868).

    Bukod sa impluwensiya ng kulturang komersiyal at pananalapi ng Fleming & Co. at Fressel & Co. sa Supremo, tumalab ang lundo ng kamalayang makabago't mapagbago--ang sensibilidad/dalumat ng panahon--sa nakararami. Ang sagisag-panulat ng Supremo, "May Pag-asa," ay hudyat ng hikayat ng kamalayang pangkasaysayang sinagap sa mga akda nina Marcelo del Pilar, Rizal, at mga librong Le Juif errant, Les Miserables, at Las Ruinas de Palmira.
Sa paglagom, lumaganap na sa kapuluan ang patnubay ng modernidad batay sa mabisang lohikang umaalalay sa siyensiya, kalakal at palitang pampinansiyal (money exchange), kontra sa dogmatikong institusyon ng relihiyon at gayuma ng mito, hiwaga at samot-saring pamahiin.
   
    3)  Pumutok ang Paris Commune (Marso-Mayo 1871). Sanhi sa nagkabungguang sigalot, nagtagumpay ang liberalismong pangkat sa Espanya noong 1873-75 at inilunsad ang republikanong 1812 Konstitusyon ng Cadiz. Nagkaroon ng kaluwagan sa administrasyon ni Gob. Carlos Maria de la Torre.   Subalit nang sumabog ang Cavite Mutiny ng 1872 (siyam na taong gulang ang Supremo noon) at patayin ang tatlong pareng Burgos, Gomez at Zamora, unti-unting naagnas ang paniwalang makabuluhan pa ang reporma.

    Nang ipatapon si Rizal ni Gob. Despujol noong Hulyo 1892, bunyag na ang katotohanang kahit mapayapang pagsisikap maisaayos ang katiwaliang umiiral--buhat pa nang* supilin si Sulayman sa Tundo hanggang sa pagsunog ng mga tirahan ng pesante sa Calamba noong 1891--ay wala nang katuturan. Hinog na ang katotohanang nasambit ni Rizal: "Ang sagot sa dahas ay dahas din, kung bingi sa katwiran."

Ideolohiya at Balangkas ng Pamunuan

    Pagkahawan ng madawag na landas sa kasaysayan, bumalik tayo sa naimungkahi kong maitatanging layong natamo ni Bonifacio. Walang iba kundi ang pagtatampok sa halaga ng ideolohiya at namumunong ahensiya/aktor (vanguard party) sa rebolusyon. Bagamat importante ang modo ng produksiyon sa tingin nina Marx and Engels, ang tagisan ng lumang institusyon/relasyong sosyal at ng sumisibol na lakas sa produksiyon ay naisisiwalat muna sa larangan ng kaisipan, saloobin, atitudo, o normatibong sukatan. Dito lumilitaw ang nakakubling tunggalian ng mga uri at pwersang pampolitika.
   
    Angkop ang huwarang inilahad ni Engels sa Peasant War sa Alemanya noong 1524-25, panahon ng Repormasyong Protestante. Kahalintulad noon ang  sitwasyon sa Pilipinas noong 1892-1898.  Sa halip na kapitalistang/burgesyang partido laban sa piyudal/kolonyalistang kapangyarihan ng Espanya, nagsanib ang pesante, maliit na maylupa, ilang ilustradong malapit sa magsasaka, trabahador, negosyante at artisano sa kalunsuran. Ang lakas na nagigipit at napipigil ay hindi kapitalismo kundi buong hanay ng mga binubusabos ng Estado at Simbahan--sila ang buong sambayanan na tutol sa pag-aari, sa mga nagmamay-ari (frailocracia, aristokratang opisyales, peninsulares) at sila, samakatwid, ang siyang magpapalaya sa pagtatayo ng ordeng makatarungan, demokratiko at makatao.

    Sa pagitan ng obhetibong sitwasyon at suhetibong kamalayan, pumasok ang Katipunan. Hindi na makayang supilin ng Espanya ang taumbayang inihanda ng mga Propagandista buhat pa noong 1872 (pag-aalsa sa Kavite; pagbitay sa tatlong pare), o buhat pa noong rebelyon ng Tayabas Rehimyento noong 1843 (De la Costa 1965, 215). Kahit na malaki ang pinagbago ng Pilipinas sa pagbubukas ng Suez Canal at pagpasok ng mga empresang dayuhan, laluna kalakalan sa asukal, tabako, abaka at ibang produktong iniluluwas, at may umuusbong na kapitalismong industriyal, nasa palapag pa rin ng piyudal/agrikultural at artisanong kabuhayan ang Pilipinas sa huling dako ng ika-19 dantaon. Ang ayos pamproduksiyon ay nakasalig pa rin sa pagsasamantala sa mga pesante ng mayamang magsasaka at prinsipalyang nakapailalim sa mga prayle at burokrasya.  Sa ganitong paghahanay ng mga nagtatagisan, mahihinuha na mula sa mga uring inaapi--taglay ang kawalan/karukhaan na siyang yumayari't lumilikha ng kayamanang panlipunan--sa blokeng ito magbubuhat ang ahensiya/suhetibong kondisyon na maglulunsad at magsusulong sa himagsikan.

    Ang pinakamatingkad na kontradiksiyon ay sa pagitan ng nakararaming katutubo at ang Simbahan/Estadong kolonyal. Pangalawa ang kontradiksiyon ng mga pesante/manggagawa at kasike/prinsipalya. Sa dimensiyon ng ideolohiya o pangitain-sa-mundo, ang kamalayan ng mga uring inaapi ay natatakluban ng ideolohiya ng teyokratiko-piyudal na sistema ng kolonyalismo. O kung gising man ang mga biktima, hindi pa sila makapagpasiyang tumakas at tuwirang tumalikod sa nakagawiang kabuhayan o kinagisnang kalagayan.  Sinikap ng mga Propagandista sa Solidaridad at, di naglaon, sa Liga Filipina, na pag-isahin at itaas ang pampulitikang budhi/dunong/bait ng masa. Umabot sa matining na baytang,  subalit hindi pa rin mabisang napagkasunduan ang koordinasyon ng magkakahiwa-hiwalay na inisyatiba ng mga rebeldeng partisano.

Kabatiran at Pagpapasiya: Kinabukasan Ngayon

         Mahimalang naibuod ni Bonifacio ang kahulugan ng mga kontradiksiyong naisaad sa interaksyon ng katutubo at mananakop sa sinoptikong akda, "Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog" (Cruz & Reyes 1984, 97-98). Sa pakiwari ko, ito ang pinakaunang teksto ng modernidad sa arkibo ng ating kultura. Mainam na naibalangkas dito ang pagtuklas at paglalahad ng kahulugan ng kolektibong pagbabalikwas sa pagsalikop ng isip at nais, kamalayan at budhi.       

     Makakatas ang pilosopiya ng rebolusyon mula sa istruktura ng panahong naikintal dito (hinggil sa temang ito, tunghayan si Arendt 1978). Nakabuod iyon sa pag-iisa ng kamalayan at reyalidad, ng dapat mangyari at kasalukuyang nangyayari.  Paano ito natupad?  Una, ikinintal ang naglahong kasaganaan at kaginhawahan kaakibat ng pamamahala ng tunay na mga kababayan, pati karunungan ng lahat sa pagsulat at pagbasa sa sariling wika: "Itong Katagalugan, na pinamamahalaan nang unang panahon na ating tunay na mga kababayan....ay nabubuhay sa lubos na kasaganaan, at kaginhawan...Mayaman ang kaasalan ng lahat...." Alalahanin: magkasudlong ang karunungan, wika, kayaman ng asal, kasaganaan, at kaginhawahan. Nakabaon sa kaalamang ito ang pagnanais malasap muli ang nakaraan sa hinaharap, hindi bilang utopikong pita kundi bagong imbensyon, walang katumbas na likha, sa pagtatalik ng panahong lumipas at kasalukuyan.

    Lahat ng mga katangiang naitala ay nawala pagkaraan ng Pakto de Sangre nina Legaspi at Sikatuna. Tila kusang bumaliktad ang lahat. Mula noon, "ating binubuhay [ang mga kolonisador] sa lubos na kasaganaan, ating pinagtatamasa at binubusog, kahit abutin natin ang kasalatan at kadayukdukan; iginugugol natin ang yaman, dugo at sampu ng tunay na mga kababayan na aayaw pumayag sa kanila'y pasakop." Ang buhay ng mananakop ay utang sa pawis at sakripisyo ng mga sinakop. Pansinin na binanggit ang tulong ng mga Indyo sa mga Kastila laban sa Intsik at Holandes, ngunit walang banggit sa pagsakop ng Inglatera sa Maynila.

    Kahanga-hanga ang pagkaunawa't paglalagom ni Bonifacio sa komplikadong diyalektikong hinimay ni Hegel na balighong ugnayan ng alipin at panginoon sa Phenomenology of Spirit (1807) na isinakongkreto ni Marx sa The German Ideology (1845-6) at, di kalaunan, sa Das Kapital (1867). Nang lumabas ang libro ni Marx, apat na taong gulang pa lamang ang Supremo.

    Nasira ang mito ng Pakto de Sangre sa tatlong siglong pandarambong ng Espanya. Pinawi ng malagim na kasalukuyan ang nakalipas, at umigting ang hinaharap, puspos ng magkahalong pag-asa't pangamba. Maramdaming inilarawan ni Bonifacio ang hirap at sakit, dalamhati't pagtitiis ng bayan sa ganitong talinghaga. Inihambing niya ang bawat patak ng pananangis ng sanggol sa "isang kumukulong tingga, na sumasalang sa mahapding sugat ng ating pusong nagdaramdam." Umaapaw ang kalooban sa simbuyong galit, inip, ngitngit sa tanikalang bumibigti sa bawat katawan. Di naglao'y naitulak ang kolektibong sensibilidad sa hangganang hindi na matatanggap ang kasalukuyan. Paulit-ulit na lang ba ang Ngayon? Wala bang ibang napipinto, pagbabago o pag-iiba?

    Humarap sa nagiyagis na ulirat ang problema ng kinabukasan: "Ano ang dapat gawin?" Tila alingawngaw ng makasaysayang tanong ni Lenin. Ang sagot ng organikong intelektwal ng masang mulat ay artikulasyon ng hinaharap, kung saan ang karunungan/kaalaman ay nakasanib sa katwiran. Ang dunong ay guro, nagtuturo o tumutuklas ng direksiyon ng pagsisikap at pakikibaka : "Ang araw ng katwiran na sumusikat sa Silanganan, ay malinaw na itinuturo sa ating mga matang malaong nabulagan, ang landas na dapat tunguhin..."

    Sa patnubay at hikayat ng kaalaman/dunong, naging mahalaga na ang bawat sandali sa buhay. Ang lundo ng payo nito ng katwiran ay, una, magtiwala sa sariling lakas at umasa sa sariling kakayahan.  At pangalawa, magkaisa sa kalooban, isip at pagnanais upang sa gayo'y "magkalakas na maihanap ng lunas ang naghaharing kasamaan sa ating Bayan."   Samakatwid, ang rebolusyon ay pagpapahalaga sa kapangyarihan ng kolektibong dunong/kaalaman.  Mangyayari ito sa pagsasapraktika ng aksyomang nabanggit:  sa pagtitiwala (1) sa sariling pagkatao ng mga kababayan (awtonomiya; kasarinlan) at (2) sa pagkakaisa ng loob at lakas sa kapasiyahang maigupo ang kabuktutang pumipinsala sa bayan.

Metamorposis  ng Panahon

           Nakatuon ang budhi ng modernistang diskurso ni Bonifacio sa aktuwalidad, sa pagtarok sa daloy ng panahon, na humuhubog ng lugar o espasyo ng rasyonalidad (katwiran). Tandaan na ilang ulit tinuldikan ang parusang ipinapataw ng Kastila: "isinadlak sa lubak ng kasamaan ang kapurihan ng ating Bayan" at tayo'y "nabibingit sa malalim na hukay ng kamatayan na sa ati'y inuumang ng mga kaaway." 

    Malasin ang tagpo: nasa larangan na tayo ng digmaan.  Layon ng pahayag na ito ay hindi lamang makamit ang mithi ng rasong instrumental o makamit ang absolutong kapangyarihang umaangkin ng normatibong birtud. Walang pasubali, pakay ng panawagan ay dagling maisalin ang isip sa gawa at kagyat malasap ang pangako ng kinabukasan ngayon din. Sapiliting dapat pumili at  hindi makaiiwas magpasiya.

    Tiyak na kung may kabatiran, handa nang gumayak tungo sa tumpak na pagpapasiya't pagkilos. Marahil ang karanasan ni Bonifacio sa dayuhang bahay-kalakal ng Fleming & Co ng Inglatera at Alemanyang Fressel & Company bilang ahente/bodegero, ay tumalab sa pagtuturo sa halaga ng kontrata, pagtitiwala at pagsunod sa panuto't regulasyon. Dumagdag sa dunong ni Bonifacio tungkol sa rebolusyon sa Pransiya (laluna ang disiplina ng "virtue" bilang susi sa tatag ng Republika) ang larawan ng tunggalian ng uri sa Les Miserables ni Victor Hugo. Nakapukaw rin ang melodramatikong El Judio Errante/Le Juif errant ni Eugene Sue, kung saan iniugma ang salot ng kolera sa dahas ng mapanupil na Hesuwita at pag-uusig ng mga Protestang Huguenot sa Pransiya. Nakaambag din ang mga kuro-kuro ni Rizal (laluna ang anotasyon niya sa ulat ni Morga), at pagsusuri sa daloy ng kasaysayan mula sa librong "Ang mga Ruinas ng Palmira," at "Buhay ng mga Pangulo ng Estados Unidos" (Zaide 1970, 106).

    Di kalabisan kung muli kong igiit na ang  "Dapat Mabatid" ay hindi lamang pinakatampok na dalumat ng modernidad sa Pilipinas na nailunsad ng mga pangyayaring naiulat ko sa panimula. Dapat salungguhitan ang penomenang ito.  Katambal ng mga sanaysay ni Rizal at del Pilar, iginuhit dito ang materyalistang teorya ng kasaysaysan na humihirang sa masa bilang tagalikha ng pag-unlad at pagsulong ng buong lipunan. Ang mapanlikhang talino ng sambayanan ay siyang dinakilang kagamitan at sangkap sa pagbabagong-buhay ng lahi.

    Sa pagsusuri ko, ito at iba pang kasulatan ay palatandaan sa matayog na budhi at kabatiran ng Supremo. Ito ay patibay na hindi lang malawak ang kaalamang pangkasayayan ni Bonifacio, sumasaklaw sa kondisyon ng buong kapuluan (hindi lamang Luzon), bagkus masinsing pagtarok na ang pangkat na di kasali sa pamahalaan, walang representasyon, ay siyang awtentikong ahensiya ng pagbabago. Tulad ng bisyon ni Marx sa kritika ng pilosopiya ni Hegel (Osborne 2005), ang uring proletaryo na kumakatawan sa unibersal na kapakanan ng lahat, gayundin ang lahing kolonisado--ang Indyo, ang nakararaming itinakwil, inkarnasyon ng pagdurusa, at negatibong larawan ng sangkatauhang yumayari ng tirahan sa mundo. Pangkalahatang dignidad, puring unibersal ng pagkatao, ang itinatanghal niya, na hindi kinikilala ng imperyong Espanya.

