Saturday, November 21, 2015
Sunday, November 1, 2015
WALA-- mga bagong tula ni E. SAN JUAN, Jr.
WALA
Akda & tula ni E. SAN JUAN, Jr.
MGA NILALAMAN
Wala
Ang Baliti sa Bundok
Bugtongang Erotika
Kumpisal
Pasumalang Tadhana
Ang Pasaherong Salamander
Lambat ng Bahag-hari
Dating
Bitag
Niyari
Umang
Tahimik
Binurang Borador
Senyas ng Panahon (1)
Pakana
Bitin
Dekonstruksiyon
Pagbubulay-bulay ni Felix Razon
Linlang
Transkripsiyon ng Testimonyo
Hiwaga
Senyas ng Panahon (2)
Hula
Walang Pamagat na mga Pahayag
Kababalaghan
Balitang Pinoy
Balada ni Harry Stonehill
Patibong
Umaga sa Durungawan
Mga Tatak ng Daliri ni Marwan
Trahedya/Komedyang Moro-Moro sa Mamasapano
Juramentado
Impresyon sa Isang Diktador
Kung Paano Kumain ng Neo-konseptuwalistang Pinakbet
Ang Panulaan ay Isang Mapangwasak na Lakas
Taglagas
Sino ang Kapwa Ko?
Tula
Ultimo Adios Dinistila
Demonstrasyon Para kay Kasamang Stalin
Ni-Ready-made si Marcel Duchamp ng Taga-saling Google
Sa Aking Sarili
Balikbayang Babaylan /Mater Dolorosa Konsumerista
Sa Mga Maninipil na Tadhana
Nasulyapang Karatula
Pag-asa
Tungkol sa Awtor
WALA
Wala: laot, pagiging malayo
Wala: di-dumating, liban, di-nagtataglay ng anuman, ala
Wala: kaliwa, kaliwete
Wala: walang-wala, dahop, naghihirap, paos
Wala: liban, di dumalo, hindi umiiral, hindi taglay, tsero, malayo
Wala: nakawala, naka-alpas, nakatakas
Wala: Nawala, di nakita, naglaho, nawawaglit
Wala: kahirapan, kakulangan, kadahupan, karukhaan
Wala: hindi makita o matagpuan
Wala: nakatakas, nakatanan, nakaalpas, nakahulagpos, nakakalag
Wala: naglaho, nawaglit, di-makita, naparam
Walawala: pagkukunwari na di-pansin, paglilibang sa tumatanaw upang makatalilis nang hindi napapansin
Walang-bisa Walang-habas
Walang-hanggan Walanghiya Walang-humpay
Walang-muwang
Walang-wala
Nawala
ANG BALITI SA BUNDOK
(Halaw mula sa Ivatan)
Lumaki't lumago ang baliti sa bundok
Nang magkasanga'y nauga't di-kusang nabali
Bumagsak nang ako'y sumilong sa ulilang burol
Nakakubling walang kapiling o katulong
Di ko matanaw di ko masilip ang mga barko sa dagat....
Umaantak sa damdamin
tumatagos sa hapdi
Along umuungol
rumaragasang agos
Umaalimbukay sa dibdib--
lumubog-lumutang
Dumarating na kay bigat
Ay anong saklap
Ay kay hapdi
` Oy walang kasimpait!
BUGTONGANG EROTIKA
Munting tampipi, puno ng salapi.
Malalim kung bawasan, mababaw kung dagdagan.
Baboy ko sa Marungko, balahibo ay pako.
Baka ko sa palupandan, unga'y nakararating kung saan.
Baston ni Adan, hindi mabilang-bilang.
Tungkod ni Kurdapyo, hindi mahipo-hipo.
Tumakbo si Tarzan, bumuka ang daan.
Buka kung hapon, kung umaga ay lulon.
Isang matinik na tampipi, asim-tamis ang pinagsama
sa maputing laman niya.
Malayo pa ang sibat, nganga na ang sugat.
