Monday, August 22, 2016

BENIGNO RAMOS, "POETA REVOLUCIONARIO" Kritika nI E. SAN JUAN, Jr.



BENIGNO P. RAMOS, “POETA REVOLUCIONARIO”:
Ang Reponsibilidad ng Makata sa Gitna ng Krisis ng Ordeng Kolonyal

ni E. SAN JUAN, Jr.
Polytechnic University of the Philippines



Ang ginawa namin ay aming pagmamanahan…Nagpasiya kaming maghimagsik, bumalikwas at buwagin ang pusod ng kapangyarihan. Sigaw namin: “Kami’y mga Sakdalista….Walang pagbabangong nabibigo. Bawat isa’y hakbang sa tumpak na direksyon.  

—-Salud Algabre, isang lider ng rebelyon, 1935


Sino ka’mo?  Benigno Aquino?  Hindi po, Benigno P. Ramos, ang manunulat. Tuwing mababanggit ang pangalan ng makata sa usapang pampanitikan at talastasang pangkasaysayan, laging sumisingit ang bintang o paratang na siya’y naging traydor sa pagkampi sa puwersang Hapon noong Pangalawang Digmaang Pandaigdig. Maselang paratang iyon. Mauungkat na naging kasangkot si Ramos sa KALIBAPI (Kapisanan sa Paglilingkod sa Pilipinas), kung saan ang partidong GANAP na binuo niya ay bumangis sa kasukdulang yugto ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig (Taylor 1964, 106). Umiwas siyang malitis sa People’s Court dahil (ayon sa ilang ulat) pumanaw siya sa larangan ng pakikihamok (Agoncillo 1965; Goodman 1967).  
Sa anu’t anoman, tiyak na ito’y bagong balita sa mga salinlahing isinilang at lumaki nitong huling hati ng siglo 1900—maliban sa ilang dalubhasa’t apisyonadong bihasa sa pananaliksik sa katakomb ng mga lumang aklatan.

Hindi naman nag-iisa si Ramos sa predikamentong gumipit sa maraming kababayan. Kasangkot niya roon ang mga bantog na politikong Jose P. Laurel, Claro Recto, Benigno Aquino Sr., Manuel Roxas, at iba pang oligarkong ilustrado.  Sinasabing kompositor si Ramos ng himno ng KALIBAPI.  Bukod dito, dokumentado rin na si Ramos ay isa sa mga nagtatag ng MAKAPILI (Malayang Katipunan ng mga Pilipino), organisasyon ng militanteng kabataang nagsikap guluhin ang pamamahala ni Laurel at hikayatin ang mga taong sumanib sa mga umuurong na Hapon. Binigyan ng armas ang grupo nina Ramos at Heneral Artemio Ricarte noong huling dako ng taong 1944. Sinasabing namatay si Ramos nang bumagsak ang eruplanong ginamit niya sa pagtakas sa lumulusob na tropang Amerikano noong 1946 (Tolentino 1998).  Di kusang napuputol ang kumbersasyon sa ganitong haka-haka, mga opinyong nagbubunsod sa pagkamangha at makulit na pag-uusisa.

Kung masusing paglilimiin, sa loob ng panlabas na isyung pampolitika—ang responsibilidad ng kolonisadong sabjek/ahente—ay nakaluklok ang usapin ng relasyon ng katotohanan at kabutihan. Dinadaliri dito ang oposisyon ng kabutihan ng bayan at katotohanan ng buhay ng bawat isa. Narito ang hamon: isasaisantabi ang lahat upang lumaya ang buong lipunan, o upang makamit ang ginhawa’t kasaganaan ng sarili. Sa krisis na lumukob sa bawat Filipino paglaho ng pag-asang maililigtas ang soberanyang sinupil ng Estados Unidos, humarap ang dilema kung ano ang dapat piliin: tagumpay ng sambayanang inalipin, o kagalingang pansarili? Sa panig ng indibidwalistikong ideolohiya ng demokrasyong kolonyal, kagandahan at aliw ang dapat idulot ng sining at ibang gawaing kultural. Sa panig naman ng kilusang makabayan, ang hustisya’t kasarinlan ng sambayanan ang dapat gawing pangunahing layunin sa ibabaw ng lahat. Sa ibang salita: kaluwalhatiang pansarili versus ginhawa’t kasaganaan ng komunidad.  Paano nilutas ang kontradiksiyong ito sa buhay at sining ni Ramos?  Kung hindi nalutas, paano kinilala’t binuno ito? Isang maikling pagsubok na imbestigasyon lamang ang ihahain dito, kalakip ang ilang mungkahi sa maparaang pagsisiyasat sa tema ng diyalektika ng ideya at praktika sa larangan ng kulturang pampolitika sa ating bansa.

  Samantalahin ang Pagkakataon

Umpisahan natin sa ilang palatandaang hayag at laganap. Sa bunton ng datos na nakatambak sa Internet, halimbawa sa Wikipedia, masusulyapan ang ganitong impormasyon tungkol sa makata. 
Sumilang sa Bulacan noong 1892, si Ramos ay naging guro, makata (“Ben Ruben” ang isang sagisag niya), organisador, empleyado sa serbisyo sibil, at mamamayang kontrobersiyal. Hinirang siyang magsilbi sa Senado noong 1928, sumali sa Partido Nacionalista, at napalapit kay Manuel Quezon, ang makabuluhang politikong aktor noon. Isang importanteng pangyayari ang naganap noong 1930: umaklas ang mga estudyante sa Manla North High School laban sa isang mapanglait na gurong Amerikana. Nagalit ang gobyerno. Inusig at pinarusahan ang mga makabayang aktibista. Sinuportahan ni Ramos ang mga estudyanteng sumalungat sa utos ni Quezon na pumanig sa Amerikana. Dagling resulta nito: ipinatanggal si Ramos sa tungkulin niya sa pamahalaan. Isang mapait na bunga iyon ng pagbuklod ni Ramos ng sariling bait at kolektibong kapakanan. Malinaw na nailarawan dito ang mga puwersang mapagpasiyang nagtatakda ng takbo ng kolonisadong lipunan at ng tadhana ng buong sambayanan, sampu ng kapalaran ng isang abang manunulat.
Hindi nagluwat, walang atubiling inugitan ni Ramos ang daloy ng kasaysayan. Dagling naglunsad siya ng isang pahayagan noong Oktubre 13, 1930.  Ang kaniyang peryodikong Sakdal ay tambuli ng masang manggawa’t magbubukid. Bukod sa paninindigan sa hustisyang panilipunan at pagkakapantay-pantay, nanawagan ito sa kagyat na kasarinlan ng bansa. Kaakibat niyon ang pagtutol sa panukalang panatilihin ang base militar ng Estados Unidos ayon sa mga kasunduang nilagdaan ng mga oligarkong burokrasya sa susog ng administrasyon sa Washington (Richardson 2011, 166-67). Lumago ang mamababasa ng Sakdal, naging popular ang mga panawagan at diskursong makabayan nito. Samakatwid, nabuksan ni Ramos ang larangan ng tunggalian ng samotsaring lakas upang gumana roon ang mapagpasiyang interbensiyon ng malikhaing guniguni.
  Isang mapangahas na hakbang ang sumunod. Sa gitna ng hidwaan nina Quezon at Osmena hinggil sa Hare-Hawes Cutting Act noong 1933, itinatag ni Ramos ang partido Sakdal.  Matagumpay ang kanilang pagsisikap. Sa halalang idinaos noong 1934, tatlong kandidato nila ang nanalo para kinatawan sa Kongreso, isang gobernador ng Marinduque, at ilang posisyon sa pangasiwaang munisipal sa lalawigang Laguna, Bulacan, Nueva Ecija, Rizal at Cavite.  Nakatitik sa kanilang mga karatula ang ganiring mga islogan na tumutugon sa krisis ng panahong iyon (Labor Research Association 1958).:  
Ibagsak ang mapaniil!

Babaan ang buwis ng lupa.

Alisin ang nagpapayaman sa Katungkulan.

Kasarinlan ang aming hangad at hindi ang pagsakyod. 
(Constantino 1975, 368-369)

Walang dudang napukaw ng organisasyon ni Ramos ang sensibilidad ng madla, ang konsiyensiya’t damdamin ng masa. Mabilis ang reaksiyon ng Establisimiyento.  Sumikip ang espasyong demokratikong nakalaan para sa mamamayan. Naghunos ang trato ng burokrasyang kolonyal sa paglago’t paglakas ng Sakdalista. Nang magkampanya sila laban sa plebisitong gaganapin upang aprubahan ang Konstitusyon ng Komonwelt, pinaratangan silang “seditious,”   lumalabag sa batas. Maraming kasapi ang nabilanggo, at tuloy pinagbawalan ang pagboycott sa eleksyon. Umigting ang panggigipit at pandarahas, walang tigil na pananakot, upang masugpo ang rebolusyonaryong inisyatiba ni Ramos (Sturtevant 1976).
Hinala ng lahat na estratehiyang kontra-rebolusyonaryo ang plano ng kolonyalismo. Hindi nagtagal, pumutok ang tinitimping galit ng mahigit 26,000 kasapi ng partido sa kanayunan.  Hatinggabi ng Mayo 2, 1935,  150 armadong pesante, hawak ang mga tabak at paltik, ang nagmartsa sa munisipyo ng San Ildefono, Bulacan; ibinaba ang bandila ng Estados Unidos at itinaas ang bandilang Sakdalista. Kumilos ang mahigit 60,000 miyembro sa Laguna, Rizal at Cavite, at iba pang lugar.  Sa komprontasyong sumaksi, ginamit ng gobyerno ang armadong dahas na humantong sa pagmamalupit ng Konstabularya. Sa katanghalian ng Mayo 3, itinala ng mga peryodista ang natagpuan: mahigit na 57 Sakdalista ang patay, ilandaan ang sugatan, at 500 kasapi ang ibinilanggo (Agoncillo and Guerrero, 1970, 418-19). 
Nakarekord na sa panahong iyon, wala si Ramos sa Pilipinas. Nasa Hapon siya upang humingi ng tulong; dahil sa aklasang naganap, hindi siya nakabalik—isa siyang ipinatapon ng Estados Unidos—hanggang Agosto 28, 1938. Sa pagbabalik niya, nag-iba na ang sitwasyon sa Komonwelt. Sa payo ng mga kasama, itinatag ni Ramos ang partidong Ganap upang lumahok sa eleksyon ng 1941, ngunit siya’y dinakip at ipiniit sa bintang na sedisyon. Tila lumang tugtugin ang naulit. Tumagal ang pagliitis hanggang parusahan si Ramos noong Disyembre 1939 sa salang rebelyon at nabilibid hanggang sa pagsakop ng Hapon noong 1942. 
Naitala na ang pagkasangkot niya sa KALIBAPI at MAKAPILI, na tila siyang nagwakas sa unang yugto ng pakikipagsapalaran ni Ramos. Ngunit anong kahulugan ang madudukot sa siwang ng mga nagsalabit na pangyayaring tiwalag sa malay at kontrol ng isang tao na humubog sa kanyang pagkatao at kongkretong katayuan sa lipunan? Bakit makabuluhan ang buhay at nagawa ni Ramos sa pagsulong ng ating mapagpalayang pakikibaka?  Bakit kailangang basahin at unawain ang kanyang sinulat?
Nagsalimbayang  Agos