    Samakatwid, ang Katipunan--ang motor ng himagsikan--ang maituturing na pagsasakatuparan ng pilosopiya ng Kaliwanagan, ang aktuwalisasyon ng pangangailangan ng sambayanan. Ang Katipunan ang tagapagpaganap ng pagbabanyuhay na sumilang sa malay at nagbigay-kahulugan sa data-rati'y ulit-ulit na pag-inog ng panahon.

    Walang pasubaling napukaw si Bonifacio ng mga impormasyon, datos, at kabatirang nakatas sa panitik ng Propagandista at ng mga pinag-aralang aklat. Sinikap niyang iakma ang Katipunan sa prosesong naranasan niya, partikular ang paglitaw ng "liwanag ng katotohanan," pagpapakilala sa ating sariling puri, hiya, pagdadamayan, hiwatigan ng pakikipagkapwa; at pagsisiwalat ng dakilang aral na "magwawasak sa masinsing tabing na bumubulag sa ating kaisipan."  Ang danas ay nailapat sa hanay ng yugto ng panahon at kabatiran. 

    Idiniin sa patalastas ng Supremo ang pagpapasiyang bunga ng kabatiran at inantig ang mga kasapi sa pagpupunyaging magpasiya't isakatuparan ang ninanais.  Sa dulo ng pahayag, nakatumbok  ang diwa ni Bonifacio sa paghikayat ng kaluluwa salig sa kusang paghuhunos o dili kaya'y pagtransporma ng saloobin--ang larangan ng digmaan ng ideya/ugali--na siyang susi sa pagkilates sa kilos at gawa ng bawat nilalang at ang kabuluhan nito sa malayang pag-unlad ng buong komunidad.

    Pagnilayin na hindi ito simpleng pagbabalik sa nakaraan--di na pwede iyon sanhi sa nakapamagitang karanasan ng pagkabigo, gulat, kilabot, matinding pagdurusa--kundi pagpihit at pagliko mula sa nagisnang daan. Dunong, paglinang sa kakayahan ng kaisipan, tiyaga at sigasig. Sa pagbubuod, lahat ng katangiang likas sa Pilipino ang dapat isingkaw sa kolektibong proyekto ng pagwasak sa lumang insitutusyon at pagtayo ng bagong sistema ng kabuhayan.

Diyalektika ng Kabatiran at Kamangmangan

    Hanggang ngayon ang makatuturang panawagan ni Bonifacio ay hindi pa nabibigyan ng karampatang pagpapahalaga. Paglimiin, halimbawa, ang gamit ng retorika ng dilim at liwanag na halos arketipong tatak o signatura na sa mga dokumento ng Katipunan, na unang naibadya sa "Liwanag at Dilim" ni Emilio Jacinto (Santos 1935).

    Ang duwalistikong pagtatagisan ng dilim at liwanag ang bumabalangkas sa "Ang Dapat Mabatid" at sa ritwal ng inisyasyon ng Katipunan. Kung tutuusin, ang tema ng "liwanag ng katotohanan" na nakabaon sa liturhiya ng Kristiyanismo ay hango sa tradisyon ng Gnostisismo, isang paganong kilusang nag-ugat sa Manikiyanismo (naging alagad si San Agustin bago binyag), neo-Platonismo at Pythagoreanismo, at tumalab sa Kristiyanismo ng ika-2-3 dantaon.

    Pangunahing turo nito ay walang katubusan kung walang kabatiran sa Diyos (ibinunyag lamang sa initiates) at tadhana ng sangkatauhan. Ang Diyos (bansag sa Espiritu o banal na Kaalaman, Sophia) ay halos katumbas ng kalikasan (deus sive natura, sa tahasang sekular na kaisipan ni Spinoza). Ang relihiyon ng Taga-ligtas (Saviour) ay kumalat sa krisis ng imperyong Roma, kaagapay ng paglago ng Mithraismo at Kristiyanismo (Murray 1964, 130-31). Kinondena ito ng Simbahang Katoliko (sa pagmasaker sa mga ereheng Albigensian sa Pransiya noong ika-13 dantaon). Litaw ito sa lahat ng programang may rebolusyonaryong adhikaing nakasalalay sa rason/katwiran, budhi/bait, at sariling pagsisikap na makamit ang hinahangad na pansariling paglilinis (purification) at kaganapang pampersonal.

    Hindi lamang katutubong danas at dalumat ang pinagmulan ng Katipunan kundi paglagom sa kabihasnan ng Kanluran mula sa klasikong kultura ng Griyego at Romano hanggang sa siglo nina Robespierre, Rousseau, Goethe at Kant. Bukod sa daloy ng Gnostisismo sa kaisipan ng mga pilosopo ng Kaliwanagan sa Europa. Sinala iyon ng ispekulatibang Freemasonry (Guerrero 1969, 397-98); halimbawa, ang halaga ng "Virtue" o Kagalingan sa pagkontrol sa udyok ng laman at erotikong simbuyo; alegorya at simbolong naghihimatong ng paniniwala sa isang Makapangyarihang Arkitekto ng santinakpan. Maidiriin dito na masaklaw at malalim ang impluwensiya ng Stoisismo sa mga Propagandista, laluna sa mga makasosyalistang Isabelo de los Reyes, Hermenegildo Cruz, atbp.

    Ang pilosopiya ng mga Stoiko (Epictetus, Aurelius, Cicero), na nagpunla ng mga binhi ng doktrina ng Neo-Platonismo at Kristiyanismo, ay nagturo ng isang materyalismo't panteistikong sistema ng moralidad. Sa etika, idiniin nila ang pagtiwala sa sariling likas na kakayahan at pagtanggap ng tadhana. Ang kagalingan ng pagkatao (virtue) ang siyang tanging bagay na may wagas na halaga, ayon sa mga Stoiko. Ito rin ang bukal ng materyalismong historikal ng tradisyong nagmula sa mga philosophes (Voltaire, Diderot, Saint Simon) na minana at pinagyaman nina Marx-Engels, Plekhanov, Gramsci, atbp.

    Kaya bagamat naimungkahi ni Renato Constantino na utang kay Bonifacio ang sintesis ng teorya at kilusan, hindi wasto ang paratang niya na "The ideas of Bonifacio did not have a solid ideological content" at iyon ay "primitive" dahil nakasandig lamang sa "dignity of man" (1975, 165). Maraming implikasyon ito. Malalim at mapamaraan ang nakapaloob sa pariralang "dignity of man," na natukoy na natin na nagbuhat pa sa Griyego-Romano't Hudeo-Kristyanong kabihasnan, patungo sa Kaliwanagan (Enlightenment) at 1789 rebolusyon sa Pransiya at sa buong Europa noong 1848 at 1872 (Paris Commune).

    Ang batas ng kalikasan (ley natural, sa awit ni Balagtas) ay kumakatawan sa logos o prinsipyo ng rason/katwiran. Ito ang saligan ng katarungan, demokrasya o pagkakapantay-pantay, kalayaan at kasarinlan. Ang mapagpalayang kapasiyahan ng masa ang gumagabay sa kapalaran o tadhana--sa wika ni Engels, "Ang kalayaan ay kamalayan ng pangangailangan (Necessity)."  Ang pangangailangan ay matatarok sa kaliwanagan tungkol sa nakalipas at posibilidad ng kinabukasan, sampu ng kolektibong pagpapasiyang maisakatuparan ang pangarap at mithiin ng kasalukuyan. Ito ang pinakabuod na simulain ng Katipunan at republikang isinilang sa Pugad-Lawin noong Agosto 23, 1896.

Teorya ng Ritwal, Praktika ng Kilusan

    Bukod sa Dekalogo ng Katipunan, ang pinakamabisang kagamitan sa pagbuo ng ahensiya ng pag-ugit sa rebolusyon ay mamalas sa ritwal ng samahan.  Sa Dekalogo, idinulog ni Bonifacio ang prinsipyo na ang pag-ibig sa Diyos (sa perspektiba ng deistikong rason) ay singkahulugan ng pag-ibig sa bayan at sa kapwa. At ang tiyak na panukat sa dangal at luwalhati ng sarili ay nakatimo sa pag-aalay ng buhay sa ikatutubos ng buong bayan. Pakikiramay, sipag sa paggawa, pagbabahaginan, pananagutan, paglingap sa kasama't kababayan--ito ang mga pinakamabigat na asal na dapat isapuso ng mga kasapi sa Katipunan.

    Taglay ng kasaping sumusumpa sa Katipunan ang birtud ng mga natukoy na katangian. Naisapraktika iyon sa ritwal ng inisyasyon, isang seremonyang na siya mismong maantig na huwaran ng proseso ng pagbabago. 
Sa sekretong paraan, ang ritwal ng pagkakaloob ng karangalang sumanib sa mapanganib na organisasyon ay sagisag ng pagbabagong-buhay. Isang alegorikong dula ito sa pagpasinaya sa isang bagong ayos ng komunidad kasalungat sa umiiral na orden--"ang negasyon ng negasyon," sa taguri ni Engels. Ang prosesong ito ng pagkilala sa bago't dinalisay na identidad ng kasapi--muling pagkabuhay!--ay kahawig ng mga inisyasyon sa Griyego sa Eleusis at Delphi, at sa Roma sa pananampalataya kay Mithra at, sa paglaganap ng Kristiyanismo sa misyon ni San Pablo, ang misteryo ng Muling Pagbangon ("resurrection of the dead").

    Masinop na tinalakay ni Gilbert Murray ang nakabibighaning pagkakawangkis ng turo ni San Pablo at paglalangkap ng Stoiko't Gnostikong pilosopiya sa panahon ng matinding krisis (1964, 107-38). Layon ng mga paniniwalang kaiba sa status quo ng imperyo ang magdulot ng pagkakataong mailigtas ang kaluluwa/pagkatao sa kilabot at dahas ng kapaligirang mundong sawi. Layon ng Kristiyanismo, halimbawa, ang tubusin ang paganong kaluluwa sa korupsiyon at kabuktutan ng umiiral na sistema ng Imperyong unti-unting nabubulok at gumuguho.

    Sa yugto ng nabubulok na kapangyarihan ng mga prayle't marahas na burokrasyang kontrolado ng mapag-imbot na frailocracia't ganid na opisyal, handog ng Katipunan sa mga dinuhagi ang kaligtasan at kalinisan--isang bagong mundo ng kasaganaan at katiwasayan. Pampurga sa dumi at pagbawi sa dalisay na puri o dangal ng pagkatao: ito ang mithiing patnubay sa pagpasok sa Katipunan nakaangkla sa kondisyong "Kung may lakas at tapang, ikaw'y makatutuloy....Kung di ka marunong pumigil ng iyong masasamang hilig, umurong ka..."   Kasunod ang pag-lilirip sa mga tanong na tila hango sa nasuring akda ni Bonifacio, mga tanong pangkasaysayan na magtataya at magtitimbang sa pagkakaiba ng mga yugto ng panahon habang sinisikap ipag-ugnayin at bigyan-kabuluhan iyon sa pamamagitan ng bagong suheto/sabjek--ang negasyon ng nakalipas at umiiral:

1.  Ano ang kalagayan nitong Katagalugan ng unang panahom?
2.  Ano ang kalagayan sa ngayon?
3. Ano ang magiging kalagayan sa darating na panahon?     (Cruz 1922, 22-23).

Sa Wakas, Banaag at Sikat

    Kung tutuusin, ang mga tanong at pagpapaalala ay sangkap ng isang pedagohikal na metodo upang mamulat ang natutulog na bait/budhi ng taong nais mapabuti ang kanyang buhay. Ang ritwal ng inisyason ay magaling na panimulang pagsasanay, dagdag sa panunumpa at pagsasandugo pagkatapos ng pagsubok sa katapangan at katapatan ng kandidato sa partido.

    Sa haraya ng pagbabagong buhay, o paghuhunos sa bagong kalagayan mula sa lumang pagkatao na kusang itinakwil at tinalikdan, ang kontradiksiyon ng lumang suliranin at bagong kaayusan ay nalulutas. 

    Natutugon din ang kontradiksiyon sa pagitan ng makasariling karakter/makitid na kaalaman at kamalayang naliwanagan, kalangkap sa pagkataong taglay ang birtud ng pagmamalasakit at pakikiramay. Sa ibang salita, muling nabuhay ang patay at nahango sa kapahamakan.  Natubos ang kaluluwa at naisauli sa pugad ng mga lumilingap at nagmamahal na mga kapwa, kadugo man o dayuhan. Maipalalagay na ito ay pagsasanay sa napipintong pagpapasinaya ng bagong ordeng lumulutang sa usok at apoy ng digmaang gumigiba't nagwawasak sa lumang istruktura ng kolonyalismo't  Simbahan. Alalaong baga, ito'y pagdiriwang sa tagumpay ng rebolusyon.

    Sa balik-tingin, ang interbensiyon ng Katipunan ay itinalagang napapanahon. Naging mapagpasiyang salik iyon sa pag-imbento ng kinakailangang ahensiyang wawasak sa lakas militar at politikal ng Espanya, ang abanteng liderato ng Katipunan. Palibhasa'y nakapagitan ang uring sandigan nina Bonifacio at kapanalig--artisano, maliit na negosyante, edukadong empleyado sa hukuman, kawani sa imprenta at kalakal-bahay--masikhay ang pakiramdam at pagmamalasakit nila sa mga magsasaka, trabahador sa pabrika at daungan, kababaihan, atbp. Sanhi sa maluwag na hirarkiya sa partido, napagparayaan ang tendensiyang rehiyonalismo sa Cavite na sinakyan nina Aguinaldo't mga kapanalig na kasike't ilustrado.

    Mabilis na lumago ang Katipunan, mula 300 noong Enero 1896 hanggang mahigit 40,000 nang iproklama ang rebolusyon ng "Haring Bayang Katagalugan" ("Sovereign Tagalog Nation") noong 29 Agosto 1896 (Cruz 192, 43).  Maraming gremio o bukluran sa pagtutulong-tulungan ang lumahok sa Katipunan (halimbawa, ang gremio de litografos sa UST kung saan inilimbag ni Jacinto ang unang bilang ng Kalayaan, Enero 1896) at naging sanayan tungo sa unyonismong bumulas noong unang dekada ng pananakop ng Estados Unidos (Guevarra 1992).

Ang Imahen ng Ina at Palaisipan ng Kasarian

     Dapat salungguhitan ang bisa ng "Katapusang Hibik" ni Bonifacio sa pagpapahiwatig ng natatanging birtud ng kasarinlan/pagsasarili (Panganiban & Panganiban 1954, 136-38).  Kasangkot ito sa pinakaimportanteng suliranin ng kasarian sa kilusang mapagpalaya. Bukod sa bisa ng Gnostisismo at Stoisismo sa pilosopiya ng Katipunan at Propagandista (hinalaw sa literatura ng rebolusyon sa Pransiya at liberalismo-anarkismo sa Espanya), ang pananaw sa kababaihan ng kilusang mapagpalaya ay larangang hindi pa nabibigyan ng masusing analisis. Ang pigura ng ina, sumasagisag sa bayan, ginhawa o kaluwalhating inaadhika, maaliwalas na kinabukasan, kaluwalhatian, atbp., ay laging isteryotipikal at mekanikal ang pagpapakahulugan.