Baka ko sa Maynila, abot diyan ang unga.
Bumubuka'y walang bibig, ngumingiti nang tahimik.
Naupo si Itim, sinulot ni Pula; heto na si Puti, bubuga-buga.
Iisa ang pinasukan, tatlo ang nilabasan.
Baboy ko sa Sorsogon, kung di sakya'y di lalamon.
Urong-sulong panay ang lamon, urong-sulong lumalamon.
Sa isang kalabit, may buhay na kapalit.
Pumutok ay di narinig, tumama'y di nakasakit.
Baboy ko sa kaingin, nataba'y walang pagkain.
Habang iyong kinakain, lalo kang gugutumin.
KUMPISAL
PASUMALANG TADHANA
Nag-uulik-ulik kung aling huwego
ng pagkakataon ang sasalihan....
Urong-sulong kaipala
ang nabiting pukol ng dais sa entablado....
Nagbabaka-sakaling matakpan
ang butas ng hula sa sinapupunan....
Nag-aapuhap pang makahagilap
ng suwerteng nag-ulap sa kapalarang malas....
Patsansing-tsansing lang di sigurado
nag-aatubili sa pagpili baka madaya....
Nag-aalanganing bulag na balato'y
pagkabigo sa larong di sukat paghinalaan...
Bantulot sa hinuhang duda
kung ano talaga ang kahihinatnan ng timbangan....
Di sinasadyang bitin ang sugal
kung hindi sadyang sasamantalahin,,,,
Nagkataon nga lamang itinaya ka
sa bituka ng madugong biruang walang bulagaw.....
ANG PASAHERONG SALAMANDER
"....don't know what I want, but I know how to get it...."
--SEX PISTOLS
Habang naglalakbay patungong Isla Ambil, karatig ng baybaying Batangas
at Mindoro Oksidental, malapit sa isla Lubang--
(2,000 hektarya, ipinagbibili ngayon sa halagang P839,300.760),
napatakan ng tae ng ibong Adarna sa dalampasigan, nagtanong:
"Nang nagugutom ako,
pinakain mo ba ako? "
"Nang nasa bilanggo,
dinalaw mo ba ako?"
Kipil ang hinagap, naisip ng ipinatapong taga-Samaritan:
"Kapag may karayagan, may kabaligtaran-
lumalaon, bumubuti;
Sumasama kapag dati"---
Samakatwid, kung may utang, mabait;
sa pagsingil, anong galit;
tago muna habang hinahanap,
liko pagsalubong,
ayos, ocho derecho---"
Salamangkero, kailan mo ibaba ang tabing
upang mabunyag ang iyong lihim?
LAMBAT NG BAHAG-HARI: Katumbalikan sa Teorya & Praktika
1. PAIN
Anak na di paluhain, ina't asawa ang patatangisin--
Walang ligaya sa lupa na di dinilig ng balde-baldeng luha--
Dagat binubuo ng patak ng tubig, bundok ng buto't bungong maliliit--
Maliit man daw ang sili may anghang na angking sarili--
Malaki man at buhanghang, daig ang munting aring siksikan--
Munti ma't matindi, daig ang nagmamalaki--
Mababaw man ang sugat, malalim ang ugat ng gurlis at pilat--
Sugat na inilihim at tinakpan, gumaling ma'y balantukan--
Kung minsan ang awa ay nagiging iwa, pasaling ma'y humihiwa--
Nasa tuldik ang awa, nasa lumagda ang gawa, siya nawa--
2. LANSI
Hindi lahat ng batid o wani kailangang ipagsulit---
Walang humawak ng kalan o nanghimasok sa luto na di naulingan.
Bawat palayok daw ay may kasukat na suklob, isinukat na tungtong.
Sumala ang sandok sa palayok, gusing lihim ang nadukot.
Sala sa lamig, sala sa init, sa pagmumura nagkasala'y nahuhuli--
Walang masamang kanya, walang mabuti sa iba, pag-aayaw-ayawin pa ba?