Sa puntodebista ng naitalang datos, ano ang ating mahihinuha? Anong leksiyon ang mahuhugot kung ang pagbabatayan ay itong mababaw na paglagom? Si Delfin Tolentino Jr. ang namumukod na iskolar na nag-ukol ng masinop na pagsusuri sa mga akda ni Ramos, palibahasa’y siya ang matiyagang pumatnugot sa kauna-unahang kalipunan ng mga tula ni Ramos, Gumising Ka, Aking Bayan!  Napakahalaga ng naisakatuparan ni Tolentino. Kuro-kuro niya sa wakas ng kanyang “Paunang Salita”: “Kung may mabigat na aral ng kasaysayan ng panulaan ni Benigno Ramos, matatagpuan ito sa pahiwatig na ang masigla’t matipunong mga tula ay maaari lamang magbukal sa katotohanan at katwiran: kapag ang makata ay nalihis ng landas at sumalungat sa makatwirang hangarin ng mga tao, ang kaniyang panulat ay unti-unting papanawan ng sigla, mauunsyami, hanggang sa hindi na muling daluyan pa ng mga titik na may kabuluhan sa kanyang panahon” (1998, xxxiii). Paglimiin natin ang obserbasyong nabitiwan habang tayo’y nagsusumikap umigpaw sa kasalukuyang krisis ng globalisasyon.
Kung tutuusin, isang palaisipan ang naimungkahi ni Tolentino. Kasanib siya sa grupo ng mga pantas tulad nina Plato at Tolstoy na sumusukat sa halaga ng sining sa istandard ng katotohanan at katwiran. Ngunit sa makabagong panahon, sa kapaligirang nahahati sa interes ng iba’t ibang uri o pangkat, walang pamantayang lumalakdaw sa pangangailangan ng mga uri. Kaninong katotohanan at katwiran? Ang kabuluhan ba ng mga dula ni Shakespeare o tula nina Vladimir Mayakovsky at Pablo Neruda ay nag-uugat sa “makatwirang hangarin ng mga tao” bagamat repleksyon iyon ng mga nagtutunggaling puwersa sa lipunan? Paano matutuklasan ang “makatwirang hangarin” at masusubok kung tunay na makatwiran iyon?  Sa pagsabog ng kosmolohiyang sinusunod ng sangkatauhan, tulad ng mga batas ng imperyong Romano, o ang sistema ng paniniwala ng Kristiyanidad na laganap sa Kanluran, problematiko na ang simpleng pagtatambalan ng sining at moralidad. Namagitan na ang salapi, komoditi, pagpapalitan ng produkto sa pamilihan; alyenasyon at reipikasyon ang namamayani. Ideolohiya ng magkakahiwalay na grupo ang umuugit sa buhay, hindi na pangkalahatang pangitain o unibersal na pananaw-sa-mundo. 
Halos lahat ng mga gumaganap sa intelihenteng talakayan ay magkasundo sa halaga ng mapagbuong komunikasyon. Magkakaunawaan kung may larangan ng diskursong sasalihan ng lahat. Sa pakiwari ko, kung tatanggapin natin ang larawang ito, mas malinaw at maagap nating maihihimay ang masalimuot na ugnayan ng sining at lipunan. Kung magkakasundo tayo sa isang materyalistiko’t historikal na perspektiba, maipaliliwanag kung bakit si Ramos, makatang ipinagbubunyi ng lahat, ay di tuwirang maisasaintabi na isang taong naligaw ng landas, wika nga. Mababatid din natin na ang pagkamalikhaing birtud niya ay bunga ng kanyang progresibo’t mapagpalayang simulain. Samakatwid, hindi kababalaghan ang sining niya’t politika sa partikular na konteksto ng mga taong 1935-1946. Maari din nating siyasatin at suriin ang katangian ng sining niya bago nabuhos ang lakas at panahon niya sa Sakdalistang kilusan. Ihahain natin ang ating saliksik sa madla upang maging tema ng pagpapalitang-kuro tungkol sa pagyari ng hegemonyang nasyonal-popular na napasimulan ng 1896 rebolusyon, at ngayo’y pinasisigla ng kilusang demokratikong pambansa sa buong kapuluan.

Engkuwentro’t Pagkilala

     Sa mga antolohiyang umiiral, matatagpuan ang ilang tula ni Ramos na laging nakalakip bilang halimbawa ng matandang panulaan. Sa bantog na Parnaso ni Abadilla, tatlong tula ang kasama: “Ano Pa?”  “Ang Bahay ng Diyos,” at “Ang Kayumanggi” (Abueg 1973, 132-34).  Sa pangkat ng “Ilaw at Panitik” (1916-35), maitatanghal si Ramos na isa sa mga awtor na may “kamalayan sa pagbabago ng panahon.” Ayon sa kritikong Pedro Ricarte, si Ramos ay tumuligsa sa “superpisyalidad ng relihiyong kumpormista” (Abueg 1973, 31). Tumutol siya sa gawing pagpipilit itanghal bilang modelo ang mga banyagang awtor (Victor Hugo, Blasco Ibanez) sa pagpapanatili ng masunuring oryentasyon ng diwa (Lumbera 1967, 311).   Nakahanay si Ramos sa iba pang makatang lumilihis at bumabalikwas tulad nina Jose Corazon de Jesus, Narciso del Rosario at Pedro Gatmaitan.  
Hindi kakatwa ang lalim at sigla ng kamalayang mapanuri ni Ramos. Sumusunod siya sa tradisyong mapanghamon nina Rizal, Marcelo del Pilar, Isabelo de los Reyes, at mga kapanahon niyang manunulat sa pangkat ng Aklatang Bayan, kabilang sina Lope K Santos, Faustino Aguilar, Severino Reyes, Amado Hernandez, atbp.. Sa kalipunan nina Lumbera, apat na tula ni Ramos ang naisama. Makatas ang pagtingin ni Lumbera kay Ramos: “Ramos, in his early works, showed himself to be a highly innovative poet with a natural concern for the oppressed but inarticulate….Whatever political errors he might have committed during the last part of his career, Ramos deserves to be accorded his due as a fine poet who, at an earlier point in his life, had set aside formalistic experimentation to make his poems easilly accessible to the masses in whose service he had placed his art” (1982, 115-16). Sa opinyon ko, matinik at matalas pa rin ang mga akdang nailathala noong dekada sa pagitan ng Komonwelt (1935) at giyerang pandaigdig (1941).

Tulad ng pagkilatis ni Tolentino, nakapupukaw ang obserbasyon ni Lumbera. Nasapol niya ang palagiang isyu sa kritika. Makatarungan ba na dapat tumiwalag sa problema ng politika ni Ramos upang mabuting maparangalan siya bilang mahusay na makata? Salungat ba ang kapinuhan ng porma o ayos (pormalistikong estetika) ng tula sa programang pampolitikang itinaguyod ni Ramos? Paano natin malulutas ang suliranin ng etika at sining, ng moralidad at aliw ng kagandahan? Magkatugma ba ito o talagang magkasalungat? Ano ang politika ng sining? Bakit kailangang itagubilin na di dapat sipatin ang lahat sa bisa ng pampulitikang timbangan? Sa kabilang dako, ano ang silbi ng sining hiwalay sa araw-araw na buhay ng karaniwang tao?

Nakatanikalang Pagsubaybay

   Sa naghaharing komentaryo sa panulaan, wala halos pumapansin sa panitik ni Ramos—kabilang siya sa mga etsa-pwera.  Tila isang pariah na iniiwasan ng lahat. At maliban kina Lumbera, Almario at Tolentino, tahimik ang akademya at publiko kung mababanggit si Ramos.  Kinulapulan ng stigma o tatak na “huwag pakialaman” sanhi nga ng kanyang pagkalulong sa gilas ng imperyong Hapon. Sa malas,  maingat bagamat patago ang pagpapaimbabaw ng etiko-politikang sukat kung katuturan ng sining ang nakataya. Hindi bunyag ito pero lantad ang moralistikong pagpisil at paghatol. Maidadag na ang pormalistikong estetika, tinaguriang sining-para-sa-sining, ay instrumento ng dominanteng status quo, kung titiyakin kung paano kumakain at nagsasaya ang mga alagad nito.

Ikumpara natin ang ganitong pagtingin sa mga kapanahon ni Ramos. Isang matapat na indeks ang puna ni Julian Cruz Balmaceda sa tanyag na panayam noong 28 Hulyo 1938. Isingit natin ang ilang pangyayari noon. Pinalaya na ni Presidente Quezon ang mga nabilanggong lider ng Partido Komunista ng Pilipinas. Tuluyang nagsikap sina Crisanto Evangelista at mga kasama na magtayo ng prente popular laban sa pasismo (Hapon, Aleman, Espanyol, Italyano). Sa pagsanib ng Partido Sosyalista ni Pedro Abad Santos, nagbalikatan ang magsasaka’t manggagawa, mga maliit na burges, at nasyonalistikong negosyante, sa isang nagkakaisang hanay (united front). Maligalig at mapanganib ang lumalalang sitwasyon sa Asya noon.
Bumalik si Ramos noong Agosto 1938 mula sa Hapon kung saan siya napahimpil dahil sa insureksyon noong 1935.  Hindi niya narinig ang puna ni Balmaceda tungkol sa kanilang “pagkamapaghimagsik” (kapiling si Pedro Gatmaitan) batay sa paglikha ng “tulang imposible.” Nagawa nila ito dahil sila’y “tila nagdaan sa isang panahong naggirian at nagpataasan ng panaginip sa panunula” (2013, 127). Sinipi ang limang taludtod ng tulang “Katas-diwa”:

Sa dinsul-dinsulang puno ng binatis ng mga pangarap
sa mala-tambilong na silid-silirang ala-alapaap
ng katas-diwako ng lumuhog-magtampong tila bahid-ulap
sa dikit-tala mo na dalampasigan ng lahat ng hirap
ng abang buhay ko, ay nagsusumamong ulol, baliw, hamak 
(1998, 48)

Mapapansin na taglay ng mga taludtod ang alingawngaw at balisang pagmamadali ng panahon noon. Sapagkat lumilihis sa nakagawiang padron ng pagtutugma’t pagbibilang ng patinig at katinig, inayawan ni Balmaceda ang “mapangahas na kabaguhan,” na sa kanyang opinyon ay hindi natularan at “biglang-biglang nasugpo” (2013, 128). Nasugpo, sa gayon, dahil walang ibang sumunod isapraktika ang prinsipyo ng pagbabagong inilunsad nina Gatmaitan at Ramos alinsunod sa kodigo’t disiplina ng globalisadong palengke ng literaturang nakalimbag, pati na ang komersyalisadong radyo at pelikula. Tinutukoy dito ang pagbabago ng pamamaraan, hindi paksain o kalamnan.