    Nasilip ni Soledad Reyes ang kabaligtarang mukha ng ina--"hindi siya Mater Dolorosa kundi Medusa" (1997, 127), ngunit marami pang implikasyong hindi nagagalugad. Halimbawa, ang posisyon ng Ina bilang Sophia (Katwiran/Wisdom). Katwiran at Kapangyarihan ay magkatambal; nabura ang kababaihan sa mga Konsehong makapatriaryakal ng Simbahan. Ayon kay Marina Warner: "The spirit of God, the shekinah, was feminine in Hebrew, neuter in the Greek  pneuma, feminine as sophia (wisdom), invariably feminine in Syriac, but in Latin it became incontrovertibly masculine: spiritus sanctus" (1976, 39). Gayunpaman, paalala ni Regis Debray: "While other denominations tends towards the univocal, the Catholic fantasy has as its mainspring a divided vision of the feminine, torn between angel and whore, saint and sorceress" (2004, 176).

    Payo ng Supremo: "Itinuturo ng katwiran ang tayo'y umasa sa ating sarili at huwag hintayin sa iba ang ating kabuhayan."  Sophia, ang kababaihang aspekto ng kaliwanagan, ay matatagpuan sa Muling Pagkabuhay sa dulo ng ritwal ng inisyasyon ng Katipunan at sa diwa ng "Dekalogo." Samakatwid, ang "Ina" ay siyang birtud ng kaliwanagan, maalab na inspirasyon ng pag-aalsang mapagpalaya. Para sa organikong intelektwal ng uring anak-pawis, ang Sophia ay muling pagbangon--ang inaasam na paglingap handog sa "naghihingalong Yna,", ang sinuyong "tinubuang lupa" na espasyong materyal at batayang lugar ng panahon, inarugang larangan ng kasaysayan--walang lihim sa tanod nito, ayon kay Gregoria de Jesus:

    Ang nanga karaang panahun ng aliw
ang inaasahan araw na darating
ng pagkatimawa ng mga alipin
liban pa sa bayan saan tatanghalin? 
       
("Pag-ibig sa Tinubuang Bayan,"
 nasa sa Medina 1972, 186)

    Sa kabilang banda, ang pagtakwil sa Espanya ng "Panghuling Hibik" ay umaayon sa bisyon ng Katipunan bilang boluntaryong samahan, solidaridad o kapatirang hinirang, isang ekklesiang subersibo't sekular. Kaugnay nito, kapasiyahang mulat, hindi henealohiya (tali sa pusod), ang kailangan. Tugon ito sa puna ni Rizal na sa Filipinas, indibidwalismo ang umiiral, hindi damayan. Ang Katipunan ay sinadyang pagtitipon ng mga anak ng Kaliwanagan laban sa mga kampon ng Kadiliman--isang tema ng grupong Essenes na salungat sa imperyong Romano. (Tila ang kuwebang dinalaw ng Supremo sa Pamitinan, Montalban, ang sumagisag sa sinaunang taguan ng mga Essenes.) Sa kalaunan, naging komunidad ng mga matapat (hindi taksil o mapaglilo), synchronized sa oryentasyon ng pag-asa (kinabukasan), hindi lamang sa bunsod ng memorya o gunita (nakalipas), ang proyektong etikal/politikal ng Katipunan.

    Ang pagtalikda sa inang utusan ng Imperyo't Simbahan ay umaayon sa malaparabulang tugon ni Kristo sa ina: "Babae, ano ang relasyon mo sa akin? (John 2:3; sa ibang pagkakataon na dudukalin ang suliraning ito). Sa pamamagitan ng malayang pagsanib, hindi batay sa dugo, kasarian, pamilya o angkan, ang Katipunan ay bukas sa sinumang nais makiisa sa pambansang digmaan laban sa kolonyalismo, makulinismong awtoritaryanismo ng Simbahan, sampu ng ideolohiya, praktika, institusyon at normatibong ugaling pinagpilitang ipasunod sa nilupig na Indya/Indyo. Ang gahum pampolitika ay bunga ng estratehiyang ito na may kaunting alalay din sa gerilyang metodo ng pakikibaka noong unang sagupaan sa Morong, Marikina, Antipolo, Pasig at mga nayon sa Bulakan, Nueva Ecija at Pampanga.
   
    Samakatwid, radikal ang naitatag na bangguwardyang liderato ng himagsikan na lumampas sa hanggahang itinakda ng sinaunang kabihasnan at ng kolonyalismong Espanyol. Radikal din ang pinagsamang paraan ng edukasyon at aktibong pakikibakang (higit sa repormistang taktika nina Rizal at ka-ilustrado) tinalunton ng mga alagad hanggang kina Malvar, Sakay at mga bayani ng Balangiga, Samar. Utang natin sa Supremo at 1.4 milyong mamamayang nagbuwis ng buhay (laban sa imperyong Espanya at Estados Unidos) ang dunong, danas at pagkakataon ngayon upang magpatuloy sa pagsisikap matamo ang tunay na pambansang demokrasya at kasarinlan sa harap ng malagim na terorismo ng hegemonyang lakas ng kapitalismong global.

Pagbabalik sa Kinabukasan

    Nais kong wakasan ang interbensiyon ko dito sa ilang puna tungkol sa kakulangan ng namamayaning aralin at pagsisiyasat. Pamibihira ang nakahagip sa di maikubling aporia sa mga kritikong sumuri at sumipat sa diwa ng Supremong nailahad sa kanyang "Katapusang Hibik" at "Dapat Mabatid." Sintomas ito ng naghaharing ideolohiya ng reaksyonaryong pananaw ng neoliberalismong orden sa ating neokolonya.

    Ilang halimbawa lamang ang maitatala dito. Impluwensiyal si Reynaldo Ileto sa paglapat ng banghay ng Bernardo Carpio (tulad ng Pasyon) sa panitik ng rebolusyon. Subalit pumalya ang interpretasyon at binaluktot ang katuturan ng mga akda. Naging "bunso" ang taumbayan; "layaw" at "utang" sa halip na katwiran at kabatiran at mabudhing pagpipigil sa sarili ang naging paliwanag sa masalimuot na sigalot at krisis. Dagdag pa: "...assuming [Bonifacio] was aware of [previous revolts], he would not have found them relevant to the drama of separation from Spain that he helped portray; the 'national drama for him begins after 1872" (1998, 25). Diyata't makitid ang kaalaman ng Supremo sa mismong kasaysayan ng kapaligiran? Sa ideyalistikong pagtaya sa organisadong mobilisasyon, pilitang ipinataw ang ilang piling ideya (layaw, damay, atbp) at sikolohiyang panukat na walang saligan sa kongkretong totalidad ng mga puwersang nagtatagisan sa isang takdang yugto ng kasaysayan.

    Sa perspektibang nailatag dito, hindi rin matibay ang paninindigan ng mga kritiko. Sa pagbasa naman ni Virgilio Almario ng "Katapusang Hibik," ang tangkang subukan ang "pagtanaw na historikal" ay lumubog sa kakatwang puna: sa retorika ni Bonifacio ay "masisinag ang pananagisag na Kristiyano bilang bukal ng kapangyarihan ng wika ni Balagtas" (2006, 202). Kahawig ng antikwaryong hatol ni Ileto, mahigpit na opinyon ni Almario na hindi pa rin makahulagpos ang porma't sining ng Supremo sa kwadro ng Pasyon, huwaran at aral ng relihiyong dulot ng kolonyalismong Espanyol. 

    Sa kabilang banda, bagama't maingat ang paraan ng pagsipat ni Soledad Reyes, hindi pa rin naiwasan ang pormalistikong pagkiling sa makapangyarihang birtud ng sining na di-umano'y lumilikha ng sariling daigdig. Alingawngaw ito ng romantiko't pormalistikong pamantayan ng konserbatibong ilustrado. Batay sa ganitong metapisika, humantong sa isang anarkista't suhetibismong konklusyon: "ang daigdig na diskurso ng rebolusyon ay isang mundong wala nang orden at batas, pinamamayanihan ng anarkiya...." (1997, 128). Kung iposisyon natin ito sa gitna ng paggigiit ng Katipunan sa halaga ng intelihenteng disiplina at kolektibong pangangasiwa't pangagalaga sa bawat aksiyon ng mandirigma, anong kahidwaan ang lilitaw?.

    Anong aral ang mahuhugot dito? Isa lamang: Kailangang balikan--mas tumpak, halungkatin at siyasatin--ang kasaysayan ng himagsikang pinamunuan ng Katipunan upang matuklasan natin ang binhing nakaburol doon, ipakawalan ang enerhiyang nahihimlay sa pusod ng nakalipas, at sa gayo'y maikasangakapan iyon upang maitayo ang malaya, makatarungan at demokratikong kaayusan ng lipunan ngayon at sa hinaharap.  Pansin ni Senador Claro Recto na ang ideyalismo ni Bonifacio, nabahiran ng mga kaisipan ni Rizal, ay siyang nagtulak sa bisig ng rebolusyon: "Not all dreams come true. But the wonderful things of the world were created by idealists like the Great Poorly-born Andres Bonifacio" (1968, 78). 

    Ang kinabukasan ng ibinubuong bansang may tunay na kasarinlan ay nakasalalay sa kasalukuyang gawaing suriin at pahalagahan ang tagumpay at kabiguan ng nakalipas, maihiwalay ang dilim sa liwanag, at makamit ang malayang pag-unlad ng bawat nilalang na nakasandig sa kalayaan at kaunlaran ng buong sangkatauhan. Mabuhay ang Supremo at masang lumalaban!

SANGGUNIAN

Agoncillo, Teodoro. 1965.  The Revolt of the Masses.  Quezon City: University of     the Philippines Press.
------ & Oscar Alfonso.  1967.  History of the Filipino People.      Quezon City:     Malaya Books.
Almario, Virgilio.  2006.  Pag-unawa sa Ating Pagtula.  Manila: Anvil Publishing     Co.
Arendt, Hannah.  1978.  The Life of the Mind.  New York: Harcourt Brace     Jovanovich.
Constantino, Renato.  1975.   The Philippines: A Past Revisited.  Quezon City:     Tala Publishing Services.
Cruz, Hermengildo.   1922.  Kartilyang Makabayan.  Maynila: Lupong     Tagaganap, Araw ni Bonifacio.
Cruz, Isagani at Soledad S.Reyes.  1984.  Ang Ating Panitikan.  Manila; Goodwill     Trading Co.
De la Costa, Horacio. 1965.  Readings in Philippine History. Manila: Bookmark.
Debray, Regis.  2004.  God: An Itinerary.  London: Verso.
Guerrero, Leon M.  1969.  The First Filipino.  Manila: Jose Rizal National     Centennial Commission.
Guerrero, Milagros, Emmanuel N. Encarnacion, and Ramon Villegas.  2003.      "Andres Bonifacio and the 1896 Revolution."  Sulyap Kultura. Manila:     National Commission for Culture and the Arts.
Guevarra, Dante G.  1992.  Unyonismo sa Pilipinas.  Manila: Institute of Labor and     Industrial Relations, Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas.
Ileto, Reynaldo.  1998.  The Filipinos and their Revolution.  Manila: Anvil     Publishing Co.
Joaquin, Nick.  1977.  A Question of Heroes. Manila:  Ayala Museum.
Mabini, Apolinario.  1969.  The Philippine Revolution. Tr. Leon Ma. Guerrero.      Manila: National Historical Commission.
Medina, Ben Jr.  1972.  Tatlong Panahon ng Panitikan.  Manila: National Book     Store.
Murray, Gilbert.  1964.  Humanist Essays.  London: Unwin Books.
Ocampo, Ambeth. 1998.  The Centennial Countdown.  Manila: Anvil Publishing     Inc.
Osborne, Peter.  2005.  How To Read Marx.  New York: W.W. Norton.
Palma, Rafael.  1949.  The Pride of the Malay Race.  New York: Prentice-Hall, Inc.
Panganiban, J. Villa and Consuelo Torres-Panganiban.  1954.  Panitikan ng     Pilipinas.  Quezon City: Bede's Publishing House.
Recto, Claro M.  1968. "Rizal the Realist and Bonifacio the Idealist."  In  Rizal:     Contrary Essays. Ed. Petronilo Daroy and Dolores Feria.  Quezon City:     Guro Books.
Reyes, Soledad.  1997.  Pagbasa ng Panitikan at Kulturang Popular.  Quezon City:     Ateneo University Press.
Santos, Jose P. 1935.  Buhay at Mga Sinulat ni Emilio Jacinto.  Manila: Jose P.     Bantug.
Sevilla y Tolentino, Jose. 1922.  Sa Langit ng Bayang Pilipinas: Mga Dakilang     Pilipino.  Maynila: Limbagan nina Sevilla at mga kapatid.  Web.
    <http:/www.gutenberg.org/files/17786-h/17886-h.htm>
Warner, Marina.  1976.  Alone of All Her Sex.  New York:
Zaide, Gregorio.  1970.  Great Filipinos in History.  Manila: Verde Book Store.
---- and Sonia Zaide.  1984.  Jose Rizal: Life, Works and Writings of a Genius,     Writer,     Scientist and National Hero.  Manila: National Book Store.

-----__________

E. SAN JUAN, Jr.   9/8/2013
<philcsc@gmail.com>
<philcsc@sbcglobal.net>

Sunday, September 1, 2013

KRITIKA NG SINING NI FRANCISCO BALAGTAS ni E. San Juan, Jr.

BALAGTAS: Proyekto Tungo sa Diyalektikong Analisis at Materyalismong Interpretasyon ng Florante at Laura

                              ni E. SAN JUAN, Jr.



    Bakit balik-sisyasat na naman sa diskurso't larangan-sining ng Sisne ng Panginay?  Payak na tugon: sapagkat nag-iiba ang panahon/kasaysayan, nagbabago ang sangkatauhan, kaya nararapat isalamin ang kabaguhan sa angkop na panunuri't masinop na pagsipat sa mga akda ni Francisco Balagtas (1788-1862).

    Tiyak na sa harap ng di halos mabilang na nakalathalang pag-aaral at pananaliksik tungkol sa obra maestra ni Balagtas, na di lang hinirang na kanonikal na asignaturang dapat basahin kundi sakramentong pamana ng lahi, wala nang bagong matutuklasan tungkol sa halaga at katuturan ng akda. Mali ang akalang ito sapagkat ang panahon ay nagbabago. At sa bawat pagsulong ng kasaysayan ng ating lipunan at kaalinsabay na pagbabago, sa gitna ng mabilis na pag-inog ng relasyong internasyonal ng mga bansa, nag-iiba ang pananaw ng bumabasa, pati na ang milyung kinalalagyan ng likhang-sining. Bagamat may pagbabago, mayroon ding nananatili--hindi maihihiwalay ang diyalektikal na ugnayang ito. Lilitaw ang masalimuot na paglalangkap ng luma at bago, tradisyon at modernidad, sa takbo ng pagtalakay ko sa makabagong pagkilatis at pagkaunawa ng Florante sa paraang pagsasalin dito sa isang diskursong konseptuwal o dili kaya'y post-konseptual.