Batong-buhay ka man na sakdal tigas, unti-unting patak ng dura
tuloy maaagnas--
Biyayang apoy at habagat, batuta man ay pinalalambot.
Humahabol ay nahuli sa unang humarurot sa pagsisisi.
Walang unang sisi sa huling pangyayari, mayroon sa unang pagkawili.
Bakit ka pa magsisisi, gayong napariwara't di na makangisi.
3. SILO
Kung mayroong itinanim, tila hindi tiyak na may aanihin--
Kapag may isinuksok sa dingding, kailangan pa bang tingalain?
Kung hangin ang itinanim, baka tsunami ang aanihin--
Hanging pabula-bulangit, sandaling sakdal tuwid, kadalasa'y pilipit--
Nagkamali ang hilot sa isinuksok, ay naku! sa puwit nadukot--
Ang sukli ng isang nasa kamao, higit sa ipinangakong dalawa o tatlo--
Iba na ang isang hawak sa palad kaysa sandamakmak na lumilipad--
Walang mailap na baboy-ramo sa matiyagang patay-gutom--
Iba ang pugong huli na kumpara sa sungayang dadakpin pa--
Walang umani ng tuwa na di sa hinagpis naipunla--
Kung hiwaga ang itinanim, baka himala't masungit na aswang ang anihin--
4. DAYA
Kapag iniamba dapat na itaga, kapag itinaga, maipatataga--
Ang anumang gawin, makapito mong isipin kung di ka pa nabigti--
Kung magagawa at di gawin, di na magagawa kahiman ibigin--
Tikatik man kung panay ang ulan, nakapinid na pilik-mata'y mapapaapaw--
Anumang gawang dinali-dali, malimit mangyari'y di mayayari't tuloy lugi--
Hanap lamang ay hamog, putragis, buong katawan sa tubig naanod-
Kung di makipagsapalaran, di makatatawid sa magkaibayong karagatan--
Kaya maligo ka sa linaw, kahit duling o bulag, sa labo magbanlaw--
Malabis na pag-asa, laging pangangarap, dalamhati ang ibubunga.
Kung ang hirap ay masasal na, bisperas na kaya ng ginhawa?
DATING
"Sufficient unto the day is the evil thereof"
Darating ang takdang araw sa dulo ng tulay
Dati rin ang pagdating
Tumatawid sa tulay na dapat tawirin ng nagdatingan
Dumating na ba?
Tumatawid na sa dating lugar
Dumarating ang itinadhanang oras
Lahat ay lumilipas
Pagdating ng itinakdang sandali
Darating pa
Magpasiya ka kung di pa batid ang datingan
Dumarating na
....habang tumatawid ng tulay lumilipas
Dumating na ba
Nadatnan sa gitna ng landas ng nakalipas
Sinong dinatingan
Nabitin sa dating daan
Baka hindi na makarating....
paratingin na lamang....
BITAG
Kung saan masikip, doon nagpipilit.
Isang butil ng palay sakop ang buong bahay.
Kung gabi ay hinog, kung araw ay hilaw.
Nagbibihis araw-araw, nag-iiba ang pangalan.
Sa araw ay nakahimbing, sa gabi ay gising.
Lumuluha walang mata, lumalakad walang paa.
Kulay rosas ang pulseras ng reyna, pumuputok walang bala.
Walang ngipin, walang panga, mainit ang hininga.
Kung bayaan ay nabubuhay, kung himasin ay namamatay.
Kung ako'y mamamatay, pilit siyang madaramay.
May katawa'y walang mukha, walang mata'y lumuluha.
Kung kailan pinatay, saka humaba ang buhay.
Kung bayaan ay nabubuhay, kung himasin ay namamatay.
Kung kailan pa ako pinatay, saka nagtagal ang buhay.
Iisa na kinuha pa, ang natira ay dalawa.
Kapag ako'y minsang pinatay, buhay kong ingat lalong magtatagal.
Apat na kapapang kumot, di matakpan ang tuhod.
Isang butil ng trigo pinapagsikip ang buong mundo.