      Ang teknik ni Ramos ay hindi pambihira. Sa pag-uulit ng pantig sa prase o parirala (sa lingwistika, morphemes), umiigting ang konotasyon ng salita.  Ang repetisyon o pag-uulit ay katangiang katutubo sa awit. Batay sa saliksik sa pilolohiya’t antropolohiya ni George Thomson, ang awit sa paggawa na kapiling ng mga gawain sa bukid, bahay o pook-sanayan ay may dalawang sangkap: ang koro o refran at improbisasyon. Sa koro mararamdaman ang enerhiys o lakas ng katawan, ang udyok o hibo ng damdamin, na siyang umuugit at nagbubuklod sa kilos ng maraming tao. Ang paulit-ulit na sigaw ay sumasagisag sa kolektibong diwa, habang ang paglangkap ng mga sinkahulugang salita ay paghiwatig ng saloobin tungkol sa ginagawa (Thomson 1974, 25-29). Isiningkaw ni Ramos ang obhetibong pangyayari at suhetibong dalumat sa mga salitang ginitlingan, halimbawa: 

Ngunit tantuin mong yaring mala-gintong tikas-makaaraw
ng nipis-dumaling tabas-dinalitang bangkay-lamig-hukay
ng hinimig-murang sa mala-alamat na aklat-dalisay
na aking pag-ibig, ay ga-bughaw-langit na di mapaparam.
Naririto akong kilos-hindi-sawi kahit namamahay
sa dinagat-luha, sa-hirap-buhawi, sa saklap-libingan    (1998, 48)

Masisipat na ang estilistikong paraan ay tandisang diyalektikal. Malasin ang matagumpay na pagdurungtong ng saloobing personal at obhetibong pangyayari. Sa siniping huling saknong ng “Katas-diwa,” isinadula ang indayog ng pagsabay ng komunidad (sa refran) at makata, sampu ng mala-mahiyang ritwal ng muling pagkabuhay at kaganapan. Mistulang sinalamangka ang alapaap ng katas-diwa na naging “ga-bughaw-langit na di mapaparam.” Matalisik ang paghabi ng taludtod, ritmo, imahen at retorika ng dalityapi/liriko upang maipahayag ang damdaming siyang humuhubog ng panibagong sitwasyon (Thomson 1946, 22-24). Hindi paglalaro sa tunog ng patinig/katinig kundi tahasang rebolusyon sa ating pakikitungo sa ating daigdig ang nilalayon ng makata.

     Kakatwa ang inobasyong eksperimental ni Ramos kaya umangal ang mga matandang tinali. Hindi makabago iyon dahil kahawig ng istruktura ng mga katutubong awit, ng talindao at pabinian ( (Angeles, Matienzo & Panganiban 1972). Hindi naman kataka-taka ang pag-iral ng modelong hango sa Kanluran—dala ng mga Kastilang prayle na siyang nagpakalat ng gramatikang base sa Latin (mula sa Vocabulario nina Noceda at Sanlucar, Memorial ni Francisco de San Jose, abp.) Samakatwid, hindi talagang katutubo. Nakapangingibabaw pa rin ang nakaugalian, ang panggagad sa sinaunang balangkas at haraya ng panulaan. Ipinagtibay ito ni Inigo Ed. Regalado, kasapi din sa Aklatang-Bayan, sa kanyang lekturang “Ang Panulaang Tagalog” na binigkas noong 18 Agosto 1943, panahon ng pananakop ng Hapon.  Idiniin ni Regalado ang regla at panuntunang nahugot sa matandang panulaan. Hindi “sampay-bakod” iyon, manapa’y “mayaman sa kagandahan, nahihiyasan ng mga talinghaga, sagana sa indayog ng pag-iisip at kinapapalooban ng nakapagpapaheleng bunga ng lirip at ng mga ginawa” (2013, 203). 

Mapapansin na masipag maghalungkat ng mga lumang tula sina Balmaseda at Regalado, ngunit ang mga kategoryang pinuri ay halaw sa Grieyego’t Romanong teorya na inilapat sa kolonyang lipunan. Tunay na hindi katutubo o nilikha ng mga taal na kayumanggi. Bukod sa pagdakila sa banyagang kultura, di man lamang sumagi sa isipan ng mga kagalang-galang na pantas na hinubog ng kasaysayan ang kultura. Sa gayon, nababago at nagbabago ang lasa’t pagpapahalaga ng sining sa bawat kabihasnan. Lubhang tanda ng ignoransiya, kundi pagsamba sa dayuhang idolo, ang ipinagpipilitan nina Balmaceda at Regalado (hinggil sa historya ng panulaan, konsultahin si Santos 1996). Samantala, bumubuhos ang mga pangyayari sa likod ng mga utak ng pantas. Mulat sa daloy ng kasaysayan, sinikap ni Ramos na itugma ang musika’t tema ng tula sa himig ng mga kontradiksiyon ng mga nag-aawayang sektor sa lipunan at sa larangang internasyonal.

Di Pantay & Walang Tugmang Pag-inog

Mahirap maintindihan ang anumang bagay kung hiwalay sa kinalalagyang lunan at panahon. Nais kong isusog na kailangan ang isang makasaysayang pagsusuri, isang konseptualisasyon ng halagang nakapaloob sa daloy ng kasaysayan.  Ang katuturan at kahulugan ng sining ay kalakip sa ayos ng produksyong sosyal sa bawat yugto ng kasaysayan. Ang ayos at proseso ng produksyon ang talagang saligan ng kaisipan, saloobin, damdamin, gunita’t pangarap ng bawat lipunan. Maiging matatarok ang puno’t dulo ng anumang gawa o praktikang kultural kung nakaugnay ito sa kabuhayan, sa relasyong sosyal ng mga grupo sa isang tiyak na yugto ng kasaysayan.
Ipuwesto natin si Ramos sa sitwasyon ng sambayanan noong 1911-1914 hanggang sa dekadang 1926-1936 kung saan bumulas ang kanyang panitik. Mailalagom rito ang ilang datos tungkol sa pag-unlad ng kilusang manggagawa’t magbubukid. Itala natin ang pagtatag ng Congreso Obrera de Filipinas noong Mayo 1, 1913, sa pamumuno ni Hermengildo Cruz, isang beteranong unyonista na naging katulong ni Isabelo de los Reyes sa pagbuo ng Union Obrera Democratica noong 1901 (Scott 1992). Lumaban ang Congreso sa panlilinlang at pandaraya ng imperyalismong Amerikano sa pamamagitan ng Kawanihan sa Paggawa na itinatag noong 1908 (kasabay ng Unibersidad ng Pilipinas, na tagahubog ng mga mentalidad ng kolonisadong burokrasya).
Maigting na tunggalian ang nasaksihan sa dekadang 1910-1920 bukod sa bakbakan ng elitistang partido Democrata at partido Nacionalista. Kasabay ng pagputok ng rebolusyong bolsheviko sa Rusya, sumilang ang unyon ng magsasaka sa Bulacan (probinsya ni Ramos) noong 1917, at ang Anakpawis sa limang bayan ng Pampanga noong 1919. Matulin ang mobilisasyon ng mga magbubukid na humantong sa pagdaos ng kongreso ng Kalipunan ng Manggagawa at Magsasaka sa Pilipinas noong Agosto 1922. Dahil sa pag-unlad ng manupaktura sa buong kapuluan, tumaas ang bilang ng sigalot sa pagitan ng puhunan at trabahador: buhat 1,880 obrerong umaklaw noong 1912, mahigit 16,289 trabahador ang lumahok sa 83 sigalot noong 1918 (EILER 1982, 70). Noong 1921, 20,000 mangggawa ang nagwelga sa pabrika ng sigarilyo, sa daungan sa Iloilo, sa mga trosohan sa Negros Occidental, at sa mga asukarera sa Pampangga at Laguna. Pinanday at nahasa ang mga galing sa pagkakaisa’t pakikibaka ng liderato ng mga unyon sa mga welga sa perokaril at transportasyon, sa pabrika ng niyog, sa Manila Gas Company, sa pagawaan ng pagbuburda sa Maynila, at sa mga kiskisan ng palay sa Nueva Ecija. Noon 1927, sumapi ang Congreso sa Red International of Labor Union at nakuhalubilo ang liderato sa mga kasamang galing sa Rusya, Tsina, Indotsina, Europa at Amerika. Noong Agosto 26, 1930, itinatag ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) mula sa pagkapatiran ng Federacion Obrero de Filipinas at Katipunan ng mga Anak-Pawis sa Pilipinas. Noong Disyembre 1933, habang nililistis ang 16 lider ng PKP, 4000 manggagawa ang nagprotesta’t nagmartsa sa Korte Suprema at bahay ng Amerikanong Gubernador-Heneral. Ito ang kapaligirang umalalay at nagtakda ng kabuluhan sa panitik ni Ramos.

Bakas ng Pakikipagsapalaran

Balik-tanawin natin ang itineraryo ng indibidwal na protagonista. Nakatahi ang hibla ng buhay ni Ramos sa hinabing narasyon ng ating himagsikan. Nang iniluwal siya, kababalik lamang ni Rizal mula sa Europa upang itayo ang Liga Filipina. Hingi nagluwat, humalili ang Katipunan ni Andres Bonifacio at sumiklab ang rebolusyon laban sa Espanya.  Kasapi ng Katipunan ang magulang ni Ramos. Nagbinata siya nang nasugpo na ang sandatahang puwersa ng Republika at nabitay sina Sakay at mga kasamahan noong 1907. Sandaling nagturo si Ramos sa Pandi, Bigaa, Bulacan. Nabilanggo siya ng 24 oras dahil sa pagtuligsa sa isang pari doon. Lumuwas siya sa Maynila, nagsulat para sa Taliba; at noong 1911 nagkaroon ng trabaho sa isang lingguhang magasin, Renacimiento Filipino. Lagi siyang gutom; naisulat niya ang kanyang kahirapan: “walang inumin kundi tinta lamang, pluma ang tabako, acero’y tinapay” (Terami-Wada 1988, 428). 
Panahon iyon ng Sedition Law ng 1902: ipinagbawal ang mga akdang bumabandila ng nasyonalismo—mga dula nina Aurelio Tolentino, Juan Abad, atbp. Nasentensiyahan si Tolentino ng pagkabilanggo habang buhay; noon na lamang 1912 pinatawad siya ni Gob. Forbes. Mapanganib ang magdiskurso’t tumalakay ng paksa tungkol sa kasarinlan at demokratikong karapatan, o bumatikos ng korupsiyon sa gobyerno. Nang akusahin ng El Renacimiento si Dean Worcester sa tanyag na editoryal, “Aves de Rapina”, sinakdal ang editor at pabliser noong 1908.  Humigit-kumulang sa dalawampung tula ni Ramos ang nailathala sa nasabing lingguhan bago siya lumipat sa peryodikong Ang Bayang Filipino,  na pag-aari ni Manuel Quezon. Peryodista siya noong 1913-1917. Tiyak na nabahiran si Ramos ng matapang na pagtatanggol ng kapwa peryodista, bukod sa pagmulat sa kabulukan ng sistemang kolonyal/kapitalista kung saan ang burokrasya ay instrumento ng makapangyarihang oligarko sa kanilang kapakanan. Mapanlinlang na ipokrisya at mapagkunwaring asal ng kolonyallismo ang araling natutunan ng makata. 