    Sa umpisa, nais kung ipatalastas sa mambabasa na napag-ukulan ko ng masusing pagdalumat pampilosopiya ang akda ni Balagtas noong nakaraang dantaon.  Lumabas ang aking sanaysay, Balagtas: Art and Revolution, noong 1969. Nailathala muli ito sa koleksiyong Himalay (1988), imprenta ng Cultural Center of the Philippines, pinamatnugutan nina Patricia Cruz at Apolonio Chua. Ang salin ko ng tula ay ipinalimbag ng Art Multiples Inc. noong 1978, kalakip ang mga dibuho ni Rod Paras-Perez, na siya ring namahala sa malikhaing pagyari ng edisyong ito. Sumunod ang isang kabanata hinggil kay Balagtas sa aking Toward A People's Literature (1984), kung saan nagmula ang kabanata 4, "Balagtas: Pagtatakwil sa Romansa," sa kalipunan kong Himagsik: Pakikibaka Tungo sa Mapagpalayang Kultura (2004). Nais ko ring banggitin ang ilang naunang hagod ko sa paksang ito sa Preface to Pilipino Literature (1972) at Introduction to Modern Pilipino Literature (1974).
    Sa maikling lagom, ang sinikap kong ipaliwanag sa mga nabanggit na ensayo ay may tatlong aspekto o panig. Tinalakay ko, una, ang istorikal na pagtingin sa buhay at gawa ni Balagtas sa kanyang panahon; pangalawa, ang temang pilosopikal na pagdukal sa mga kontradiksiyon ng lipunan sa paraang alegorikal at palaisipan; at pangatlo, ang radikal na bisa at implikasyon ng pamamaraan sa Florante na umaayon sa mga simulain at adhikain ng pambansang demokrasyang kilusan sa kasalukuyang panahon.  Maaaring hindi nahimay lahat ng detalye sa mabisang paraan, kaya pakay ko rito ang balik-tanawin ito at ipasok ang isang inobasyon: ang konseptuwalisasyon sa diwa ng awit sa pagtatanghal ng isang diskursong konseptuwal sa dakong huli. Marahil ito na ang ultimong katwiran sa muling pagdalaw sa panitik ni Balagtas.

Perspektibang Materyalismong Diyalektikal

    Maididiin dito sa panimula na ang punto-de-bista ng sanaysay ay materyalismong istorikal sa tradisyon nina Marx at Engels.  Salungat ang lapit ko kumpara sa ilang makabagong pagbasa sa tula na umaalinsunod sa estrukturalista o post-estrukturalistang teorya ng mga Kanluraning kritiko tulad nina Derrida, Iser, Foucault, atbp. Malinaw na hindi sapat iyon pang makatarungang matimbang ang kathang-sining. Sadyang makitid o dahop ang paniwalang teksto lamang, mito, wika, ang pinakaimportanteng batayan ng kahulugan at kahalagahan, tulad ng ipinanukala ni Loline Antillon sa kanyang "Florante at Laura: Dikonstraksyon ng Pinuno."  Katibayan ito na patuloy pa rin ang pormalistang pamantayan sa makabagong damit, bagay na itinatakwil dito.

    Sa katunayan, ang gayong pagsusuri ay ekletiko't nominalistiko.  Tanda ito ng konserbatibong pagbalik sa ideyalistikang metapisika nina Descartes, Kant at Nietzsche. Mapinsala rin ang ideyalistikong semiolohiya ni Saussure. Sa iba't ibang anyo, ang lahat ng natukoy ay nagsisilbing ideolohiya ng imperyalistang monopolyo sa yugtong ito ng krisis ng kapitalismong global. Ang pagpapatayog ng wika, mito, at indibiwalistikong kamalayan ay saligan ng komodipikasyon ng lahat--lakas-paggawa, katawan, panaginip, kagamitan, kapaligiran--sa ngalan ng tubo, akumulasyan ng kapital, at dahas ng nagmamay-ari. Umiwas tayo sa salot ng alyenasyon/reipikasyong umiiral.

    Tahasang kaiba ang pinakaunang masusing saliksik ni Bienvenido Lumbera, Tagalog Poetry 1570-1898 (1986). Si Lumbera ang unang naghimay ng mga salik ng tradisyon sa panulaang katutubo na naging sangkap sa awit ni Balagtas, kabilang na ang corrido, pasyon, at mga romansang may tipong caballerescos, moriscos at historicos. Mainam na naipaliwanag ni Lumbera ang impluwensiyang pampanitikan ng Europa sa pagbalangkas ng tula, laluna ang dulaan. Pinakatampok ang tema at motif ng palasintahang galante o maginoohin (courtly love), hindi ang wika o sistema ng tugmaan. Utang din kay Lumbera ang paglalantad sa layon ng balangkas ng tula (ang tema ng edukasyon o inisyasyon, ang estilo ng teatro, at mga klasikong alusyon at reperensiya). Sikapin nating humakbang mula sa baytang na ito.

    Sa malas, kailangang mabatid ang tradisyong pangkulturang iyon upang mabigyan ng saysay ang teksto at retorika ng awit. Kung dahop sa konteksto, walang katuturan ang teksto, wika, salita. Nakaugat ang haraya o guniguni sa isang namamayaning konsepto o artistikang layon na uugit sa pamamaraan, banghay ng salaysay, talinghaga, atbp. Kung walang arkitektonikong bukal o matrix, walang silbi ang porma, hugis o estilo ng tula. Kung hindi matarok o masipat ito, malayong mawatasan ang tunay na adhikain ng makata. Kung walang makahistorikal na pagpapakahulugan, tandisang kulang ang anumang hatol o taya sa naisakatuparang akda.

    Ano ang makapangyarihang konseptong nasa likod ng tula? Halos lahat ng iskolar ay nagkakaisa sa tesis na ang istandard na sinunod ni Balagtas ay mga romansa ng pag-iibigan, hinaluan ng eksenang moro-moro at relihiyosong pangangaral. Resultang naratibo ay may pangkomeyang wakas: nasagip ang mga biktima, nabawi ang kaharian, naparusahan ang mga may-sala, naging Kristiyano ang Muslim, at lumaganap ang kasaganaan at kapayapaan. Tila deus ex machina ang inilapat sa pagitan ng malimit na didaktikong pagtuldok sa bawat kurba ng daan.

    Sa aking palagay, ang pinakasentral na konsepto sa awit ay ang pagtuklas sa mga kontradiksiyon sa buhay, sa lipunan, sa kasaysayan. Kaagapay nito, ang tema ng pagtataksil at paghahanap ng katotohanan at matwid ay tumutuhog sa mga pangyayari at tauhan. At kung may paglutas sa suliranin ng mga kontradiksiyon, tulad ng Kristiyanismo versus Islam, iyon ay bunga ng pagkakataon--hindi aksidente o pagbabakasakali kundi resulta ng paghahabi't pagdurugtong ng intensiyon ng tao, sirkumtansiya, institusyong minana, ideolohiyang nagtatagisan.

    Kung tutuusin, ang Florante ay mala-realistikong parabula na "Kinuha sa madlang 'Cuadro Historico,' ayon sa pangalawang pamagat ng tula.  Ito ay diskurso hinggil sa konsepto ng pagtuklas ng katotohanang supling sa interaksyon ng sitwasyon, karakter ng tao, at kaisipan. Naisiksik ni Balagtas ito sa bansag ng humanistikong ley natural sa  saknong 150:

    Moro ako'y lubos na taong may dibdib
at nasasaklaw rin ng utos ng Langit;
dini sa puso ko'y kusang natititik
natural na leing sa aba't mahapis.

Tila madaling sagot ang paliwanag na "batas natural" (natural law) ang sanhi ng ginawang pagkalinga ni Moro sa isang Kristiyano. Umaayon ito sa mahaba't malalim na tradisyong mapagpalaya--mula sa Stoikong pilosopong Grieygo-Romano hangggang Rousseau at St. Just sa Pransiya, Rizal at Bonifacio--na nakasalig sa kosmolohiya ng kalikasan. Iminungkahi ni Ernst Bloch (1986) na ang batas ng kalikasan ay napagkasunduang sandigan ng dignidad ng bawat tao sa Kanluraning pilosopiya.

    Sa katunayan, ang kagandahang-loob ni Aladin ay bunga ng kanyang sitwasyon, na kahawig ng sitwasyon ni Florante (kapwa nasalanta sa pagtataksil/pagbabaligtad ng inaasahan).  Hindi iyon esensiyal na katangian ng kanyang pisyolohia. Gayundin ang pagkakatulad ng karanasan nina Laura at Flerida, datapwat may maselang kaibahan: nagbalatkayong lalaki/gerero si Flerida upang makatakas at maging tagapagligtas ni Laura at taga-hatol sa sukab na Adolfo--di lang babae kund pagano/Muslim pa ang lakas na nagtulak sa masayang wakas. Sandaling napag-alinlangan ang katatatagan ng tinawag ni Ruth Mabanglo na "patriyarkal at maskulinong atityud ni Balagtas" (1992, 309), kaya "makitid ang pananaw na iniambil sa katauhang babae" sa tula. Tumpak ba itong opinyon ni Mabanglo kung si Florante mismo, bayaning kastrato o "nawalan ng bayag," ay nasadlak sa katayuang makababae-- malambot, palasuko, mapagbigay, mahinhin--halos kabiyak ng malingap na Aladdin? Fraternidad ba ito, kaakibat ng Liberte at Egalite? Pahiwatig ito na hindi simple ang oposisyon ng lalaki/babae, hayop/tao, gubat/sibilisasyon sa dinamikong kalakaran ng magkatunggaling pwersa sa awit.

    Makahulugang pihit ito ng tadhana: ang babaeng inuusig ang siyang kinatawan o sugo ng "mahiganting langit" (13). Samakatwid, ang konsepto ng kaisahan o kaibahan ng banghay ng mga pangyayari, ang puno't dulo ng kilos ng mga gumaganap ng papel, ang pinagmulan at kahihinatnan, ang esensiyal sa kritikang kaalaman sa buhay, lipunan, tao, kasaysayan. Hindi ito naisingit sa isang talata, larawan o eksena, kundi nakabuklod sa pag-ikot ng mga pangyayari. Sa terminolohiya ni Hegel, ang "katusuhan ng Rason" (cunning of Reason) at ni Marx, "ang tunggalian ng mga uri sa lipunan," ang pumapatnubay at umuugit sa gulong ng kapalaran, sa pag-inog ng pangyayari, at tuluyang pagpapakilala sa lihim ng tadhana.

Yugto ng Paghuhunos at Pagbabanyuhay

          Bago tayo bumungad sa antas ng pagkonseptuwalisyong metodo ng diskurso, pagtuunan natin ng pansin ang ilang bahagi sa talambuhay ni Balagtas na makukunan ng ilang dahilan upang magsusog ng ilang ipotesis.

    Ang lawig ng buhay ni Balagtas ay sumasaklaw sa siglo ng Kaliwanagan (Enlightenment) o Rason sa Europa. Mula huling dako ng 17 dantaon hanggang unang dako ng 19 dantaon, nangibabaw ang kaisipan at turo nina Lessing, Goethe, Schiller, Kant, Voltaire, Rousseau, Lock, Hume at Adam Smith. Ang huling pantas ay simbolo ng paglaganap ng pamantayang "laissez-faire" modo ng kapitalismo. Nabuwag ang dinastiyang Bourbon, nagtagumpay ang burgesyang himagsikan. Naging imperador si Napoleon pagbagsak ng Republika; nasakop niya ang maraming bansa, kabilang na ang Espanya noong 1808-14 na tuwirang bumaba ang kapangyarihan noong Pitong Taong Giyera (Seven Years War, 1756-1763). Natambad ang biyak at lamat ng gumuguhong kuta ng imperyo.

    Sa pagkatalo ng monarkiya, nahikayat ang mga dating sakop na lumaya sa mga digmaan sa pagsasarili (Wars of Independence) sa Timog Amerika: Mexico, Argentina, Peru, Venezuela, Bolivia. Pansamantalang napawi sa Espanya ang ideolohiyan ng Media Siglo sa masang kilusang lumaban kay Napoleon. Nakagawa ang mga liberal na Kastila ng 1812 Konstitusyon ng Cadiz, na nagbigay ng mga karapatan ng mamamayan sa mga bayang napailalim sa Espanya.  Nang magapi si Napoleon, nagbalik sa trono si Ferdinand VII, sinira ang Konstitusyon ng Cadiz, at ipinataw muli ang mabagsik na despotismo't awtoritarynismo.  Sa Pilipinas, walang pang isang taon nang iproklama ang Konstitusyon nang wasakin ito noong 1814. Akala ng mga katutubo na pantay na sila sa mga Kastila, ligtas na sa mapahamak na polo servicios, tributo at iba pang mapinsalang buwis. Hindi pala.

    Sa harap ng kaunlaran sa Europa at Amerika, marami ring pagsulong sa Filipinas noon. Bago sumabog ang dalawang sigalot sa Ilocos (Basi rebelyon) at sa Tayabas-Laguna-Batangas (rebelyon ni Hermano Pule) na tumagos kaipala sa kamalayan ni Balagtas, balik-tanawin ang kondisyon ng kapuluan noong 17 dantaon. Malaking impluwensiya ang komersiyo ng Intsik at Ingles sa pag-unlad ng ekonomya. Nang sakupin ng Inglatera ang Maynila noong 1762-1764, lantad na ang karupukan ng kolonyalismong Espanyol. Inumpisahan at pinasigla ang paglinang ng asukal, tabako, indigo at abaka ng mga reporma nina Gobernador Simon de Anda Salazar at Jose Basco Vargas. Ang monopolyo sa tabako ay itinatag noong 1781, ang monopolyo sa alak noong 1786. Ang malayang pangangalakal, tatak ng sistemang kapitalismo kalulunsad, ang umiral sa panahong 1750-1850. Pagkaputol ng negosyong galleon noong 1813, bumulas ang sistemang angkat-luwas ng kalakal sa maraming bansa, kabilang na ang Tsina, Inglatera, Estados Unidos, atbp. Nabuwag nang kaunti ang lakas ng mga prayle, lumakas ang poder ng prinsipalya, laluna mga negosyanteng mestisong Intsik, sa pagtatayo ng bangko at pamamayani ng palitan sa salapi (cash economy).
Tuwirang nayanig ang mga institusyon ng buong kolonya.

    Kinakitaan ng maraming pag-aalsa sa panahon bago sumilang si Balagtas noong 1788. Pinakatanyag at pinakamatibay ang rebelyon ni Dagohoy sa Bohol (1744-1829) na kinasapian ng mahigit 20,000 alagad (Agoncillo 1967). Sumunod ang himagsik nina Diego Silang at Gabriela Silang (1762-1763) kaalinsabay nang pagkasakop ng Inglatera sa Maynila. Tutol ang mga kampon ni Silang sa tributo, sapilitang abuloy ng serbisyo, at pang-aabuso ng mga alcaldes mayores sa indulto de comercio. Sa Pangasinan naman, ipinagpatuloy ni Juan de la Cruz Palaris ang mga pakikibaka ng mga taumbayan sa Pampanga (Andres Malong) at sa Ilokos (Pedro Almazan) nang pinamunuan niya ang masa sa Binalatongan, Dagupan, atbp. Napatay si Palaris noong Marso 1764. 

    Ngunit hindi tumigil ang reklamo't paghihimutok, pagbalak at pagkilos, ng taumbayang inaapi. Nang pumutok ang gulo sa Piddig at Sarrat, Ilokos, noong 1807, labingsiyam na taon si Balagtas sa Tondo, nag-aaral ng pilosopiya, teolohiya, Latin at mga batas sa Colegio de San Juan de Letran. Tatlumpu't limang taon si Balagtas, hinog na gulang na siya, nang umalsa si Kapitan Andres Novales, isang creole, na tumutol sa pribilehyo ng mga peninsulares sa hukbong sandatahan noong 1823. Nang sumikdo ang kilusan ni Hermano Pule sa Tayabas noong 1839-1841, matipunong 51-53 taon na si Balagtas, nakatira na sa Balanga, Bataan, empleyado sa hukumang nagsanay sa kanya para sa mga hinaharap na katungkulang teniente mayor at juez mayor de sementera (Cruz 1988; De los Santos 1988).