NIYARI
BINALANGKAS NILIKHA
SA TULONG NG ANUMANG NAIWAN
KAPURIT KAUNTI LAMANG
NAMAGITAN
HANGGANG MABUO ANG HUGIS
ANYO
KUWADRO NG IDEYA
BAGAMAT IKINULONG
UMALPAS
UMIGPAW
UMAPAW
UMANG
Maputing dalaga nagtatalik sa lila.
Isang reynang maraming mata, nasa gitna ng mga espada.
Balahibong binalot ng balat, balahibong bumalot sa balat.
Pagsipot sa maliwanag, kulubot na ang balat.
Tubig na binalot sa papel, papel na binalot sa bato
batong binalot sa balahibo.
Kawangis ay palu-palo, libot na libot ng ginto.
Nang wala ang ginto ay doon nagpalalo,
Nang magkagintu-ginto, doon na nga sumuko.
Gintong binalot sa pilak, pilak na binalot sa balat.
Tinakpan bago minulatan.
Itinapon ang laman, balat ang pinagyaman.
Abot na ng kamay, ipinagawa pa sa tulay.
Binalangkas ko't binalutan, saka ibinilad sa araw.
Kinalag ang balangkas, sumayaw nang ilagpak.
TAHIMIK
Payapang lugar walang tili bulahaw hiyaw kulog dagundong
Tahimik
Walang tinig taghoy halinghing sigaw saklolo tahol tugtog palakpak iyak
Walang bigkas atungal palahaw tanguyngoy usap ngalngal tagulaylay
Walang ingay ungol haginghing himutok irit hibik hagulgol angil
Payapa
Walang hikbi daldal haluyhoy lagaslas alingawngaw saklolo
Walang huni sipol pagaspas lawiswis halakhak agas-as
Walang siyap sutsot bulong alatiit kuliling kaluskos paswit
Tahimik
Piping lahat--ngunit bakit may kumakatok humihingi ng saklolo
ugong sa sulok
anasan sa butas
ng bungo ...psssssst---
BINURANG BORADOR
SENYAS NG PANAHON (1) : Balitang Pinoy (GMA News 11/23/2014)
Lalaking bibisita sa mga magulang, inagawan ng kotse at pinatay pa sa QC
Mommy Dionisia, agaw-eksena sa weigh-in nina Pacquiao at Algieri
Pagpatay sa vice-mayor ng Villaba, Leyte, di pa rin malinaw ang motibo
Suspek sa pagkapatay sa mag-ina sa Pampanga, kakilala ng mga biktima
Ginang at 9 anyos na anak, pinagnakawan at pinatay, sanggol na itinatago sa ilalim ng kama ligtas
Guro, inireklamo dahil sa pagbugbog at pagsampal daw ng kanyang grade 2 pupils
Babaeng pinagpakitaan daw ni Virgin Mary sa panaginip, nakagaggamot ng sakit
7 katao huli sa anti-drug operation sa Iloilo, 2 sa mga nadakip babae
Burol, pinasabugan sa Bacolod City, tatlong nakikipaglamay, sugatan
1 patay, 4 sugatan sa pagsabog ng oxygen tank sa Cebu
Paaralan nabulabog dahil sa bomb threat na kumalat sa text
Nanay na naalimpungatan, naihagis ang sanggol na anak at bumagsak sa sahig
Lalaking tumakas sa Bilibid, nadakip sa Camarines Sur pagkaraan ng 14 na taon
Sa loob ng isang araw, magkapatid na 12 at 10 anyos magkasunod na ginahasa ng 1 lalaki
4 miyembro ng pamilya, hinihinalang nalason sa kinaing patani at kamoteng kahoy
Babae, huli pagkatapos magbenta ng bahay at lupa na hindi naman sa kanya
2 teenagers na nakaistambay sa tindahan, patay sa pamamaril sa CDO
Sino ang national artist na gumuhit ng "Markang Demonyo" ng Ginebra?