Samantala, maraming alitan at insureksyon ang yumanig sa buong kapuluan. Kabilang dito ang sedisyon ni Ruperto Rios sa Tayabas noong 1903, ni Papa Isio sa Negros, ang Pulajanes sa Leyte at Dios-dios sa Samar. Nakasindak sa awtoridad ang kilusan ni Felipe Salvador noong 1906-1910; nang bitayin si Apo Ipe, ipinagbunyi siya ng El Renacimiento bilang isang sundalong rebelde (Agosto 13, 1910 isyu). Ipinarangalan din siya ng makatang Jose Corazon de Jesus na mas marangal kaysa mga upisyal sa gobyerno (Constantino 1975, 269-70). Naisatitik ni Ramos ang dalumat ng mga kasama sa huling saknong ng “Mga Agam-agam” na handog sa Kaarawan ng Paggawa, Mayo 1, 1911, bago pa sumabog ang 1917 rebolusyon sa Rusya:

Ang pigil ng sama’y nasa dakong huli,
at kung sa ngayon ma’y laging nagwawagi
asahan at bukas nama’y mga api
ang magtatagumpay at hindi na imbi.

Maitatampok dito na ang pangunahing temang nananalaytay sa karamihan ng mga tula ni Ramos ay pagbabago, metamorposis ng kapaligiran, pagbabagong-buhay.  Kaakibat nito ang damdamin ng pakikiramay at tiwala sa katuparan ng pangarap, ng katuparang inaasam-asam, bunga ng magkabuklod na pagsisikhay ng sambayanan. Sinikap niyang bakahin ang mapanghamig na indibidwalismong ideolohiya ng kompetisyon sa negosyo. Sinubok niyang iugnay ang kapalaran ng mga sawing magbubukid sa petiburgesyang sirkulo ng mga kawani sa gobyerno’t karaniwang manggagawa sa lunsod. Resulta nito ang sinasabing magaspang, hindi pino, salungat sa nakamihasnang hilig at panlasa, ang sining ni Ramos. Ebidensiya ito ng mabisang pagdalumat niya sa masalimuot na kapaligirang sinusuri niya..

Pagtawid sa Bangin
Tunghayan natin ang lakbay ng historya. Naglaho ang lumang orden ng merkantilismong imperyo ng Espanya, humalili ang kapangyarihan pinansiyal ng industriyalisadong burgesya sa Estados Unidos. Nagapi ang rebolusyonaryong tropa nina Luna at Sakay ng makabagong teknolohiya’t logistics ng kapitalismong sistema. Subalit sa halip na paunlarin ang ekonomiya, pinalala pa ng bagong panginoon ang piyudal-agrikulturang kaayusan sa dalawang paraan. Noong 1909, ipinataw ang patakarang “free trade” ng Payne-Aldrich Tariff Act; sa gayon, natigil ang anumang tangkang industriyalisasyon.  Sa larangan ng edukasyon at burokrasya, inihiwalay ang sektor ng gitnang-uri upang hirangin bilang empleyado ng mga aparato ng estado, militar, at kawanihan. 
Sa kapwa ideolohikal at sosyo-politikal na maniobra, nahati ang lipunan sa nakararaming mahirap (pesante at manggagawa) at mayayaman (negosyante-komprador, may-lupa).  Hindi natuloy ang pagwasak sa malalaking asyenda; nagpatuloy ang pagsasamantala ng uring cacique at inquilino. Nahawakan ng mga korporasyong Amerikano ang malalaking lupain para sa tabako at asukal, habang pinabayaan ang mga cacique na umupo bilang alkalde o mga upisyal sa probinsiya, at kinatawan sa Asambleang itinatag noong 1907 at ng Komonwelt noong 1934 (Pomeroy 1970).
Sa unang tatlong dekada ng kolonisasyon ng Estados Unidos, sumidhi ang paghihikahos ng mga magsasaka, ang mayoryang anak-pawis sa kanayunan. Unti-unting naagnas ang paternalismong saligan ng ugnayang kliyente-patron. Naging malupit ang mga katiwala ng panginoon, at tuluyang naduhagi’t nagdusa ang mga magbubukid. Sumabog ang rebelyon sa buong kapuluan sa pagitan ng pagsuko ni Aguinaldo hanggang pagkilos ng Sakdalista. Tumindi ang mga gulong kasangkot ang Inglesiang Watawat ng Lahi, ang mga Colorum sa buong kapuluan, ang Santa Iglesia ni Felipe Salvador, at ang insureksiyon ni Pedro Kabola sa Nueva Ecija at Pedro Calosa sa Tayug, Pangasinan. Dahil sa panggigipit ng mga usurero at sakim na panginoong maylupa, bukod pa sa pinsalang iginawad ng masungit na panahon at iba’t ibang sakuna.  Lumubha ang lagay ng maraming nakikisama, isang kabalintunaan sa gitna ng mabiyayang kalikasan at dating mabighaning panorama ng ilog, parang, lambak, gubat at kabundukan. Gayunpaman, sa pagdaralita, walang nangungulila, salamat sa laganap na damayan sa harap ng sawing kapalaran. Hindi naglaho ang pag-asa ng masa para sa maluwalhating kinabukasan.

Bihasa na sa pakikipagbuno sa suliranin ng sambayanan, natuto si Ramos na tumiwalag sa gayuma ng tradisyon at konserbatismo ng kapanahon. Kaiba sa “Ang Balintawak” ni Regalado o “Ang Bundok” ni Lope K. Santos, na nakatutok sa kariktan ng kalikasan, masisinag sa anyo ng kalikasang isinadula ni Ramos ang damdamin at karanasan ng mga taong namumuhay sa malikhaing pakikitungo sa mundo (Angeles, Matienzo & Panganiban 1972, 80-81).  Samakatwid, gumanap ng simbolikong papel ang dalumat sa kalikasang naikintal sa “Bulkan” at “Bagyo,” halimbawa. Ngunit hindi rekonsilyasyon ng tao at kapaligiran ang inilarawan doon kundi ang tensiyon sa pagitan nito. Lumalabas na hindi simbolo kundi alegorikang karanasan na pinagmulan ng “aura” (sa turing ni Walter Benjamin, “the experience of aura is based on the transposition of a social reaction onto the relationship of the lifeless or of nature to man” (sinipi ni Jameson 1971, 77). Ngunit ang penomenang ito ay dominanteng pagpapahayag ng isang mundo kung saan ang mga bagay-bagay ay natanggalan ng kahulugan, o naalisan ng espiritu, napalayo sa awtentikong kabuhayan. Natuklasan ni Ramos na naligaw siya sa kagubatan ng kapitalismong parasitiko sa nabubulok na bangkay ng ordeng piyudal, patriyarkal at bulag na pagsunod sa utos ng simbahan.
Sinubok din ng makata na buhayin ang kalikasan na ginawang komoditi o kasangkapan ng kapital. Sinikap niyang pukawin ang kaluluwa nito at gawing kamag-anak o karamay sa tunggalian ng mga nagsasamantala at pinagsasamantalahan. Isang ultimatum ang hagupit ng makata, isang babala sa mga may kapangyarihan na may taning ang kanilang pagmamalabis. Inihudyat ito sa estilong melodramatiko:

Kayat tumigil na.  Sukat na ang sabing kayo’t mga hari’t pawang talosaling,
Sukat na ang wikang kayo’y malalaki at may maliit na talu-talunan,
Sukat na!  Sukat na!  Kaawa-awa kayo!  Sa mundo’y tahimik, subalit may bulkan,
May bulkang panghughog sa utak at diwa ng pantas na gurong sapat ikamatay,
May bulkang nunuga!….

Ano nga ba ang sadyang ipinahihiwatig ng ingay at usok ng bulkang sumasabog? Patalastas ba iyon ng diyos o bathala, o mahiwagang espiritung tiwalag sa lipunan? Hindi, ang bulka’y sagisag ng komunidad, isang sandatang may adhika o mithiing makatao.

Anupat’t ang bulka’y isa pang galamay na kinalalamnan ng madlang pithaya,
Isa pang haligi na naglalarawan ng mga pagtangis sa pamahid-luha,
Isa pang sagisag na kakikilanlan ng mga punyaging tuwina’y sariwa,
At sa buong mundo ay namamaraling: “Ang Sangkatauha’y may nasang lumaya.”
(1998, 3-4)

Sa tulang “Bagyo,” bukod sa payo’t pangaral, isang maramdaming ritwal ng pagsamo ang maririnig.  Kahawig ng mga dasal upang humingi ng biyaya’t ginhawa sa makapangyarihang espiritu ng kalikasan, ang panawagan ng makata ay hindi personal kundi kolektibong hinaing. Kadalasa’y nasasalanta ang biktima ng lipunan, kaya daing ng makata na magbago ang bagyo’t magdulot ng hustisya at magpakita ng katarungan:

Nariya’t marami
ang nangararapat na iyong handugan
ng taglay mong galit…ang angaw na diwang pawang nangangamkam,
ang pusong maghapo’y walang iniisip kundi ang paraan
ng lalong madaling ikapapaluklok sa yaman at dangal,
ang ngumunguya na’y hamig pa nang hamig na di naghuhumpay,
namumuwalan na’y ayaw pang bitiwan ang supot na taglay:
iya’y mga duming dapat nang itapon sa pusod ng panglaw.

Uli-uli sana’y
kung ihihinga mo ang iyong damdami’y
huwag ang bubungan ng mga mahirap ang pangingisihin,
huwag ang butas nang mabasa’t matuyo ang butas-butasin,
huwag ang sira nang dumuyan-mabuwal ang sira-sirain,
huwag at kung ikaw’y talagang may galit na di mapipigil
gibain mong lahat: mayama’t mahirap ay pagparisin
huwag kang magtira at makikita mong kita’y pupurihin.

Inilathala ang tula noong Hulyo 1911, taon na inilunsad ang Republika ng Tsina. Apat na taon na ang nakalipas nang magkaroon ng Asamblea noong 1907, at limang taon pa bago maipasa ang Jones Law noong 1916. Sa panahong isinulat ni Ramos ang tula, kahuhuli pa lamang kay Felipe Salvador, ang rebelde sa Bulakan at Nueva Ecija. Napatay na si Papa Isio sa Negros noong 1907, ngunit ang mga Dios-dios sa Samar ay hindi napatahimik hanggang 1911. Rumaragasa pa ang bagyo sa buong kapuluan, at patuloy pa rin ang pagputok ng bulkang muling pagagalitin ni Ramos sa Oktubre 1930 sa kanyang tulang “Gumising Ka, Aking Bayan!” Armadong tayutay ang ipinaindayog ni Ramos.  Ipagpapalit niya ang buhay niya, magbangon lamang ang bayan upang labanan ang “berdugo,” ang “anak ng mga Hudas”: “Masawi man ako ngayo’y malugod kong tatanggapin / kung sa likod naman nito’y babangon ka, Bayang giliw!”  