    Produkto ng panahon ang kamalayan ng makata. Walang pasubali na nang nag-aaral siya't nagsasanay sa pagsulat noong unang bahagi ng ika-19 dantaon, nahubog ang diwa't hinagap, budhi at pagkatao, ni Balagtas ng alitan ng mga maralitang pesante't manggagawa laban sa prinsipalya't kolonyalistang poder. Laganap noon ang huntahan at bulung-bulongan tungkol sa mga ligalig at gulong nagaganap sa Ilokos, Bohol, mga lalawigang kanugnog ng Maynila, at mga kampanyang inilunsad ng mga Kastila laban sa Moro buhat pa noong magapi si Sulayman sa Maynila. Nabuksan ang Maynila sa mga dayuhang negosyante simula noong 1834.  At noong nasa Pandakan si Balagtas, ang mobilisasyon ng Cofradia de San Jose ni Apolinario de la Cruz ay sumaklaw na sa lalawigang Tayabas, Batangas at Laguna. Wala nang hinahon at ginhawa bagkus puno ng hilahil at linggatong ang mamamayan sa kaharian ng "Albanya."


Bakas at Palatandaan sa Talambuhay

    Alam ng lahat na tubo sa angkang manggagawa--maralitang panday ang kanyang ama sa Panginay, Bigaa, Bulacan, malapit sa uring magsasaka--si Balagtas. Ipinaganak siya noong Abril 2, 1788, isang taon bago sumiklab ang rebolusyon sa Pransiya. Nag-aral ng katon, kartilya at dasalan sa kumbento sa direksiyon ng maestrillo ng kura. Pagkatapos, ipinasok siyang alilang-kain (naglingkod sa maybahay) sa isang mariwasang pamilya Trinidad sa Tondo upang makapag-aral sa Colegio de San Jose at sa San Juan de Letran. Ang isang guro niya sa unang paaralan ay si Padre Mariano Pilapil, kilalang awtor ng Pasiong Mahal (1814). Samakatwid, edukasyong kombensyonal, oryentasyong ginabayan ng Simbahan, ang pumanday sa murang kamalayan ni Balagtas.

    Ulat din ni Hermenegildo Cruz (1988) na natapos ni Balagtas ang pag-aaral sa gulang na 24 taon noong 1812. Sinasabing nabigo ang hangad niya na malapit kay Jose de la Cruz, ang bantog na makata at mandudula; balita'y wala kasi siyang sisiw upang ipagpalit sa turo at payo ng pantas.  Noong taong din iyon nabigo si Imperador Napoleon sa pagsakop sa Rusya; at pumutok sin ang giyera ng Estados Unidos at Inglatera na siyang nagtakda ng hanggahan ng kanikanilang teritoryo. Noong 1830 nagsimula ang reporma sa Inglatera upang palawakin ang demokratikong representasyon ng mamayan sa Parlamento.
Malayong nakagiyagis ang mga ito sa paghahanap-buhay ng binatang noo'y naniningalang-pugad.

    Noong 1835-38, lumipat si Balagtas sa Pandakan kung saan nakilala niya si Maria Asuncion Rivera, ang dinakilang Selya na pambungad sa awit. Sa kaligirang 47-50 taong gulang siya nang mapabilanggo sa pakana't sulsol ng kasikeng magulang ni Mariano Kapule, ang karibal niya. Kung bakit siya napiit ay hindi malinaw; may hinalang iyo'y resulta ng maniobra ni Nanong Kapule na malakas ang kapit sa gobyerno, upang mawala ang sagabal sa pagligaw sa kanyang napusuan. Ibinintang sa makata ang isang krimen na nakahadlang sa kanyang pagtugis kay Selya, ang musa ng kanyang bumabalong na guniguni.  Haka ng marami na sinulat ni Balagtas ang Florante sa loob ng bilangguan; nailimbag iyon noong 1838, sa liberal na administrasyon ni Gobernador Andres Garcia Camba (Zaide 1970).

    Malabo ang impormasyon tungkol sa inhustisyang ipinadanas kay Balagtas. Gayundin ang sakdal na pagputol niya ng buhok ng isang alilang babae ng isang pamilyang mayaman sa Udyong. Paratang na naging krimen at usaping nagdulot ng mapait na pagdarahop ng pamilya. Nabilanggo siya noong 1856 (sa Bataan at sa Bilibid sa Maynila) at pinakawalan noong 1860 dalawang taon bago siya pumanaw noong Pebrero 20, 1862, taon nang ipagbawal ang pagiging busabos (serf) sa Rusya at pangalawang taon ng Giyera Sibil sa Estados Unidos upang masugpo ang sistema ng pang-aalipin sa mga Aprikanong inangkat mula sa Aprika. Ang apat na taon sa piitan ay ginugol sa pagyari ng maraming dula, kabilang na siguro ang Orosman at Zafira, Rodolfo y Rosamundo, Nudo Gordiano, Abdal y Miserena at Bayaceto y Dorlisca--ang una lamang ang nasagip nang buo sa mga naturang katha (Cruz 1988; De los Santos 1988).

    Pagkalabas niya sa bilangguan, lumipat si Balagtas sa Balanga, Bataan, noong 1840. Nagsimula ang pangalawang yugto sa buhay ng makata na sumukdol din sa pagkabilanggo sa Maynila na kanyang iniwan mahigit sampung taon na. Bilang katulong ng huwes sa Bataan, nakapaglibot siya at di naglaon ay nakilala si Juana Tiambeng, anak ng mayamang pamilya sa Udyong. Kinasal sila noong Hulyo 22, 1842 sa gitna ng mga bulong-bulungan. Sino ba naman si Balagtas? Isang taong di kilala, walang yaman, edad 54 taon samantalang si Juana ay 31 taong gulang. Masahol pa, hindi siya miyembro ng prinsipalya. Noong 1856-57, hinirang siyang taga-salin sa hukuman. Pinalitan din niya ang pangalan niya--naging Francisco Narvaez Baltazar--ayon sa dekreto ni Gobernador Narciso Claveria. Pito ang anak na nabuhay sa 11 na isinilang sa mag-asawa. Walang kababalaghan sa buhay niya liban sa pagkakakulong sa sumbong ng katulong na babae ng alferez Lucas (Sevilla y Tolentino 1922; Zaide 1970).

    Sumiklab ang himagsikan ng 1848 sa Europa; naipahayag ang "Komunistang Manipesto" at lumago ang kilusang sosyalista. Samantala, kawaning taga-salin si Balagtas at naging teniente mayor at juez mayor de sementera---katungkulang hindi tumulong sa kaso niya; namulubi sila dahil sa gastos sa kasong baligho. Pinagibili ng asawa ang mga alahas at lupain. Anim na buwan siya sa piitan sa Balanga, Bataan, at ang nalabing panahon sa Bilibid sa Maynila. Sanhi ng masaklap na karanasahan, naibalita na pinagbilinan ang asawa na huwag payagang maging makata ang sinuman sa mga anak, mabuti pang putulan ng kamay upang huwag mapasubo sa marahuyong kaabalahan .

Engkwentro ng Ilang Kulay sa Bahag-hari

    Malahimala ang katigasan ni Balagtas. Sa gitna ng mga kagipitan at kahirapang dulot ng pinagsalikop na buhos ng pangyayari, hindi siya sumuko  at naging sinikal, suya o inis sa lihim o labas na pagtuligsa sa kabuktutan sa paligid. Angkin niya ang isang natatanging siyentipiko't mapanuring sensibilidad na sumusukat sa tunay na kalikasan ng bawa't tao at problema sa relasyong panlipunan.

    Ayon kay Teodoro Agoncillo, si Balagtas ay dakila sa "paglalagay ng balatkayo sa kanyang mga mapanganib na kaisipan" (1992, 226). Mapanlinlang ang madalamhating payaso ng guniguni. Satiriko't mapagpatawa, matalas niyang binatikos ang mga rasistang prehuwisyong bumaluktot sa pag-iisip at lumason sa budhi ng balana. Naging konsiyensiya siya ng lahi at uring pinagsasamantalahan. Malinaw na katibayan dito ang saynete niyang "La India Elegante y El Negrito Amante" (Flores at Enriquez 1947). Ang tipo ng saynete noon ay komikong interludyo sa mga liturhikal na palabas o ritwal sa tanghalan, nanunudyo o nang-uuyam ng mga kaululan, bisyo at masagwang asal ng mga taong nanood o kasali sa mga pista ng mga banal na araw.

    Napuna ng ilang kritiko (e.g., Almario 2006) na ito'y halimbawa ng masayahing diwa ni Balagtas. Mapagbiro ang tono, bukod sa hitik ng parikala, parunggit, at retorikang lihis sa malungkuting salamisim ng mga metrikong romansa.  Ngunit ito'y hindi pangliwaliw lamang.  Batbat ng matalas na hagupit sa mga kalokohan at pagmamalabis ng karaniwang tao at mga namumuno, ang satirikong talino ay nanghahamon. Magaspang at mahalay ang saya katugma sa pagtambal kina Tonyang taga-luto at queridang pinanambitan. Magkahalong ngiti at ngisi, mura at walang-hiyang hibo, ang tuwang inihahain.  Halimbawa: nang sumabad si Menangge, ang babaeng sinusuyo ng itang Kapitan Toming,  na di niya tatanggapin ang alok ng taga-bundok na may regalong "masamang ibong kuwago," sagot ng ita habang tumatawa:  "Laki niring kamalian! / Isip ko'y di ka pihikan / iyo palang tinitingnan / ang balat, hindi ang laman."

    Sadyang nakabibighani ang magkahalong siste at biro sa parodya ng eksena ng panunuyo. Ang konsepto ng kabaligtaran o salungatan ang nag-uugnay sa porma ng saynete. Taglay sa himig at banghay ng dula ang mga katangiang nakabuod sa salawikain, bugtong, tudyuhan at tuksuhan sa mga dupluhan, awiting-bayan at balitaktakang nakagawian. Ang diyalogo nina Uban at Toming sa simula ay malabisang pagkukunwa, tangkang kumiliti, humamon ng kantyaw o pumukaw ng halakhak. Gayunpaman, seryoso at taimtim ang pagpapahayag ng damdamin, tulad sa dalawang awit ni Toming at Menangge sa gitna ng saynete. Pagninilay ni Menangge sa madulas, kapritsoso't malikot na takbo ng damdamin:

    Kung magabi nama't magkusang sumabog
sa masayang langit ang bituing tampok,
kung sa nakaraang maghapo'y umirog
parang asong biglang papanaw sa loob.

    Ano pa't ang sinta'y hindi kumakapit
kundi nga sa balat lamang niring dibdib,
kung dini sa puso'y masok ang pag-ibig
letra ang kaparang sinulat sa tubig. (1947, 12)

    Ang querida sa bundok ay ambil na himatong sa mga babaeng napusuan ng awtor. Sino kaya sa mga nakaraang paraluman ni Balagtas--sina Lucena at Bianang sa Tondo, o ang dalawang Selyang pinag-ukulan ng masuyong luhog, o si Juana Tiambeng, ang kabiyak--ang nagsilbing bukal ng maigting na pagdidiling naisingit sa nakalulugod na katapusan ng dula? Matining na alingawngaw ng dunong nina Flerida at Laura ang mapapansin sa tinig ni Menangge:

    Kung nagkakataong sa hangi'y ibuhos
ang bagyo sa mundo'y madla ang lulukob,
ngunit kamunti ma'y hindi malulukot
sa bagyo ng sinta ang puso ko't loob.

    Palibhasa aking tatap
aral ng sa mundo'y lakad
ang pagsinta't pagsusukab
mahigpit ang pagkalapat.

    Kahabagan kita sa linungoy-lungoy
kahit kamunti man sa puso ko ngayon,
isipin ang puso kung sa sinta'y tukoy
di mananatiling magiging maghapon.

    Ang pagsinta'y ang kamukha
ay pag-iisip ng bata
kung ngayo'y parang kandila
baluktot na maya-maya. (1947, 14)

Mailap na Katumbalikan

    Nakagugulat ang pagmamasid na naisaad, isang mapangahas na tagubilin sa mga kabaro o sinumang dumaranas ng sakit na idinaing sa Florante. Tandaan na hindi naman peminista ang nagtatagubilin nito. Ang ironikong hagkis ng pananalita ay hindi pambihira bagkus nakabaon sa sensibilidad ng makata. Dahil nahirati ang maraming iskolar sa saloobing si Balagtas ay panatikong nagumon sa pagdurusang romantiko, patuloy ang paggamit sa "Labindalawang Sugat ng Puso" (hango sa komedyang "Abdal at Miserena" (1859). Bakit bulag ang mga tagahanga sa mga pasaring? Anupa't laging binibira ang "Sintang alibugha," "kasing lilo't alibugha," "lilong nagtataksil,"  at idiniin sa huli ng umaawit: "Huwag may maparis ng sinta sa akin;/Matakot ang lahat sa lilo'y gumiliw,/Pangilaga't lason ng sino ma't alin" (Medina 1972, 134). Kung tutuusin, tila ba ubod-masokista ang pagkabulag sa parikalang nakatampok dito. O ang pagluhog sa iniibig ay dakila kahit lilo, taksil, alibugha't malupit ang babaeng sinasamba, sakripisyong bumubuwag sa pagkamakasarili at nagpupugay sa sukab at palamarang traydor. Bakit kaya ganoon?

    Sayang at hindi naalagaan ang ganitong mga akda. Ulat ng mga istoryador na natupok ang lahat ng naitagong katha ni Balagtas sa isang malaking baul noong sunog sa Udyong ng Mayo 5, 1892. Sino ang makapagsasabi kung may matuklasang manuskritong naisalba? Noong sumunod na buwan ng Hulyo, 1892,  inorganisa ni Rizal ang Liga Filipina pagkabalik niya mula sa Europa, na dagli namang hinalinhan ng Katipunan sa pagkatapon ng bayani sa Dapitan apat na araw pagkatatag ng samahan. Naisangguni ni Rizal ang Florante sa kanyang paglalakbay at naipunla ang binhing hinabilin noon sa loob ng dalawang nobelang naging titis sa apoy ng himagsikan. Laban sa sunog, naikintal ni Apolinario Mabini sa memorya ang awit na isinatitik niya nang maitapon siya sa Guam noong 1901-02.

      Maipagwawari na sa dalawang okasyon ng pagkabilanggo ng makata, ang una ang pinakamatinik sa damdamin, ang pangalawa ang pinakamapinsala sa kabuhayan ng pamilya.  Ang una'y nagbunga ng tula, ang pangalawa ng maraming komedya kabilang na ang Orosman at Zafira. Wala pang imbestigasyon sa kung anong katuwiran ang pagkaparusa kay Balagtas sa pagputol ng buhok ng alila--inggitan kaya sa burokrasya, alitang personal, o sintomas ng pagtatagisan ng mga angkan at uring panlipunan. Kailangan ang pagsisiyasat sa rekord ng hukuman, balita sa pahayagan, at talaan sa Bilibid nang panahon ng sekularisasyon ng Simbahan, sa bisperas ng pag-aalsa sa Cavite ng 1872 at pagbitay kina Padre Burgos, Gomez at Zamora. Maraming katotohanang maisisiwalat kung magagalugad at masasala ang mga dokumentong nabanggit.