Ang matalinghagang estratehiya ng makata ay nakasandig sa pinagtiyap na mga karanasang nadarama at hibo ng diwang sumasagitsit doon. Naulit ang paglalaro sa alegoryang paggagalaw sa kalikasan sa bisa ng “pathetic fallacy” noong 1936,  pagkaraan ng madugong tagpo sa Cabuyao at sa Sta. Rosa. Sa tulang “Kidlat sa Tag-araw,” ibinabadya ng makata ang nalalapit na pagtutuos, isang apokaliptikong patalastas: “Nakaguhit ngayon sa langit ng bayan ang talim ng kidlat /Na sa mga taksil ay masamang hudyat” (1998, 213). Alingawngaw ito ng buhay sa “Asyenda,” taglay ang musika ng paghihimagsik na tumutunog na noon pang 1929-30: “Ang bawat sigaw mo ay nagiging kulog /ang bawat hibik mo ay nagiging unos.” Kapanalig ang kalikasan na nagdudulot ng kulog, kidlat at iba pang sandata.” Mapapakinggan din ang magkahalong inip na pagdududa, ngitngit, at pag-aalinlangan sa rason ng lumang ordeng: “Diyos man sa langit kung mayr’on ngang Diyos / sa kaapihan mo’y dapat nang kumilos!” (1998, 172).
Mararamdaman na hindi ito daing kundi artikulasyon sa sindak at pagtutol sa karumal-dumal na kalagayan ng bayan.
Metamorposis ng Guni-guni

Sa pagitan ng ideyang sumibol sa ulirat ng makata at pagsisiwalat dito, hindi tuwirang maikikintal ito sa malay ng mambabasa o nakikinig. Kailangan ang medyasyon ng nadaramang bagay. Kailangan ang metapora, palahambingan, simbolo o pigurang makamumulat o makahihikayat. Sa romantikong sensibilidad, ang kalikasan ay nagkakaroon ng balintunang mukha: nakakabighaning hiwaga ng mga espiritu, o mabangis na simbuyong kumakatawan sa kilabot ng mga pagbabagong nangyayari (sangguniin ang analisis ni Fischer [1963, 175-77). Matutunghayan din ito sa paghawak ni Ramos sa piling salik ng kalikasang kasalukuyang naghuhunos mula sariwang halimuyak sa nayon tungo sa usok, ingay at kasukalan ng lungsod. Mahihinuha rito ang isang gabay sa pagtarok sa proseso ng transisyon mula piyudal-tributaryong antas ng produksyon tungo sa burokrata-kapitalismong kalakalan.

Re-Imbensiyon ng Pamana

Laki sa kulturang Kristiyano, bagamat (tulad ng mga Propagandista) kritikal sa 
pang-aabuso ng simbahan, kinasangkapan ni Ramos ang mga ideya’t damdaming
minana sa mga ninuno. Tulad ni John Milton, ang may-katha ng Paradise Lost, ginamit ni Ramos ang mitolohiya ng Bibliya at binigyan ng ibang kahulugang ironikal. Kung mabisang komunikasyon sa madla ang hangad, kailangan ng makata na pumagitna sa diskursong alam ng lahat: ang pasyon ng Kristong taga-ligtas at talasalitaang gamay ng mambabasa. Pakay ng makata ang pagmulat, pag-udyok at paghikayat sa madla. Ngunit hindi mensaheng didaktiko ang adhika ng makata. Nais niyang ibunyag ang ipokrisya ng alta-sosyedad, tulad ng ginawa ni Kristo sa templo na inupasala ng mga bangkero, o sa komprontasyon niya sa mga Pariseo’t Sanhedrin. Tinuligsa ng Mesiyas ang katiwaliang naghahari, ang pagkukunwari’t kahungkagan ng sistema. Satiriko-propetikong mithiin ang pumapatnubay sa makata.

Maidiriin na nakalubog ang sining ni Ramos sa kumplikadong interaksyon ng luma at bagong praktika ng kabuhayan.  Nailahad na natin na di naisulong ang tunay na sekularisasyon at modernisasyon ng bansa sa ilalim ng bagong kolonisador. Nagpatuloy ang kapangyarihan ng simbahan, sampu ng mga ritwal, doktrina, ugali’t gawi. Di natinag ang mga pamahiin at alamat, mitolohiya at sagisag ng Kristiyanidad. Lantad ang pagbubulgar ng ipokrisya at katiwaliang labag sa moralidad sa mga tulang “Ang Bahay ng Diyos,” “Bagong Hudyo, Bagong Kristo,“ , o lente ang turo ng Mesiyas upang matuklasan ang katotohanan sa buhay, hindi iyon dogmatikong kuwadrong siyang pinakamabisang pamamaraan ng makata. 

Sa pagpihit ng pangatlong dekada ng Amerikanisasyon, binabagtas pa ni Ramos ang landas mula sa kanayunan tungo sa kalunsuran, tungo sa komodipikasyon ng kaluluwa. Matinik ang salungatan ng dalawang sistema ng produksyong kapwa umiiral: ang produksyong piyudal versus pabrika’t pamilihan ng kalakal. Problematiko ang pagpapatakbo sa dalawang makinang ito. Laganap ang sintomas ng awayan, gulo, ligalig, kadalasa’y humahantong sa karahasan at barbarismo. 
Dapat ilagay ang kritika sa gitna ng mga pangyayaring natukoy. Bagamat makabuluhan ang pagpapaliwanag ni Virgilio Almario na ginagad ni Ramos ang tradisyong saligan ng satiriko’t mapang-uyam na akda nina Rizal, Plaridel (Dasalan at Tocsohan), pati na ang panunuluyan, di tumpak ang sabihing “nagkaroon ng magandang papel ang alagad ng batas at pamahalaan” sa dulo (2006, 263). Mapagbiro ang himig sa huli, at tigib ng pasumala ang balangkas ng tulang “Ang Matanda.”   Sa kabila ng inaasahan, magkahalong parusa at kabutihan ang nangyari sa pagsalikop ng dalawang naratibo: ang   kawalan ng makataong simpatiya sa sosyedad at ang di-sinasadyang paglapat ng batas laban sa palaboy (mga taong walang tahanan) sa rehimeng kolonyal. Sa malas, pambabaligtad sa modo ng parikala ang naisakatuparan sa imitasyong natukoy na may bahid didaktiko’t mapanuto.

Panukalang  Taliwakas

Utang sa sipag at kabatiran ni Almario ang pagtatampok kay Ramos bilang pinakamakabuluhang manlilikha sa pangkat ng Aklatang Bayan, na binubuo ng henerasyon nina Lope K. Santos, Faustino Aguilar, Inigo Regalado, Amado Hernandez, atbp. Sampung tula ang isinama niya sa antolohiyang Walong Dekada ng Makabagong Tulang Pilipino. Hinawan niya ang landas na tinahak ni Tolentino sa pamamatnugot ng tinipong mga tula ni Ramos. Wika ni Almario na “makulay ngunit kontrobersiyal ang buhay” ni “Ben Ruben,” ang paboritong alyas ni Ramos. Pahabol pa niya: “…hindi pa rin gaanong natataya ang kanyang papel sa kasaysayan at panulaan…Noon pa’y binansagang siyang “El Poeta Revolucionario” dahil sa kanyang matatalim na tuligsa sa kapangyarihang Amerikano at korupsiyon sa hanay ng mga pulitikong Pilipino . Nalalapatan niya ang ganitong kaisipang mapanghimagsik ng pambihirang inobasyon sa tugma at sukat upang mas maluwag na maisakatuparan ang pagtula….Bukod sa makalipunang diwa, maraming maaaring pulutin sa halimbawa ni BRR ng reporma sa tula para umangkop ang balangkas sa daloy ng isip” (1981, 375-376).  Naitala rin ni Almario ang eksperimentasyon ni Ramos sa paghabi ng sukat sa “Kahabag-habag,” na hindi  “parodya sa kinasadlaking lusak ng Balagtasismo” 1984, 114-16). Pawang karapat-dapat ang papuring iyon, lamang nakalutang sa pagdidili-dili ito at kailangang isilid sa kwadrong pangkasaysayan.
Subukan natin ang komentaryong pahapyaw na baka makatulong sa maiging pag-unawa ng motibasyon ng makata. Ang tinaguriang “tulang imposible” ni Valeriano Hernandez Pena, ang paglulubid ng mga salita ni Ramos, ay kahanay ng ethos o klima ng sensibilidad sa dalawang dekada ng kolonyalismong Amerikano.  Hindi parodya ng kumbensiyonal na taludturan kundi repleksyon ng Zeitgeist.  Mabilis, maligoy at magulo ang komplikadong pagtatagisan ng mga uri’t sektor ng lipunan. Masasagap ito sa bugso’t pagmamadali ng ritmo sa “Katas-Diwa” o sa ritmo ng “Ibig Kong Makita.” Padaplis lamang sa kontekstong ito ang makikita sa kuro-kuro ni Almario sa Balagtasismo Versus Modernismo sanhi sa empirisismo’t duwalistikong lohika nito (kahawig ng pormalistikong sipat ni Agoncillo [1970]).
Sa dagsa ng mga ipinasok na pagbabago ng budhi’t dalumat ng mga sinakop, laluna ang pagpataw ng Ingles bilang midyum sa edukasyon at gobyerno mula 1908, nagipit ang manunulat sa Tagalog. Nabulabog di lamang ang pangkat ng Aklatang Bayan pati rin ang Ilaw at Panitik, na kapwa pinatnubayan ng makabansa at mapagpalayang layunin. Sa pagpasok ng bagong teknolohiya ng pelikula’t radyo, unti-unting naglaho ang kultura ng balagtasan at sikolohiya ng tulang pabigkas. Si Ramos ay isa sa mga ulirang haligi ng institusyong balagtasan ngunit hindi bulag na alagad (Almario 1984, 59-60). Nahalinhan ito ng kulturang nakalimbag, ng komoditi o nabibiling mass midya (tingnan ang tulang “Makata”)—ang mediyasyon ng industriyalisadong komunikasyong pag-aari ng korporasyon o pribadong negosyo. Tiwalag ang makata sa kaniyang awdyens. Namagitan na ang salapi, pamilihan, lihim na maniobra ng komoditi-petisismo. Ginawang kalakal lahat: damdamin, pangarap, seks, isip, panaginip. Walang hindi maipagbibili.
Naranasan ng sensibilidad ni Ramos ang bigat ng Amerikanisasyon. Ang organisasyon ng burokrasya (mula 1901 hanggang 1920) ay tanda ng madaliang kapitalisasyon ng mga aparatong pang-ideolohiya ng Estado. Itinakda ng Payne-Aldrich Act ng 1909 na mananatiing agrikultural ang ekonomiya. Sa malayang pangangalakal, ang Pilipinas ay magiging tambakan ng mamahaling produkto ng Amerika at taga-panustos ng mga hilaw na materyales at murang produkto tulad ng asukal, kopra, abaka, tabako, atbp. Pananatilihin ang sistemang piyudal sa kontrol ng mga kasike’t kumprador/komersiyante, sa tulong ng oligarkong partido nina Quezon, Osmena at Roxas simula 1906.
Tumagos sa muni at kalooban ng makata ang transpormasyong naganap sa kapaligirang sosyo-ekonomiko.  Sandaling nagturo si Ramos sa elementarya sa Bigaa; utang niya sa karanasan doon ang kakayahan sa retorika at pedagohiya. Simula 1911 sa lingguhang El Renacimiento hanggang sa paglipat niya sa Ang Bayang Filipino (si Quezon ang pabliser) noong 1913 (Tolentino 1998, xvii). Noong 1917 hanggang 1930 nang sapilitang ipagbitiw siya, naglingkod siyang taga-salin sa Senado. Ang katungkulang ito ay makahulugan: isang tulay si Ramos sa pagitan ng mga wika, tagapagtawid ng mga diskurso’t kabihasnan. Naunawaan niya ang halaga’t silbi ng wika bilang tagapamagitan ng politiko’t ideolohiyang adhikain. Katunayan, nasanay na siya sa kabatirang iyon nang maganap ang kaso laban sa editor at pabliser ng El Renacimiento noong 1908. Ang “mayamang pangungusap at pihikang pagkukuro” ni Ramos—papuri ni Rosauro Almario sa kakayahan ni Ramos— ay nabuhos sa pagtatanggol sa mga estudyante’t kawaning umaklas laban sa rasismo ng Amerikano (Terami-Wada 1998, 429). Nasubok at napagtibayan ang lakas ng pangungusap at pagkukuro sa pagtalsik ni Ramos mula sa Senado sa utos ni Quezon.
Masasalamin ang mga kontradiksyong mapagpahiwatig ng mga pangyayaring naitala sa itaas sa tulang “Panulat.” Mapanganib ang literatura bilang sandatang magagamit ninuman para sa kagalingan ng lipunan o kapahamaktan nito. Nasa sa konkretong sirkunstansya ang determinasyon ng halaga ng anumang likhang-sining. Lubos na hinala’t pagbabaka-sakali ang mapipisil sa dalawang saknong na ito:

Di ko kailangan ang ikaw’y gamitin
kung sa iyong katas ang Baya’y daraing,
ibig ko pang ikaw’y tupuki’t tadtarin
kaysa maging sangkap sa gawaing taksil.

Di ko kailangang ikaw ay magsabog
ng bango sa landas ng masamang loob,
ibig ko pang ikaw’y magkadurog-durog
kaysa magamit kong sa Baya’y panlubog. (1998, 166)

Hindi panatag ang loob ng makata na mapagtitiwalaan ang panitik na kusang maglilingkod sa kabutihan ng tao. Wala siyang tiwala sa estetika ng “sining para sa sining” na maskara lamang ng mga imbi’t tampalasan. Mapusok ang nais ng makata na magamit ito sa kapakanan ng busabos, upang masugpo ang mga mapagsamantalang uri—panginoong maylupa, komprador, burokrata-kapitalista (sangguniin ang Guerrero, 1971):

Kailangan kita sa gitna ng digma
at sa pagtatanghal ng bayaning diwa;
Hayo’y ibangon mo ang lahat ng dukha!
Hayo’t ibagsak mo ang mga masiba!      (1998, 166)
Laro ng Rahuyo

Walang pasubaling ang komitment ni Ramos ay katalik ng mapagpalayang kilusan ng masa. Binigyan ng ibayong sigla ang tradisyong pedagohikal o mapangaral na katungkulan ng panitikan na nagmumula pa kina Balagtas hanggang sa mga Propagandista. Kasiping ng mga trabahador sa bukid o sa pabrika ang manunulat bilang isang manlilikha, o tagayari ng mga mapapakinabangang produkto.  Ang tula ay isang produktong dapat magsilbi sa pagtataguyod ng kolektibong proyekto. Halimbawa ang mga tulang “Alaala,” “Ang Ngiti ni Dora,” “Bayani,” “Gunita sa Lumipas,” “Filipinas,” “Bonifacio,” at halos 3/4 bahagdan ng kalipunang inedit ni Tolentino. ;
Kaalinsabay ng gayong layon, mapupunan ang pangangailangan ng aliw, saya, tuwa sa kariktan at galing ng produktong nilalasap ng madla. Halimbawa ang mga maramdami’t madulang “Kahabag-habag,” “Ang Kurus ng Puso,” “Patawad,” atbp. Malimit, ang “ako” na balatkayong figura ng makata ay maskara ng mapandamay na budhi, ang tinaguring “social ego” o “affective manifold” ni Christopher Caudwell (1937, 246) Naisasakutaparan ang dalawang motibasyon ng klasikong poetika: dulce et utile. Naganap iyon sa ritwal ng balagtasan at iba pang kolektibong pagkakataong nilahukan ng mga kapanahong manunulat. Napalitan ang publikong lugar ng komunikasyon ng mapag-aring pagkonsumo sa kalakal; nalusaw ang publiko sa magkahiwahiwalay na kaakuhang walang nagumon sa sariling kasiyahan.
Sa sangandaang ito ng ating diskurso, nais kong isingit ang suliranin ng di-singkronisadong daloy ng kultura/ideolohiya at kabuhayan. Sa binansagang “vulgar Marxism,” ang baseng pang-ekonomya ang siyang pangunahing nagdidikta sa laman at hugis ng kultura/sining. Kung susundin ito, dapat wala nang paghanga ngayon sa lumang trahedya nina Sophocles, Shakespeare, Ibsen, atbp. Ngunit naipayo ni Karl Marx na ang pagsulong ng sining/kultura ay hindi laging tuwirang nakaangkla sa produksyong materyal ng lipunan (tingnan ang “Introduction to the Critique of Political Economy”1973, 134-35). Sa ibang salita, taglay ng likhang-sining ang relatibong kasarinlan dahil sa di-laging magkatugma ang proseso ng guniguni o kamalayan sa kapaligiran, sa takbo ng masalimuot na relasyong panlipunan.
Sa katunayan, walang dogmatikong proposisyong makasasapol sa komplikadong ugnayan ng iba’t ibang himaymay ng organikong operasyon ng bawat lipunan. Naipaliwanag na itong maigi ni Max Raphael sa pagsaad na “economic life does not produce anything directly of itself. It merely determines—within the terms laid down by the particular sphere itself—the manner in which the pre-existing thoughts are transformed and evolve” (1980, 79). Sa partikular na larang ng peryodismo’t publikong ritwal ng balagtasan, kaakibat ng kanilang transaksiyon diyalektikal, maitataya ang katuturan at bisa ng mga akda ni Ramos. Namamagitan sa bawat salita ang mitolohiya ng Kristyanidad, kaakibat ng minanang pamahiing pagano at makabagong elemento ng siyensiya at teknolohiyang laganap sa sistemang industriyal. Huwag din kalimutan na sa rehimen ng kapitalismong global, ang halagang-palitan (exchange-value) o salapi, ang dominanteng determinasyon, kaya balewala ang kalidad, halagang-gamit (use-value), o buod na birtud ng sining (Lifshitz 1973).  Ito ang paliwanag kung bakit puspos ng kontradiksyon ang matatagpuan sa bawat tula na nilulutas sa isang magayuma’t minsa’y nakagugulat na resolusyon. Samakatwid, hindi ang resolusyon ang importante kundi ang representasyon ng problema sa mararanasang paglalarawan (Balibar at Macherey 1996).
Dagdag pa, ang institusyon ng nilimbag na babasahin, na tumalukbong sa institusyon ng balagtasan, ay may diyalektikal na interaksiyon sa sistema ng edukasyon at burokrasya. Sa masaklaw na pag-usisa, kalakip ang mga institusyong ito sa aparatong ideolohikal  ng estadong ipinundar ng Estados Unidos. Mula sa dinamikong proseso ng mga praktika sa institusyong nabanggit umiigkas ang diwa’t damdamin ng makata.  Ang kalabuan ng pag-unlad ng buong lipunan ay maililinaw kung isasangkot ang totalidad ng kongkretong detalye’t determinasyon sa isang takdang yugto ng kasaysayan sa lipunan. Samakatwid, ang panulaan ni Ramos ay makikilatis at matitimbang kung ilalagay ito sa yugto ng krisis ng pagsugpo sa huling pagtatanggol nina Ricarte at Sakay hanggang sa pagbuo ng Partido Nacionalista noong dekada 1920-1930. 
Ang krisis ay sumulpot sa kasukdulan ng rebelyon noong dekada 1930. Naisiwalat na huwad ang angkin ng Partido Nacionalista na sila ang kinatawan ng sambayanan; sa halip, lumantad na magkatunggali ang mayamang politikong namamahala ng Komonwelt (sa ilalim ng imperyong Amerikano) at ang tunay na kapakanan ng nakararaming mamamayan. Naibilad ang matining na kontradiksyon ng masang inaapi at  ilang uring umaapi.
Maiging naisadula itong etikal-moral na posisyon ng makabayang intelektuwal sa mapagbirong siste sa “Pag-ibig na Sawing-sawi”(inilathala noong Agosto 30, 1930) at sa “ibig Kong Makita.” Taglay ng mga adka ang himig, retorika at imahen ng pasyon at literaturang pamagpanuto, magkahalong dalit-puri at mapanuligsang dalumat:

Ibig kong makita ang pamahayagang hindi nasisilaw
sa mga anuns’yo at sa mga Apong makapangyarihan;
ibig kong makita ang hukbo ng mga manunulat diyang
hindi magkakasya sa mga papuri upang makalugdan;…
ibig kong makita ang bayang dakilang pangarap ni Rizal,
ang bayang may budhi at di natatakot sa mga dayuhan!  (1998, 162)

Inilathala noong Febrero 1929, itong “Ibig Kong Makita” ang tila pahimakas ni Ramos sa institusyon ng Batasang nagkupkop sa kanya bilang kawani, sa tangkilik ni Quezon. Itiniwalag siya sa kanyang pagtalima sa tanawing iginuhit niya rito, mga pagnanais na hindi pansarili kundi sa ngalan ng buong komunidad. Ang persona ng makata ay tambuli ng magkabuklod na damdamin at hinagap ng nakararami, patibay na ang buod ng indibidwal ay hindi maibubukod sa praktikang sumasagitsit sa dinamikong proseso ng ugnayong panlipunan, ang buong aktibidad ng lipunan sa bawat tiyak na yugto ng kasaysayan (Marx & Engels, “Theses on Feuerbach,” 1968, 29-30). Sa dagling salin, tinig ng sambayanan ang maling hinala ng marami na iyon ay nangungulilang boses ng makata sa gubat. Sa balik-tanaw, maigting na magkasanib sila: ang “ako” ng makata ay mahigpit na katalik ng “tayo” ng sambayanan sa diyalektika ng rebolusyon.

Balangkas ng Teorya, Katas ng Praktika

Sa aking palagay, ang dalisay na pagbabagong naipasok ni Ramos ay masasaksihan sa indayog at tekstura ng mga imaheng nakapaloob sa tulang “Ang Kurus ng Puso,” “Kahabag-habag,” at marami pang iba. Kakaiba’t nakamamanghang pagtuhog ng iba’t ibang salita ang mapapansin, ngunit hindi nalalayo sa indayog at masinsing pagsusunod ng makakaibang tunog na tatak ng kumatha ng Florante at Laura. Ibang paksa o laman, ngunit kahawig ang dating ng bigkas. Pasaring ng iba na “magaspang ngunit madamdamin” (Almario 1985, 68) ang pagtula ni Ramos, hindi matamis, kalkulado, malamukot o malamyos tulad ng kanyang mga kapanahon. Walang bale ang mga pang-uring ito kung hindi isasaalang-alang ang istruktura’t pakay ng tinig na nangungusap sa tula.
Isaisip natin ang kategorya ng diskursong sinusuri. Siyasatin kung ang hirit at tudla ay nakatumbok sa indibidwal na sitwasyon ng maraming protagonista. Himayin ang mga antas ng kontradiksiyon. Sa tulang “Ang Ngiti ni Dora,” dalawang saknong ang naiukol sa paglalarawan ng ngiti ni Teodora Alonso nang isilang ang bayani. Sa malas, ito’y partikular na detalye sa mukha ng ina, mistulang mimetiko o simpleng pagkopya ng hitsura ng tingin. Ngunit kung paglilimiin, higit sa pisikal na detalye ang masisinag sa matingkad na paghahambing sa estropang sumusunod:

Ngiting isang langit ang idinudulot nang buong-pagsuyo,
ngiting purgatoryo ang handa at laan sa diwang palalo,
ngiting kadalasa’y magtampong-sumamo,
umayaw-umibig, magalit-manuyo,
lumayo-lumapit, mangdahas-bumiro,
Ngiting kamayangan na tuwa’t ligaya ang iniaalo
sa pag-uumusok, na di naglulubay, hindi naghihinto
ng buong damdamin, buong-buong diwa, buong-buong puso.
Liwayway ng araw kung nag-uumagang hindi naglalaho,
anag-ag at sinag na laging kasama’t kalagu-laguyo
ang sila-silahis, ali-aliwayway na may kulay dugo,
alu-aluningning ali-alitaptap na pakitang-tago, 
na minsang dumagsang parang tinatabo,
parang sinasalok upang mailuwal sa loob ng pintong
kinaroroonan ng libong parusa’t paghamak na lalo. (1998, 26-27)

Lumilitaw na ang ngiti ay okasyon ng sari-saring hinuha, damdamin, hagilap, isip at layon.  Lumalagpas ang bugso ng paghanga sa taning ng pagpupugay sa isang tao, humihigit ang enerhiyang naibuhos dito para lamang dakilain ang ina ni Rizal. Umaapaw ang hibo’t udyok ng damdamin, higit pa sa alegorikal ng haraya ng ina sa tradisyon o ng inang hinubog ng mga militanteng peminista (konsultahin sina Maceda 1995; Torres-Yu ). Hindi ideolohiyang maternal ang tema rito kundi ang pinagsasamantalahang uri ng mga pesante’t magsasaka, na itinuring na babae sapagkat wala silang lakas upang umugit sa pagpapaunlad ng kanilang kabuhayan.

Pagnilayin natin na nabihag ang Inang Pilipinas ng imperyalismong Amerikano. Nagahis, naghihinagpis, at umaasang ililigtas. Naipunla sa malay ng makabayang awtor ang nasang sagipin ang inang humihibik, kahawig nina Joselynang Baliwag at mga kapatid sa ilang kundiman. Masidhing daloy ng damdamin ang masasalat sa mga tulang ukol sa nasawing babae, nagkahiwalay na mag-asawa o nabigong sintahan, tulad ng “Nasilaw sa Dilim,” “Ang Marapat Gawin,” “Ako’y Natatakot, “ “Himala,” “Patawad,” “Nasawi” at iba pa.  Sa dalawang tulang lumabas noong 1911 sa Renacimiento Filipino, ipinatalastas na ang makata’y siyang tutubos sa biktima ng karahasan:

Oo, asahan mo na sa pagkasilaw sa nakitang dilim,
at sa di mo talos na takbo ng palad na iyong daratni’y
alalahanin mo ang di mapaparam na aking hinaing:
magpakasawa ka sa buhay na bago na ngayo’y inangkin,
at kung malanta ka’y naririto akong laan kang kupkupin
laan kang iimis sa langit ng buhay. Kita’y tutubusin.  (1998, 18)

Kasangkapan pa rin ang relihiyosong mito ng taga-pagligtas na nakaluklok sa komunidad na nakikiramay at handang sumugod upang tumubos:

Oo, maging Kristo. Maging mananakop ng nangagkasala,
ng nangababagabag sa laot ng palad, ng nangagdurusa;
kaysa maging pataw ng pagkapalunging dulot ng nauna,
ng isang naghudas sa kimkim na puri ng iyong asawa.
Huwag manghilakbot ang budhi mong taglay sa pag-alimura
ng balat-sibuyas nating kapisanang sa iyo’y tatawa;
ang mata’y pikit: taglayin sa diwa ang isang pag-asa
na lalong dakila ang nagsisibuo ng nangapapaka
at ang sumasagip sa nangalulunod ay taong kapara
ng anak ng Diyos na nagbigay-tawad sa kay Magdalena. (1998, 20)

Makitid at mababaw ang hinuhang personal lamang ang pagninilay, hinaing, sumpa’t pangakong naikumpisal dito. Lampas sa sikolohikal na antas, sumisingaw ang konotasyong etikal-moral sa pakikipagkapwa.  Sumasaklaw ito sa kagipitan at kahirapang dinaranas ng mga pamilya, na kaagapay ng krisis sa pamumuhay ng sambayanan. Bunyag ang pampulitikang ambil sa trahedya ng buong komunidad na siyang masustansyang tema ng sining ni Ramos.

Hindi Sapat ang Interpretasyon Lamang

Naibadya na sa itaas ang alegorikong estratehiya ni Ramos. Nais kong igiit muli ang argumento ng kritika ko. Ang kontradiksiyon ng indibidwalistiko-burgesyang pananaw at anti-imperyalistang pakikibaka ng nagkakaisang-hanay ng mga kolonisado ay nagtakda ng porma’t estilo ng mga tula ni Ramos. Sa mala-romantikong pakiusap sa isang sinusuyo o matalik na kaibigan, inalagaan ang pagkakaisa ng komunidad. Tumagal ito hanggang 1930. 
Nang matuklasan ang sumisiglang kilusan ng mga magbubukid nang itatag ang partido Sakdalista, naging entablado ng makata ang kinamihasnang padron upang itaghoy ang malalang pagdurusa’t pambubusabos sa kababayan sa mga tulang “Asyenda,” “Independence Congress,” “Mayayaman,” “Ang Sawi,””Galit,” “Naniwala Ako,” at mga tulang inilathala sa Sakdal. Sa ika-anim na kaarawan ng pahayagang nabanggit, ipinagdiwang niya “Ang Guro ng Lahi.” Talinghagang ginamit ang “inang nagtuturo sa anak na mahal” ng “gintong kaisipan” upang di mapaglalangan ng”mapagkunwaring pinunong tulisan.” Natanaw ng mamamahayag ang tagumpay, ang “bukang-liwaywa…kapag narinig na ang putok ng bulkan/ iya’y hudyat nitong ating Kasarinlan!”  Kaagapay ang kalikasan sa mobilisasyon ng sambayanan.
Patuloy ang tagisan ng lungsod (balwarte ng kolonyalismong kapital) at kanayunan (pagtutulungan ng mga kasama). Pambansang demokrasya pa rin ang mithiing pumapatnubay sa imahinasyon.  Maari pang isandata ang tradisyonal na mito, alamat, awiting-bayan, ritwal. Kasabwat pa rin ang kalikasan ng makata’t sambayanan, hindi pa nabubulid sa alyenasyon at reipikasyon sa pabrika’t burokrasya. Sumisingit pa rin sa puwang ng palabiro’t mapang-uyam na banat sa ipokrisya ng mala-burgesyang sosyedad ang malambing o malamyos na tinig sa “Pagkakaiba,” “Ang Payo,” “Huwag Kang Lumuha,” at sa matimping pamimighati sa “Walang Hanggan.” Ang malungkutin at malambing na salamisim ay nagkaroon ng publikong ambil at intonasyon.
Marahil bunga ito ng praktika sa balagtasan, duplo, karagatan, at iba pang maligayang pagdiriwang. Makalipunang dalumat at sensibilidad ang namamayani sa kulturang katutubo. Matutukoy na ito’y testigo sa naimungkahi kong alegoryang pambansa ang naisakatuparan ng panulat ni Ramos. Patunay ito sa talinghagang pangmadla na ipinanukalang lente para sa panitik ng mga inalipin at sinakop, sa binitawang proposisyon ni Fredric Jameson: “Third-world texts, even those which are seemingly private and invested with a properly libidinal dynamic—necessarily project a political dimension in the form of national allegory: the story of the private individual destiny is always an allegory of the embattled situation of the public third-world culture and society” (2000, 320).  Samakatwid, di man tangka o akala, laging kasapakat at karamay ang manunulat/intelektuwal sa makabayang pakikibaka para sa kalayaan at kaunlaran. Nagbubuhat ang kaakuhan o kasiyaan ng indibidwal, ang partikular na halaga, mula sa pusod ng ugnayang panlipunan, pakikipagtulungang unibersal.
Hindi maitatatwa na kasangkot ang sining sa digmaan ng mga uri’t bansa sa lipunang sinakop. Dito sandaling maisusulit ang problema ng paghingi ng tulong sa Hapon ni Ramos simula pa nang itatag niya ang partidong Sakdalista. Kabalikat si Ramos ng nasyonaistikong pagsisikap na sinimulan ng Katipunan at ipinagpatuloy nina Isabelo de los Reyes, Lope K. Santos, Crisanto Evangelista, at Pedro Abad Santos sa bandila ng kasarinlan at sosyalismo (Saulo 1969; Fegan 2000) . Lumaban siya sa kolonyalismong Amerikano at oligarkong alipores nito, ang liderato nina Quezon, Osmena at Roxas. Liberasyon ng bansang Pilipinas ang adhika ni Ramos, katubusan ng masang manggagawa’t magbubukid ang pumatnubay sa kanya bilang tao at manlilikha. Sa gayon, hindi siya traydor kundi bayani ng lahi.
Bago ko wakasan ang panimulang saliksik na ito, nais kong sipiin dito ang isang tulang itinuring na modelo  ng “Kung Tuyo na ang Luha mo, Aking Bayan” ni Amado V. Hernandez. Iyon ang tulang “Huwag Kang Lumuha” ni Ramos na lumabas noong 1929-30, sa panahong naging biktima siya ng aristokratikong administrasyon ni Quezon.  Subalit ang hantungan nito ay hindi tahimik na pagtitiis tulad ng mga hibik at hikbi sa mga kundiman. Ang tunguhin ay isang babala, banta ng paghihiganti. Maitanong pa: anong aral ang mahuhugot dito bukod sa batas ng pagbabago, kabaligtaran, balighong galaw ng mundo? Masdan ang diyalektikang agos ng pangungulila’t pakikipagtulungan, indibidwalismo’t pakikibahagi—ang tagisan ng sakim na mananakop at mapag-arugang anakpawis, ng proletaryo’t kapital. Paradigmatikong estilo ni Ramos ang nakalarawan dito:

Di mo ba nakitang nang ikaw’y matuwa
ang lahat ng tao’y natuwa ring pawa?
Di mo ba nakitang nang ikaw’y lumuha
wala isa mang lumuha’t naawa?