Silakbo ng Lahing Kayumanggi

          Natukoy na natin ang monopolyo sa alak noong 1786. Sanhi sa kahirapang dulot ng mga kautusan at regulasyon, umalsa ang mga Ilokano sa Piddig sa pagbabawal ng paggawa ng basi. Ang tinaguriang "Basi Rebelyon" ay nakasakop ng mga bayang Laoag, Sarrat, Batac hanggang sa kanayunan ng Vigan. Ebidensiya ito na matapang at magiting ang mga katutubo sa pagtatanggol sa kanilang karapatan at kapakanan.

    Nasugpo ang rebelyong Basi, ngunit sumunod naman ang himagsik sa Sarrat noong 1815 na nahikayat ng ulirang Konstitusyon ng Cadiz na ipinagwalang-bisa noong 1814.  Itinuring ni Renato Constantino na sagisag iyon ng tumitinding hidwaan ng prinsipalya at mayorya sa unang antas ng kapitalismo sa kapuluan: "The Sarrat revolt was both an advance and a retreat in the history of the people's struggle" (1975, 134). Ang protesta ng cailianes sa Sarrat, tulad sa kabigatang ipinataw sa industriya ng basi sa Piddig, ay nagmula sa paghihigpit sa mga trabahador sa paghabi ng seda at algodon na pilitang ipinataw ng mga prinsipalya.

    Samantala, ang paghihimagsik ni Hermano Pule ay nagbuhat sa pagpigil sa kanyang ambisyong maging prayle at hindi pagkilala ng simbahan sa kanyang naitatag na Cofradia. Bagamat personal ang motibasyon, maikakabit ito sa pinipigilang programa sa sekularisasyon ng mga parokya. Ginipit at ipinagbawal ang mga pagpupulong at aktibidad ng Cofradia hanggang lusubin at patayin ang gobernador sa Tayabas noong 1841. Sa sumunod na sagupaan, natalo't ibinitay si Apolinario de la Cruz at mga kapanalig, pinaghiwa-hiwalay ang kanilang katawan at ibinilad sa publiko sa mga munisipyo bilang babala.

       Ang rebelyon sa Piddig, Sarrat at Tayabas (1807 hanggang 1841) ay madugong pangyayaring naikintal ng mga iskolar sa kolektibong kamalayan ng masa. Magkasabay iyon sa masalimuot na kasibulan ni Balagtas. Sinaksihan ito ng paglikha ng Florante, La India Elegante y el Negrito Amante at iba pang akda.  Alangan na hindi nahawaan at naantig ang kamalayan ng makata kung isasakonteksto sa kasaysayan ang signipikasyon ng dalawang saknong na namutawi sa daing-sumbong na ito, laluna ang pagkaputol-putol ng katawan ng ama ni Florante at hindi pagkalibing nang maayos, tuwirang alusyon sa sinapit ni Hermano Pule at kapanalig.

    Magkatambal na salamin at talinghaga ng pagdukal ni Balagtas sa dulang ng publikong karanasan. Komunidad, hindi sarili, ang inaatupag, kaya dumudulog sa larangan ng pangkalahatang kagalingan. Lubhang kasindak-sindak ang terorismo ng estado sa pagmasaker sa isanlibong babae, matanda, bata at walang armas ng taumbayan, isang kilabot na nagtulak sa isang rehimyentong taga-Tayabas na bumalikwas at gumanti.  Sumigaw sila ng hudyat ng "Kasarinlan" o "Independensya"--pinakaunang pahayag sa buong Pilipinas (De la Costa 1965, 214-15). Timbangin ang bigat at lundo ng mga pariralang "ininis sa hukay," "ibinabaon," at "inililibing ng walang kabaong":

    Sa loob at labas ng bayan kong sawi
Kaliluha'y siyang nangyayaring hari,
kagalinga't bait ay nalulugami
ininis sa hukay ng dusa't pighati.

    Ang magandang asal ay ipinupukol
sa laot ng dagat ng kutya't linggatong;
balang magagaling ay ibinabaon
at inililibing ng walang kabaong.

Arkitektoniko ng Paghati at Pagsudlong

    Naimungkahi ko na sa pagsipat sa kahulugan at katuturan ng awit, pinakamahalaga ang konseptong gumagabay sa imahinasyon ng makata. Ang konseptong ito ay maikukulong sa isang tanong: Paano maituturo ang katotohanan ng kontradiksiyon sa buhay? Hindi romansa kundi unawa at kaalaman ang layon ng awit. Sa gayon, paano naipahatid ang dalumat ng katotohanan? Naikatawan ang bisyon sa porma ng awit, retorika at imaheng nahango ni Balagtas sa tradisyong iniulat ni Lumbera, mga katutubong estilo sa pagtula, banyagang modelo ng romansa mula sa Kanluran. Haluan ang serye ng mga motif at pigura, akma sa transisyonal na paglalakbay ng pagkatao ni Balagtas sa panahong iyon.

    Sa kabuuan, ang pagkabatid sa kontradiksiyon ay naipahatid sa paraan ng alegorya ng pagpihit ng mga pangyayari. Ang karakter o personalidad ng mga tauhan ay instrumento lamang sa pagbalangkas ng istruktura ng kaisipan. Nakasentro ito sa pagbubunyag na ang hidwaan ng Kristiyano at Moro ay paimbabaw lamang; ang pagtatagisan ng mga relihiyon ay nalutas sa aksiyon ng "ley natural," o pagpapatupad sa batas ng kalikasan. Sinagip ni Aladin si Florante, pinarusahan ni Flerida si Adolfo't hinango sa kinasadlakang hirap si Laura. Alinsunod ang proposisyong "ley natural" sa Stoikong prinsipyong tumingkad sa burgesyang rebolusyon sa Inglatera, Pransiya, at Filipinas sa dakong huli ng ikalabingsiyam na dantaon.

    Ang konsepto ng pagpihit, pagbaling o pagbaligtad ng kapalaran ay dumaan sa pagpapalitan ng kuwento sa labas ng reyno (Albanya/Persya). Walang pasubaling importante and kahandaang makinig, makiramay, magmalasakit, na taliwas sa oligarkong mentalitad. Kailangan ding magpanibulos sa daing ng taong di-kadugo, dayuhan, estranghero, banyaga.  "Loob" at "labas" ang magkasalungat ngunit pinag-isa sa mapaglingap na komunikasyon.

    Sa loob ng gubat, tiwalag at hiwalay, nagkatagpo ang mga nabihag, itinapon, tumakas, at dudustain. Sa pakikinig sa ulat ng kanilang buhay, sa bibig at tainga, nagkakilala't nagkaugnayan ang mga dating taga-loob na pansamantalang nasa labas. Naisaloob ng bawat isa ang gunita, panimdim at pangarap ng bawat isa. Ang patriyarkong sukatan ay binalewala sa nakagapos na kabalyerong Florante, walang kakayahan, kabalyerong tila babaeng dapat adyahan at kadluin. Aksidente ang pagdating ni Aladin upang iligtas siya sa simbolo ng paganong kalikasan, ang maninilang leon. Nagsilbing ama-ina si Aladin sa martir, isang Kristong walang disipulo.

     Samantala, nagkataong dumating ang nag-amazonang Flerida nang yuyurakan na ang dangal ni Laura. Nakabalatkayong lalaki, si Flerida ang negasyon ng patriarkong orden.Tinalikdan ang tiwaling lipunan, tumakas, suwail sa mapag-upasalang simbuyo ng Sultan. Nasa yugto pa tayo ng agrikulturang ekonomiya kaagapay ng pangangaso at artisanong gawain; piyudal at mala-barbarong gawi ng malakas/matapang ang nakapangyayari. Ang makahayup na ama ni Aladin, Sultan Ali-Adab, ay kakontra sa ama ni Florante, Duke Briseo; lumabag iyon sa kostumbre ng pagmamahal sa anak at paggalang sa kababaihan. Sumuway iyon sa kodigo ng aristokrasya, tulad ni Adolfo. Si Adolfo'y nagpanggap na mapagkakatiwalaan; ang Sultan ay naging despotiko't makahayop ngunit hindi nangamkam ng trono tulad ni Adolfo. Samakatwid, ang pinarusahan lamang ay si Adolfo, modelo ng kasamaan. Pagkabinyag sa dalawang Muslim,  pinabayaan na lamang ang Sultan na tumanda't mamatay bago umakyat sa trono ang magkasintahan.

    Sa pagsusuma, ang ahensiya ng katubusan ay hindi lang taga-labas bagkus kaaway. Masdan ang diyalektika ng loob/labas, Kristiyano/Muslim, babae/lalaki. Sanhi sa kahayupan ng Sultan, lumabas sa Persya sina Aladin at Flerida, pumasok sa "gubat," emblem ng pagano't makahayup na orden. Sa bisa ng tinig/boses at bahaginan sa hipo at salita, naging sibilisado ang  "gubat" habang bumangis ang iniwang Albanya/Persya. Ang kaaway ay naging kapatid, saksi ang mataimtim na pagbubuklod nina Florante at Aladin sa harap ng isinuong na panganib, higit pa sa kapatirang handog ni Menandro. Ang hustisya'y iginawad ng kamay ni Flerida, ang babaeng nakabalatkayong
lalaki, pahiwatig sa posisyong ginagampanan ng teatro, ilusyon, maskara, pakiramdam, pagkukunwari, hinuwad na realidad. Kakabit din ang birtud ng memorya, pagtasa't pagbaybay sa bugso't tilamsik ng karanasan.  Tumalab ang turo't payong ipinagkaloob ng mga guro sa Atenas.

    Isaulo natin ang metapisikong punto-de-vista ni Balagtas. Hindi ang sistema kundi moralidad ng indibidwal ang dapat ireporma. Karangalan sa budhi ang susi sa problema ng lipunan. Narito ang limitasyon ng pananaw ng makatang ginabayan ng Kristiyanong pangitain. Gayunpaman, nangibabaw ang batas-natural (hango sa klasikong Griyego/Romanong pilosopiya nina Plato, Aristotel, Cicero, minana nina Voltaire, Locke, Rousseau, Jefferson, Rizal) o katutubong bait, dunong at katwiran ng Muslim, na siyang sekular na lunggati--kalayaan, dignidad, katarapatang pantao--na ibinandila ng awit. "Langit" ang talinghagang ginamit para sa katarungan, "langit" sa materyalismong sukatan.

Naglubid sa Bituka ng Haraya

    Ang konseptong inihayag sa paglalagom ay nakatakdang pag-inog ng kontradiksiyon sa kasaysayan.  Sa engkuwentro ng mga taong nakatuklas ng kaisahan sa harap ng problemang magkaugnay, nailipat ang ginunitang nakalipas at kasalukuyang sitwasyon sa bago't matining na antas, antas ng kinabukasang mas maunlad, sekular o makalupa.  Ang relihiyon o pananampalataya ay nakaugat sa materyal na kondisyon sa buhay. Ibahin ang koektibong kondisyon, mababago rin ang ideolohiya o paniniwala. Sa tulong ng kritikang radikal at makatao, maisasakatuparan ang pangako ng kinabukasang nahihimbing sa siwang at biyak ng nakalipas, sa guho ng kabiguan at kawalang-pag-asa ng sinaunang karanasan. Mahihinuhang ito ang pinakabuod na mensahe ng awit.

    Sandaling titigan ang konstelasyon ng mga puwersang nagtiyap sa istruktura ng salaysay. Naisakatawan ito sa paghahanay ng mga tauhang sumasagisag sa nagsasalpukang lakas, kaayusan o orden ng lipunan, normatibong pamantayan, ideolohiyang nagkukubli sa realidad, at mapanuring lakas na lumalantad dito. Ang mga ito'y nakalarawan sa panukalang dayagram na kusang umiinog sa pagsalisihan ng kategoryang iginuhit dito:

LUNGSOD: ALBANYA
                             (Sibilisasyon: Nakaraan  at  Hinaharap)
                     /     +                 \
                                                                         +
FLORANTE/LAURA----- ATENAS [Batas Natural]-----ALADIN/FLERIDA (Kristiyanismo) [Biktima ng Lungsod]            +             (Islam) [Tagapag-ligtas]]
                                    +
                      /                            /
                               GUBAT:  FILIPINAS
    (Memorya,/Ugnayan ng Bihag at Dayuhan
             Versus Nagsahayop: Adolfo, Sultan Ali-Adab)

   
    Litaw dito ang proseso ng pagpapalit, transformasyon ng positibo at negatibo, sa pamamagitan ng kabaligtaran, ironya, paradoha. Ang kaaway ay naging kaibigan; ang kamag-anak/kadugo ay naging taksil na hayop. Sa metamorposis ng kaalaman via bahaginan sa salita/usapan, lumiwanag ang madilim na gubat (kamalayan). Pansamanatalang lumipat ang antas ng kamulatan at nag-sauli ang ordeng hinahangad sa kasalukyan na dati'y ginugunita lamang. Naisaayos ang politika ng panahon at pangyayari.  Ito ang materyalismong dialektika naidaos sa matalinong panuto ng mapagpalayang ullirat ni Balagtas.

Laban sa Barbarismo sa Kaluluwa

    Sa isang metodo ng paglagom, mailalahad ang konsepto ng kontradiksiyon sa analisis at paghahati sa grupo ng mga talatang nagsasaad ng pagpihit at pagbaligtad. Bago tukuyin iyon, nais kong itanghal muna ang mga puwersang nagsalabat bunga ng pagtatagisan ng mapanupil na kapangyarihang kolonyal at mga inaliping katutubo.

    Naturol na ng ibang iskolar ang ginanap ng oposisyong ilusyon-katunayan (halimbawa, sa dramatikong pagsasanay na kinasangkapan ni Adolfo upang patayin si Florante sa Atenas; balatkayo ni Flerida, atbp.), at ng kakatwang paglalangkap ng maginoong asta o pakitang-tao at makahayop na hangarin. Sa pakiwari ko, ito ay sintomas ng krisis ng bayan noon. Sa paglipat mula sa artisano't pesanteng kalagayan noong ika-16 dantaon tungo sa agrikulturang pang-negosyo at kalakalang pandaigdig, biglang nayanig ang dating matatag na rutina ng ugali't kostumbreng ipinairal ng Simbahan. Nang matalo ang Espanya at masakop ang Maynila ng Inglatera, biglang natanto nina Silang, Palaris, Hermano Pule, at mga taumbayan sa Piddig, Sarrat at maraming lalawigan na pwedeng maigupo ang Estadong kolonyalista (Zaide 1967, 90-96) . Nabuksan ang kamalayang natuklasan ang potensiyalidad ng nakababagot na kalakaran.