Ang mundo ay talagang ganito kailanman
mabuti sa lugod, ilag sa may lumbay;
habang nagwawagi ay magkaibigan,
habang nalalagpak ay binabayaan.

Habang mayaman ka’y Diyos ka ng lahat,
habang nasa p’westo’y pagkasarap-sarap;
ngunit sa sandaling ikaw ay mabagsak
pati kawani mo’y di na mahagilap!

Kaya ang mabuti habang may tagumpay
magpakasawa ka sa kaligayahan,
patawarin mo na ang sangkatauhan,
sabugan ng tuwa ang nangalulumbay.

At pagdumating na ang araw ng lungkot,
pag ikaw’y lumagpak sa dati mong tayog, 
huwag kang lumuha, kunin mo ang gulok
at patayin mo na ang buong sinukob. (1998, 181)


Paglalagom:  Transisyonal na Gahum

Batay sa katibayan ng kanyang panulaan, hindi bumaligtad si Ramos sa kanyang panatang isatinig ang budhi’t damdamin ng madla. Hinagap niyang siya’y wasto sa kanyang pagpapasiyang magpatuloy sa kanyang naumpisahan. Hindi niya ipinagkanulo ang esensiya ng kanyang pananalig sa kolektibong kapakanan ng masa, hindi niya tinalikuran ang pangarap na tubusin ang inang bayan sa pagkasadlak. Tulad nina Laurel, Recto at iba pang nasyonastikong liderato ng Komonwelt, sumunod siya sa pansamantalang taktikang pakikitungo sa Hapon sa panahon ng digmaan na diumano’y may pahiwatig na pagsang-ayon ni Quezon (Steinberg 1967). Hindi niya lubos na naintindihan na ang pasista-militaristang nasyonalismo ng Hapon ay hindi katugma sa mapagpalayang prinsipyo ng rebolusyong Pranses, o maski na ang pilosopiya ni Sun Yat-sen sa isang tula niyang may epigraph: “Christ died to make men holy / Let us die to make men free” (1998, 85). Nadala siya ng propaganda ng “Co-Prosperity Sphere,” ng himok na ipailalaim ang identidad  na partikular ng Pilipino sa Asyatikong unibersalidad.  
Maraming kababayan ang sumasamba sa unibersalidad ng globalisasyon ngayon, isang pagkakamaling hindi naiwasan ni Ramos. Maikakabit sa kaso ni Ramos ang taludtod na ito mula sa tulang “Dili-dili”: “Magandang lalaki: Kung nagtaksil ka ma’y di rin nagmamaliw / ng gawang pag-ibig ang pinagtaksilang bayang maramdamin” (1998,50).  Bukas na suliraning pampulitika pa ito hanggang ngayon na dapat talakayin sa isang historiko-materyalismong paraan. Kung hindi, marahil alimura’t kaululan lamang ang mapapala. Sa kalakarang konsensus sa kritika, walang pag-aalinlangang si Benigno Ramos ay “poeta revolucionario.” Isa siya sa mga magiting na mandirigmang makabayan na naghandog ng matalim, mapangahas at maalindog na sandatang mailalapat sa proyektong hanggang ngayon ay ating ipinaglalaban sa siglo ng terorismog digmaan: ganap na kasarinlan ng Pilipinas, hustisyang panlipunan, demokrasyang pambansa, dignidad ng bawat mamamayan, mapagkalingang pakikitungo sa kalikasan, at masaganang kinabukasan sa sangkatauhan. ##

SANGGUNIAN

Abueg, Efren.  1973.  Parnasong Tagalog ni A.G.Abadilla.  Manila: MCS Enterprises Inc.
Agoncillo, Teodoro. 1965.  The Fateful Years: Japan’s Adventure in the Philippines 1941-45.  Quezon City: R.P. Publishing Inc.
—— and Milagros Guerrero.  1970.  History of the Filipino People Quezon City: R.P. Garcia Publishing Co.
Allen, Jsmes S.  1993.  The Philippine Left on the Eve of World War II.  Minneapolis, MN: MEP.
Almario, Virgilio.  1984. Balagtasismo Versus Modernismo.  Quexon City: Ateneo de Manila University Press.
——-.  1985.  Taludtod at Talinghaga. Ed. Romulo Sandoval. Quezon City: Aklat Balagtasyana.
——.  2006.  Pag-unawa sa ating Pagtula.  Manila: Anvil Publishing Co.
Angeles, Epifania, Narciso Matienzo, & Jose Villa Panganiban.  1972.  Panulaang Tagalog.  San Juan: Limbagang Pilipino.
Balibar, Etienne & Pierre Macherey.  1996.  “On Literature as an Ideological Form.”  Nasa sa Marxist Literary Theory, edited by Terry Eagleton and Drew Milne.   Oxford,UK: Blackwell.
Balmaceda, Julian Cruz.  2013.  “Ang Tatlong Panahon ng Tulang Tagalog.”  Nasa sa Mga Lektura ng Kasaysayan ng Panitikan. Ed. Galileo Zafra.  Manila: Komisyon sa Wikang Filipino.
Caudwell, Christopher.  1937.  Illusion and Reality.  New York: International Publishers.
Constantino, Renato.  1975.  The Philippines: A Past Revisited.  Quezon City: Tala Publishing Services.
EILER (Ecumenical Institute for Labor and Research).  1982.  Manggagawa: Noon at Ngayon.  MetroManila, Philippines: EILER.
Fegan, Brian. 2000.  “Dionisio Macapagal: A Rebel Matures.”  Nasa sa Lives at the Margin. Ed. Alfred McCoy.  Madison: Center for Southeast Asian Studies.
Fischer, Ernst.  1963.  The Necessity of Art.  Baltimore, MD: Penguin Books.
Goodman, Grant K.  1967.  Four Aspects of Philippine-Japanese Relations 1930-40.  New Haven: Yale University Press.
Guerrero, Amado.  1971.  Lipunan at Rebolusyong Pilipino.  Maynila, Pilipinas: Lathalaang Pulang Tala.
Jameson, Fredric.  1971.  Marxism and Form. Princeton, NJ: Princeton University Press.
——-.  2000.  “Third-world Literature in the Era of Multinational Capitalism.”  In The Jameson Reader.  Ed. Michael Hardt and Kathi Weeks.  Oxford: Blackwell.
Labor Research Association.  1958.  U.S and the Philippines.  New York: International Publishers.
Lachica, Eduardo.  1971.  Huk: Philippine Agrarian Society in Revolt.  Manila: Solidaridad.
Lifshitz, Mikhail.  1973.  The Philosophy of Art of Karl Marx.  London: Pluto Press.
Lumbera, Bienvenido. 1967.  “The Literary Relations of Tagalog Literature.”  Nasa sa Brown Heritage.  Ed. Antonio Manuud.  Quezon City: Ateneo de Manila University Press.
—— & Cynthia Nograles-Lumbera.  1982. Philippine Literature: A History and Anthology.  Manila: National Bookstore.
Maceda, Teresita.  1993.  “Imahen ng Inang Bayan sa Kundiman ng Himagsikan.” Nasa sa Ulat sa Ikatlong Pambansang Kumperensya sa Sentenaryo ng Rebolusyong 1896. Baguio City: Unibersidad ng Pilipinas Kolehiyo sa Baguio at Benguet State University.
Marx, Karl and Friedrich Engels.  1968.  “Theses on Feuerbach.” Selected Works New York: International Publishers.
——-.  1973.  Marx and Engels on Literature and Art.  Ed. Lee Baxandall and Stefan Morawski.  St Louis/ Milwaukee: Telos Press.
Panganiban, Jose Villa and Consuelo Torres-Panganiban.  1954.  Panitikan ng Pilipinas.  Quezon City: Bede’s Publishing House.
Pomeroy, William J.  1970. American Neo-Colonialism.  New York: International Publishers.  
Ramos, Benigno.  1998.  Gumising Ka, Aking Bayan!  Quezon City: Ateneo University Press.
Raphael, Max.  1980.  Proudhon  Marx  Picasso.  New Jersey: Humanities Press.
Regalado, Inigo.  2013.  “Ang Panulaang Tagalog.”  Nasa sa Mga Lektura sa Kaysaysayan ng Panitikan.  Manila: Komisyon ng Wikang Fillipino.
Richardson, Jim.  2011.  Komunista. Quezon City: Ateneo de Manils University Press.
Saulo Alfredo B.  1969.  Communism in the Philippines: An Introduction.  Quezon City: Ateneo Publications Office.
Santos, Lope K.  1996.  “Mga Katangian ng Tulang Tagalog.”  Nasa sa Poetikang Tagalog, pinagmatnugutan ni Virgilio Almario.  Quezon City: Sentro ng Wikang Pilipino.
Scott, William Henry.  1992.  The Union Obrera Democratica: First Filipino Labor Union.  Quezon City:  New Day Publishers.
Steinberg, David Joel.  1967.  Philippine Collaboration in World War II.  Ann Arbor: University of Michigan Press.
Sturtevant, David.  1976.  Popular Uprisings in the Philippines, 1840-1940.  Ithaca: Cornell University Press.
Taylor, George E.  1964.  The Philippines and the United States: Problems of Partnership.  New York:  Frederick Praeger.
Terami-Wada, Motoe.  1988.  “Benigno Ramos and the Sakdal  Movement.”  Philippine Studies 36: 427-42.
Thomson, George.  1946.  Marxism and Poetry.  New York: International Publishers.
——-.  1974.  The Human Essence.  London: China Policy Study Group
Tolentino, Delfin Jr.  1998.  “Paunang Salita.”  Gumising Ka, Aking Bayan! ni Benigno Ramos.  Quezon City: Ateneo University Press.
Torres-Yu, Rosario.  2011.  Alinagnag.  Manila: University of Santo Tomas Press.


###