    Sa paghina ng monarkiya sa Espanya at pagkalas ng mga kolonya nito sa Timog Amerika, tumindi ang tunggalian ng konserbatismo't liberalismo. Ang pinakamapanganib na banta sa imperyo ay ang 1812 Konstitusyon ng Cadiz na siyang umuntag sa lahat na maaaring maisakatuparan ang prinsipyo ng libertad, praternidad at demokrasya ng rebolusyong Pranses sa paraan ng reporma ng tagibang na paghahati ng kayamanang sosyal at poder pampolitika. Inakala ng marami na binuwag na ang tributo, polos servicios at iba pang pagpapahirap sa mga Indio, kaya nang bumaba ang dekreto sa Valencia noong Marso 3, 1815, hindi makapaniwala ang mga cailianes (anak-pawis), kaya bumuhos ang dugo ng mga prinsipalya't upisyal sa munisipyo. Hindi anarkiya ito kundi umaapaw na galit sa pang-aabuso at ganting-banat sa kakutsabang alipores ng Espanya.

    Sa obserbasyong pangkasaysayan, ang gubat ng Filipinas ay nagimbal sa paglusob ng Inglatera. Ang konsepto ng pagkasupil ng panginoong Kastila ay nasapol ng mga rebeldeng nag-adhikang iwasto ang mali, ibalik ang kalayaan at kasaganaan sa Albanya na winasak ni Adolfo sa makasariling ambisyon. "Langit," hindi Diyos ng teokrasyang Estado, ang pinagpugayan sa huli, na kaakibat sa "ley natural" na kinatuwiran ni Aladin. Nalutas ang bungguan ng ideolohiyang Islam/Kristyanismo nang magpabinyag sina Aladin at Flerida--litaw na kombsensiyonal na taktika ng pampalubag-loob sa madla.

    Sa pagsupil kina Adolfo at kampon niya, natugunan ba nang lubos ang hiyaw ni Florante laban sa lilong sukab? Inusal ng bayani:  "O taksil na pita sa yama't mataas! / O hangad sa puring hanging lumilipas!" Sa halip na umasa sa panghihimasok ng mahiwagang Anghel ng Maykapal, memoryang kritikal at pagkakaisa ang susi sa pagsasauli ng dating matiwasay na Albanya paglisan sa gubat ng marahas na Filipinas. Ngunit bakit hinirang ang dalawang Moro na siyang taga-tubos nina Florante at Laura? Sa negasyon ng Simbahan at pananampalatayang Kristiyano, sumulpot ang problema ng kung sino o saan magbubuhat ang pagbabagong-buhay, ang paglalakbay mula sa gubat hanggang makatarungang Albanya. Suliranin ito ng ahensiya o pananagutan ng subheto sa komunidad. Panukala ng dalubhasang pilosopo, si Georg Lukacs:  "Ang pamamayani ng kategorya ng totalidad (kalahatan) ang nagdadala ng prinsipyo ng rebolusyon sa agham" (sinipi ni Callinicos 2009).

Interbensiyon ng Palabang Buwan

    Sa halos lahat ng mahahagilap na komentaryo, walang nagtangkang bungkalin ang maselang paksa kung bakit pinili ni Balagtas si Aladin at Flerida ang maging tagapagligtas ng mga Kristiyanong maharlika. Hindi ba kakatwa o balintuwad ang pagpiling iyon?  Bakit hindi si Menandro o binyagang katutubo ang hinirang sa gayong tungkulin?  Sapantaha kong dahil hindi nagdarasal sa "Alah" sina Aladin at Flerida o nagsesermon mula sa Koran, payag nang ituring na di sila umaayaw na makisalamuha sa Kristiyano, dili kaya'y makipagkapwa sa kanila. Hindi sila kaaway kundi kasapakat o kaalyado.  Dagdag pa, kailangan ng isang huwaran maitatanyag sa pagkalugmok ng pagano o erehe, sabay kumbersiyon at binyag ng mga nilikhang walang Diyos.

    Ang pagbubuklod sa bisa ng dugo at relihiyong kinagisnan o minana, ay humina at nahalinhan ng pagsasanib sa ngalan ng simulain, katapatan at napagkasunduang mithiin. Sa Florante, kalikasan ang nakaungos sa damdamin. Kung susuriin ang komedyang Orosman at Zafira, mapapansin na ang tema'y nakatutok sa romansa nina Orosma at Zafira bilang panambil sa paglabag sa kinagawiang relasyon. Taglay nito ang payo na hindi makaaasa sa katapatan ng mga maginoong naghahari. Inagaw ni Boulasem ang trono ng Marruecos kay Sultan Mahamud, ama ni Zafira. Lumaban si Zafira kahit umiibig  sa kanya ang dalawang anak ni Boulasem--sina Abdalap at Orosman. Sa wakas, nagtagumpay sina Zafira at kapanalig laban kay Abdalap.

    Tunghayan natin ang konsepto ng krisis ng etika o moralidad dito. Sa isang maigting na eksena, pinapili ni Zafira si Orosman; napilitang itakwil ang kadugo (Abdalap) at hirangin si Zafira. Sa malas, ang bayani ay si Boulasem, ang ama, na kusang isinuko ang trono upang matigilan ang pagdanak ng dugo (Medina 1976). Sa kuro-kuro ni Soledad Reyes (1997), ang kolektibong lakas sambayanan (sinagisag nina Bugagas, Nubio, Dagulgol) ang siyang nagbigay-kabuluhan at katuturan sa maingay na salpukan ng mga protagonistang maharlika. Ngunit hanggang doon na lang ba sa panunudyo't pagpapatawa ang polemika ng mandudula?

       Sapantaha na kinatha ni Balagtas ang Orosman at Zafira sa pagitan ng mga taon 1857 at 1860 habang nakakulong sa Bilibid. Ang panahong iyon ang natukoy ng historyador na si Cesar Majul (1999) na pang-anim na antas ng Digmaang Morong inilunsad ng Espanya simula 1851 laban sa Sultan ng Sulu (pasimuno ng kampanya si Gobernador Antonio de Urbiztondo) hanggang wakas ng kanilang pagsakop. Bago rito, talagang nakapipinsala ang piratang paglusob ng mga Samal mula sa Balangingi--balik-isipin ang kindat-tukoy sa "damit-morong Balangingi" sa sayneteng naglaro sa tuksuhan ng India Elegante at Negrito Amante. 
    Bumalik tayo sa nakadulog na usisang bakit ginawang Moro/Muslim ang tagatubos kina Florante at Laura? Una, ang imperyong Espanya mula pa nang masakop ang Granada noong 1492 ay nakatindig sa pagsugpo sa lakas ng Islam; kalakip dito ang raison d'etre ng kolonisasyon sa bisa ng Krus at Espada. Ang naratibo ng Rekongkista na siyang buod ng moro-morong palabas ay naulit muli sa paggapi kay Sulayman, puno ng komunidad ng mga Muslim, sa paligid ng look ng Maynila nang dumating si Legazpi noong 1571. May isang ulat na hiniling daw minsan ng isang gobernador kay Balagtas na isadula niya ang "La Conquista de Granada" at ang pagsuko ni Bobabil, ang prinsipeng Muslim (ayon kay Jacinto de Leon; Balagtas 1971, 191). Walang tiyak na datos kung napaunlakan iyong kahilingan.
    Nang umalis ang Inglatera sa Maynila noong 1763, dinala nila si Sultan Alimud Din ng Sulu na bihag ni Gobernador Obando sa Manila. Ibinalik siya sa trono sa Sulu, at bilang gantimpala, ibinigay niya sa East India Company ng Inglatera ang Hilagang Borneo at mga pulong kanugnog ng Palawan (De la Costa 1965, 197-212). Di kapagdaka'y naging internasyonal na ang usaping Moro, simula sa walang awang pamumuksa ni Urbiztondo, na sinundan ng napakalagim na masaker nina Heneral John Pershing at Leonard Wood hanggang sa Abu Sayyaf sa kasalukuyang panahon ng imperyalismong terorismo.

    Bagamat walang patid ang tangkang ipailalim ang katutubo,  hindi nasakop ng mga Kastila ang lupain ng Moro sa Mindanao at Sulu hanggang lumisan sila noong 1898. Noong 1849, isang negosyante, si Oyanguren, ang nagwaging maabot ang Davao upang ipailalim ito sa kapangyarihan ni Governador Claveria na masugid ding hinangad na matigil ang pamiminsala ng mga piratang Moro sa ekonomiya ng bansa.  Ang kahuli-huling sistematikong planong kolonisahin ang katimugan ay naganap sa rehimen ni Gobernador Urbiztondo na nagbunga ng kasunduan ng gobyerno at Sultan ng Jolo noong Abril 30, 1851 (Zafra 1967, 142-43).  Alalahanin na isang nakakikilabot na masaker ang ipinataw ni Urbiztondo sa mga Moro sa Sipac, Balanguingui, noong 1848--sana'y di makalimutan ang kasuklam-suklam na pangyayaring ito, pati na yaong ginawa ng mga Amerikano, sa gunita ng sambayanan.

Sabayang  Pagtanggi't  Pagtanggap

    Noong panahong nag-aaral si Balagtas hanggang lumipat siya sa Balanga, Bataan noong 1840, patuloy ang paglusob ng pirata sa Luzon at Bisaya. Hindi lang paghuli sa sinumang magagawang alipin kundi pagsamsam ng ani, pagkain, kalakal at iba pang produkto ang layon ng mga piratang Muslim. Ang mga bihag ay pinagpapalit sa bigas, salapi, baka, perlas, ginto at iba pang yaman ng Bengal at iba pang teritoryo ng Inglatera sa Asya.

    Isang mabagsik na salakay ng mandarambong na Moro ay naganap noong 1770 sa Mariveles, ilang kilometrong layo sa Balanga at Udyong. Nakabase ang mga pirata sa Mindoro at iba pang pulong malayo sa kontrol ng Kastila. Alinsunod sa piyudal na sistema ng mga datu at sultan, ang lumang kodigo ng puri o dangal ng oligarko ay napalitan ng ginahawang dulot ng yaman at ari-ariang maipagmamalaki. Ang pananaw merkantil ay lumukob sa karaniwang buhay ng Moro't nagtulak sa pangangalakal din ng tao--mga Kristiyanong alipin--hanggang ito'y nahinto sa paggamit ng bapor at barkong de-motor na mas mabilis sa mga paraw ng pirata.

    Kung ang Moro ang pinakamapanganib na kaaway sa loob ng kapuluan, hindi sina Silang, Palaris o Hermano Pule, may katwiran si Balagtas na bunuin ang problema't iangkop ito sa kanyang makademokratikong saloobin. Bagamat Muslim sina Aladin at Flerida, tumalab ang batas-natural sa kanilang isip at damdamin; napansin din ito ni Lope K. Santos . Inalisan ng lason ang nagbabantang Moro, naging respetableng taong makakausap at makakapagnegosyo. Kumikilala rin sila sa halaga ng puri o dangal ng pagkatao. Kung may kakulangan sila, may taglay rin namang kabutihan. Samakatwid, ang "moro-moro" ay naghunos sa bagong anyong pakakapatiran ng dating magkatunggali sa harap ng mas masahol na kabuktutan: pagtataksil, paglabag sa maginoong birtud ng pagkamatapat at makatotohanan, walang awa o paggalang sa hirarkya ng kaayusang piyudal na batayan ng kagandahan at pagkakaunawaan, ang ideyal na huwaran ng artista.

    Marahil, ang paghirang kina Aladin at Flerida ay hindi katakataka. Katarungan ang hangad kaya mapapabigyan ang paraang panggulat. Kung kailangang gisingin ang madlang nakikinig upang mag-isip at magpasiya, ang mabangis na kaaway/banyaga/dayuhan ang dapat ipambungad. Marunong makinig, makipag-usap, handang makipag-unawaan. Ngunit hindi ito sinuman na tatanggap ng pananagutan.

    Nais ko muling igiit ang nailatag na konsepto. Ang kagampanang taga-pagligtas ay bunga ng pagkakataon, ng mga nagtatagisang lakas sa lipunan, samakatwid kolektibong aksiyon ng pagsasanib ng lakas. Si Balagtas ang imbentor ng kolektibong bayani, timbulan ng lahi--Aladin/Flerida, Zafira/Orosman (laban kay Abdalap)--na nagpasidhi sa mga kontradiksiyon at kabatiran nito. Si Balagtas ang maestro/edukador ng subersiyon, nakatatak sa bansag ng babaeng mandirigma, si Zafira, na mapusok na nagpahayag: "Babae man ako ay makahahawak / ng kalis sa kamay at magpapahirap." Ito ang paradigma o matrix ng mapagpalayang konsepto na pumatnubay sa sining ni Balagtas: "Moro man ako ay...." "Kayumanggi man ako ay... "Inalipin man ako ay...."

            Teorya ng Diskursong Konseptuwal

    Simula pa noong kilusang avantgarde ng suryalismo, Dada, konstruktibismo, Fluxus, Oulipop ng nakalipas na siglo--mababanggit sina  Duchamp, Beckett, Gertrude Stein, Joyce, Brecht, John Cage, atbp.--ang pagyari ng anti-ekspresibong akda ay di na bagong balita. Nawasak na ang lumang kategorya ng genre at dekorum sa estilo, pati na rin ang kaibahan ng mga midya o instrumento sa pagpapahayag (pinta, musika, salita) at malawakang komunikasyon sa buong planeta. Di mapanlikhang sulat ("uncreative writing") ang bunga. Sa sining, ang "Spiral Jetty" ni Robert Smithson.  Ang pinakamahalaga ay ang konsepto o ideya na ugat ng "Spiral Jetty." Panukala ng pangunahing artista sa kilusang ito, si Sol Lewitt: "The idea or concept is the most important aspect of the work...The idea becomes a machine that makes the art" (1999, 12).
   
     Supling ang kontemporanyong sining ngayon sa pag-angkin (appropriation), malayang pagpuslit, paghalaw, malikhaing paghiram, at pagtransporma ng anuman--ang konteksto/sitwasyon ang siyang dumidikta. Ito'y nakadiin sa proseso, at nakasalig sa konsepto o kaisipang umuugit o pumapatnubay sa paraan ng pagbuo, hindi sa produkto.  Layon nito ay hindi lang pagbuwag sa pribadong pag-aari ("expropriate the expropriators," wika nga) kundi paghahain din sa lahat ng malawak at maluwag na larangan sa interpretasyon/kabatiran (ang komunismo ng all-round "free development," ayon sa Gotha Programme ni Karl Marx).  Kung sira na ang bakurang humihiwalay sa sining at buhay, sa politika at ekonomya, bakit bulag pa rin tayo sa katotohanang nagbago't nagbago na ang mundo?

    Wika ni Kenneth Goldsmith, isang dalubhasang konseptuwalistang guro: "The idea or concept is the most important aspect of the work...The idea becomes a machine that makes the text" ("Paragraphs on Conceptual Writing," sangguniin din ang Against Expression: An Anthology of Conceptual Writing, inedit nina Goldsmith at Craig Dworkin).  Dagdag pa niya: Hindi kailangang basahin ang teksto. Kailangan lamang ay maintindihan ang konsepto, ang namamayaning proyektong inaadhika, ang paradigmatikong kaisipan, sa likod nito. Mahigpit na kaugnay nito ang teorya ng "abductive inference" ni Charles Sanders Peirce (1998). Ang konsepto ang nagsisilbing batayan ng porma, hugis, metodong operasyonal, anyo, kaayusan (sang-ayon din si Galvano Della Volpe, Critique of Taste).  Sagot ito sa digital revolution ng kompyuter, sa pagsambulat ng impormasyon sa Internet na walang pasubaling naglilinkod sa barbarismo ng tubo/kapital at karahasan ng pagsasamantala. Tanong ko: pagkatapos ng kabatiran, ano ang dapat gawin?

    Paano makalalaya sa kapangyarihan ng salapi, kapital, komodipikasyon?  Upang lumaban sa industriyang pangkulturang kasangkapan ng kapitalismong global, pag-umit o pag-angkin (sa katunayan, ng kinumpiskang halaga/surplus value na likha ng mga manggagawa) at detournement (ayon kay Guy Debord) ang gawing estratehiya sa pagtutol. Mabisa ang taktika ng alegorya, ang metodo ng debalwasyon (sangguniin ang  "Notes on Conceptualisms" nina Robert Fitterman at Vanessa Place sa Web). 

    Sino ang may kontrol sa mga kagamitan sa produksiyon at reproduksiyon ng lipunan?  Paliwanag din ni Walter Benjamin na dapat hawakan at pangasiwaan ang paraan ng produksiyon upang matutulan ang laganap at malalim na komodipikasyon, reipikasyon, anomie/alyenasyong ipinapalaganap ng sistemang kapitalismong pampinansiyal sa buong daigdig. Samut-saring posibilidad ang nakabukas dahil sa teknolohiya. Laluna ang materyalidad ng wika at iba't ibang signos/senyal. Nasa gitna tayo ng rebolusyon sa sining. Pwede kayang maitransporma ang nakahandang-bagay (ready-made), mga nayari na o natagpuang bagay saanmang lugar, tulad ng mga salawikain, grapiti, anekdotang bukambibig, balita, atbp. (hanggang hindi pa ito napraybatays ng McDonald, Body Shop, S-M at Robinson Mall) upang makapukaw ng katumbalikang damdamin at isip?

    Ang diskursong naisatitik dito sa larang ng kritisismo ay maituturing na ensayo sa post-konseptuwalismong modo ng pag-unawa at interpretasyon. Ayon kay Peter Osborne (Anywhere or Not at All), ang post-konseptuwalismong pananaw ang siyang mabisang paraan upang sagupain ang neoliberalismong salot na nagtuturing sa lahat na pwedeng mabili at pagtubuan--katawan, kaluluwa, panaginip, kinabukasan. Ang idea ng "horizon" o abot-tanaw na hanggahan ang maaaring bumalangkas ng praktikang experimental na negasyon/pagtakwil sa status quo na dudurog sa nakagawiang hilig, gawi, asal sa "free market" ng paniniwala't damdamin.  Ito ang kauna-unahang pagsubok sa paglapat ng radikal na konseptuwalisasyon sa awit ni Balagtas.

Huwarang Matris ng Konsepto

    Ang konseptuwalisasyon ng awit ay maibubuod at malalagom sa tulong ng labindalawang saknong na hinugot sa 399 talata. Ipinapalagay na naisaulo na ng mambabasa ang banghay ng tula. Kailangan na lamang ipokus sa mga antas ng pagpihit o pag-ikot na kamalayang kaagapay ng daloy ng mga pangyayari. Paglimiin kung paano o bakit ipinagtambal ang mga estropang ito, kung saan  masisinag na siyang bumubuhol at nagtatahi ng iba pang hinabing hibla sa kuwadro ng buong tula.

A.   Sa may gitna nitong mapanglaw na gubat
may punong higerang daho'y kulay-pupas
dito nagagapos ang kahabag-habag
isang pinag-usig ng masamang palad

B.  "Mahiganting langit, bangis mo'y nasaan?
Ngayo'y naniniig sa pagkagulaylay
bago'y ang bandila ng lalong kasamaan
sa Reynong Albanya'y iniwawagayway"

C.  Dito naghimutok nang kasindak-sindak
na umalingawngaw sa loob ng gubat
tinangay ang diwa't karamdamang hawak
ng buntunghininga't luhang lumagaslas

D.  Nagkataong siyang pagdating sa gubat
ng isang gererong bayani ang tikas
putong na turbante ay kalingas-lingas
pananamit Moro sa Pers'yang siyudad

E.  Sa tinaghuy-taghoy na kasindak-sindak
gerero'y hindi na napigil ang habag
tinunton ang boses at siyang hinanap
patalim ang siyang nagbukas ng landas

F.  Nang magtagumpay na ang gererong bantog
sa nangakalabang mabangis na hayop
luha'y tumutulong kinalag ang gapos
ng kaawa-awang iniwan ng loob

G.  "Ipinahahayag ng pananamit mo
taga-Albanya ka at ako'y Pers'yano
ikay ay kaaway ng baya't sekta ko
sa lagay mo ngayo't magkatoto tayo"

H.  "Sapagkat ang mundo'y bayan ng hinagpis
mamamaya'y sukat tibayan ang dibdib
lumaki sa tuwa'y walang pagtitiis
ano'ng ilalaban sa dahas ng sakit?"

I.   Kaya pala gayo'y ang nawawagayway
sa kuta'y hindi na bandilang binyagan
kundi medyaluna't reyno nasalakay
ni Alading salot ng pasuking bayan.

J.  "Magsama na kitang sa luha'y maagnas
yamang pinag-isa ng masamang palad
sa gubat na ito'y hintayin ang wakas
ng pagkabuhay tang nalipos ng hirap"

K.  "Nang igagayak sa loob ng reyno
yaong pagkakasal na kamatayan ko
aking naakalang magdamit gerero
at kusang magtanan sa real palasyo"

L.  Anupa nga't yaong gubat na malungkot
sa apat ay naging Paraiso't lugod
makailang hintong kanilang nalimot
na may hininga pang sukat na malagot

M.   "Nang paghanapin ko'y ikaw ang nataos
pinipilit niyong taong balakiyot
hindi ko nabata't bininit sa busog
ang isang palasong sa lilo'y tumapos"

N.  Sa pamamahala nitong bagong hari
sa kapayapaan ang reyno'y nauli
dito nakabangon ang nalulugami
at napasa-tuwa ang nagpipighati

   

Ipinagkaloob ng Proletaryong Musa 

    Sa paghugot ng mga saknong na ito, gumigitaw ang iskema ng konseptong bugso ng mga pangyayari o pagkakataon ang tahasang humuhubog sa kapalaran ng tao. Di kinusang matagpuan ni Aladin si Florante sa gubat at iligtas sa mga maninila, gayundin si Flerida. Nakiugma rin sa patriarkong pamantayan ng ugali: nagbalatkayo si Flerida upang makatakas at di umano'y patunayan ang likas na kakayahan ng kababaihan.

    Sukat na lamang sumulpot si Adolfong ginagahasa si Laura upang maisakatuparan ang kunwaring pagkamandirigma ni Flerida.  Kumilos sila ayon sa batas ng kalikasan--hindi ang batas ni Hobbes o Darwin: bawa't tao'y lobo sa kapwa. Hindi nakapanaig ang indibidwalismo ng kapitalismong merkantil. Nagsanib ang mga biktima ng kabuktutan upang ibalik ang katarungan sa ordeng piyudal.  Di natin dapat kaligtaan na ang udyok ng pakikiramay, ang pagmamalasakit o solidaridad, ay inutil at walang saysay kung hindi binibigyan-bisa ng dinamikong aksiyon ng mga uri/grupo sa lipunan. Hndi biolohiya ang paliwanag kundi sitwasyon at kontradiksiyon ng samut-saring lakas. Nakaugat ang balangkas ng awit sa konseptong ito.

    Sa paglagom, maisusog ang haka-hakang naibadya na sa umpisa. Natatarok ng nakabasa o nakarinig ng pagsasalaysay ng mga tauhan ang buong balangkas ng pinagsanib na buhay nila. Ngunit habang lumalangoy sa dagat, hindi batid ang lawak ng dagat. Sabi nga ng pilosopo: Ang kuwago ni Minerba'y lumilipad paglubog ng araw. Sumusunod ang kabatiran sa naganap na aktibidad  ng mga uri't pangkat sa lipunan.  Hindi watas ng mga kasangkot habang nakikibaka, inaakalang sila ang may kagagawan ng mga nangyari. Natatamo ang kabatiran sa mga masinsinang paghimaymay sa nakaraan, sa pagsusuri sa gunam-gunam tungkol sa kabalintunaan at kabalighuan ng karanasan, palibhasa'y natigil ang plano o napinsala sa di inaasahang buwelta at pagkabigo ng inaasam-asam. Kinakailangan ang teorya o konsepto ng praktika upang maaninaw at matanto ang totalidad/kabuuan ng buhay sa lupa.

    Ang alegorya ng kabatiran o kaalaman ay nakatanghal sa bagong diskursong nayari, kaya hindi na kailangan basahin ang buong awit. Alam na ng lahat ang isinalaysay na buhay ng mga tauhan. Tampulan ng atensiyon ang mga buko ng dugtong o hugpuan, ang mga kasukasuan, kung baga sa armadura ng katawan. Iyon ang kuwadrong kinasisidlan ng konsepto. Tangka ng pagsubok na ito na buhayin ang puwersa ng sining ni Balagtas.

    Maidudugtong, bago magwakas, ang nakamihasnang pagpaparangal sa himagsik ni Balagtas nina Cruz, Epifanio de los Santos, Agoncillo, Lope K Santos, at Lumbera. Halos lahat ay nagkaisa sa kahalagahan ng tema at paraan ng paglalarawan sa tula. Ituring na dagdag ito, tulad ng mga naunang akda ko, sa hermenyutikang pagpapaliwanag batay sa materyalismo-diyalektikang pagpapakahulugan sa kasaysayan. Problema na walang tiyak o takdang resulta ang anumang eksperimento o ipotesis, probabilidad lamang. Sa pagsasalin sa konseptual na diskurso ang buod ng Florante, maitatanong kung makatutulong kaya ito sa paghikayat na kolektibong tuklasin at isakatuparan ang konsepto ng pagbabago, konsepto ng pagbabalikwas at pagsulong tungo sa pambansang demokrasya't kasarinlan?  Ating pagnilayin kung paano maibubuo ang taktika at estratehiya ng pagbabago sa tulong ng malikhai't sistematikong imahinasyon ni Balagtas.

SANGGUNIAN

Agoncillo, Teodoro.  1992.  "Sa Isang Madilim:  Si Balagtas at ang Kanyang Panahon."  Kritisismo ni Soledad S. Reyes.  Manila: Anvil.
---- & Oscar Alfonso.  1967.  History of the Filipino People.  Quezon City:  Malaya Books.
Almario, Virgilio.  2006. Pag-unawa sa Ating Pagtula.  MetroManila: Anvil.
Antillon, Loline.  2006.  "Florante at Laura: Dikonstraksyon ng Pinuno."  Kilates: Panunuring Pampanitikan ng Pilipinas. Ed. Rosario Torres-Yu.  Quezon City: University of the Philippines Press.
Balagtas, Francisco.  1990.  Orosman at Zafira.  Ed. B.S. Medina Jr.  Manila: De La Salle University Press.
----.   1950.  Florante at Laura: Ang Dakilang Awit ni Balagtas. May Salin sa Ingles ni George St. Clair.  Ed. Jacinto De Leon.  Quezon City: Manlapaz. (1971 reprint)
----.  1949.  Florante at Laura.  Inihanda ni Florentina Hernandez.  Manila: Inang Wika Publishing Co.
----.   1947.  "La India Elegante y El Negrito Amante."  Sampung Dulang Iisahing Yugto.  Ed. S. Flores & P. Jacobo Enriquez.  Manila: Philippine Book Company.
Bloch, Ernst.  1986.  Natural Law and Human Dignity.  Cambridge, MA: MIT Press.
Constantino, Renato.  1975.  The Philippines: A Past Revisited.  Quezon City: Tala Publishing Services.
Cruz, Hermenegildo. 1988.  "Kung Sino ang Kumatha ng "Florante."  Himalay. Patnugot: Patricia Melendrez-Cruz & Apolonio Gayani Chua.  Manila: Cultural Center of the Philippines.
De la Costa, Horacio.  1965.  Readings in Philippine History.  Manila: Bookmark.
De los Santos, Epifanio.  1988.  "Si Balagtas at ang Kanyang Florante."  Himalay.  Manila: Cultural Center of the Philippines.
Debord, Guy.  2003.  Complete Cinematic Works.  Oakland, CA: AK Press.
Flores, S. & P. Jacobo Enriquez, ed.  1947.  Sampung Dulang Tig-Iisahing Yugto.  Manila: Philippine Book Company.
Goldsmith, Kenneth.  2013.  "Paragraphs on Conceptual Writing." Web. <http://epc.buffalo.edu/authors/goldsmith/conceptual-paragraphs.html>
----- and Craig Dworkin, eds.  Against Expression: An Anthology of Conceptual Writing.  Chicago, IL: Northwestern University Press.
LeWitt, Sol.  1999.  "Paragraphs on Conceptual Art."  Conceptual Art: A Critical Anthology. Ed. Alexander Alberro and Blake Stimson.  Cambridge, MA: MIT Press.
Lumbera, Bienvenido.  1986.  Tagalog Poetry: 1570-1898. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.
Mabanglo, Ruth Elynia.  1992.  "Florante at Laura: Ilang Obserbasyong Feminista."
    Kritisismo ni Soledad Reyes.  Manila: Anvil Publishing Inc.
Majul, Cesar A.  1999.  Muslims in the Philippines.  Quezon City: University of the Philippines.
Medina, B.S., Jr.  1972.  Tatlong Panahon ng Panitikan.  Manila: National Book Store.
----.  1976.  "Pagdurusa sa Dula ni Balagtas."  Sagisag (Abril): 19-22.
----.  1990.  "Subersiyon ng Romansa: Kamalayang Balagtas sa Teatro Popular sa Pilipinas."  Orosman at Zafira ni Balagtas. Ed. B. S. Medina, Jr.  Manila: De La Salle University Press.
Peirce, Charles Sanders.  1998.  The Essential Peirce: Selected Philosophical Writings. Volume 2.  Bloomington, IN: Indiana University Press.
Reyes, Soledad.  1977.  Pagbasa ng Panitikan at Kulturang Popular. Quezon City: Ateneo University Press.
Santos, Lope K.  1988. "Ang Apat na Himagsik ni Francisco Balagtas."  Himalay. Patnugot: Patricia Melendrez-Cruz & Apolonio Bayani Chua.  Manila: Cultural Center of the Philippines.
Sevilla y Tolentino, Jose N.  1922.  Sa Langit ng Bayang Pilipinas: Mga Dakilang Pilipino.  Maynila: Limbagan nina Sevilla at mga kapatid. Web. 
    <http://www.gutenberg.org/files/17786=h/17786=h.htm>
San Juan, E.  1969.  Balagtas: Art and Revolution.  Quezon City: Manlapaz.
----.   1972.  Preface to Pilipino Literature.  Quezon City: Phoenix.
----.  1974.  Introduction to Modern Pilipino Literature.  Boston: Twayne.
----.  1978.  Balagtas: Florante/Laura. Translation into English.  Manila: Art Multiples Inc.
----.   1984.  Toward a People's Literature.  Quezon City: University of the Philippines Press.
----.  2004.  Himagsik: Pakikibaka Tungo sa Mapagpalayang Kultura.  Manila: De La Salle University Press.
Zafra, Nicolas.  1967.  Philippine History Through Selected Sources.  Quezon City: Alemar-Phoenix Publishing House.
Zaide, Gregorio  1970.  Great Filipinos in History.  Manila: Verde Book Store.