PAKANA
Nagpiging ang bayan, iisa ang hugasan.
Tubig na pinagpala, walang makakakuha kundi bata.
Nang bata ay nakasaya, naghubo nang maging dalaga.
Nang maliit pa'y nakabaro, nang lumaki'y naghubo.
Tatlong magkakapatid, sing-iitim ang dibdib.
Magkakapatid na prinsesa, lahat nama'y pawang negra.
Maitim na parang alkitran, pumuputi kahit di labhan.
Nagbibigay na, sinasakal pa.
Isang balong malalim, punong-puno ng patalim.
Tubig sa ining-ining, di mahipan ng hangin.
Dalawa kong kahon, buksan walang ugong.
Sa buhatan ay may silbi, sa igiban walang sinabi.
Dumaan ang hari, nagkagatan ang mga pari.
Hindi pari, hindi hari, nagdadamit ng sari-sari.
May binti walang hita, may tuktok walang mukha.
Sumususo ang anak habang lumilipad.
BITIN
Sandaling tumagilid ang ulap sakay ang manlalakbay
naudlot nagimbal nangalisag--
Babalang pumatnubay: "May reklamo ka ba?"
Bukas makalawa sa pagtila ng ulan.... Hintay!
lumiligwak ang panganorin
nangangalisag sa himpapawid
Buhawi ng along bingi sa taghoy ng saklolo-- Hintay!
tila biro lamang bangungot sa panaginip
Bago tumaob nahulog ang himutok na umagting at pumailanlang
Hintay pa? wangis mumong pinagpag sa sinapupunan
lumundo't lumawit bumugso't pumulandit
Nahihinog lahat sa pananabik....
DEKONSTRUKSIYON
Apat katao, iisa ang sombrero; paa'y apat, hindi makalakad.
Ang bahay ni Pedrito, walang pinto, puro kuwarto.
Mayroon pitong bentanilya, tatlo lamang ang naisasara.
Isang bahay na bato, ang takip ay bilao.
Isang bakuran, sari-sari ang nagdaraan.
Kakalat-kalat, natitisod-tisod; kapagka tinipon, matibay na moog.
Nagbahay ang marunong, nasa ilalim ang bubong.
Limang magkakapatid, tig-iisa ang silid.
Bahay ni Santa Maria, naiinog ng sandata.
May bintana, walang bubungan; may pinto, walang hagdanan.
Bahay ni Ka Huli, haligi ay bali-bali, ang bubong ay kawali.
Bahay ng anluwagi, iisa ang haligi.
Maliit na bahay, puno ng mga patay.
Sarado roon, sarado rito; sarado hanggang dulo.
PAGBUBULAY-BULAY NI FELIX RAZON, SANDALING
NAKAHIMPIL SA ISLA NG KONDE DE MONTE CRISTO
Sukdulang init sa hapong ito, lubhang maalinsangan....
Gayumang amuking managinip ng bagyong malayo pa
Dilim ang malapit nang lumapag tinutuksong lumipad
Kapiling mo, magkayapos, pumapailanlang sa buwan.
Hinihimok ng nagliliyab na bagwis ng takip-silim
Na managinip ng ulang bumuhos sa islang abot-tanaw
Gabi'y lumalatag na't gumigising ang panaginip
Na magkatalik tayong pumapaimbulog tungo sa buwan.
Mabagsik na apoy ang dumarang sa maghapong ito
Hibong sumulak sa panaginip ng sigwang wala pang senyal
Gabing mailap na bumabangon, umaali-aligid, gumagapang
Sabik sa paglukso natin halos abot ang buwang nakabitin....
Umiimbay sa maghapong nabuntis ng buhawi ng guniguni.
LINLANG
May kawalang lumilipad, nakawalang kumikislap.
Bumbong kung maliwanag, kung gabi ay dagat.
Isda sa Kilaw-kilaw, di mahuli't may pataw.
Munting hayop na pangahas, aaligid-aligid sa ningas.
Hayan na, hayan na, hindi mo nakikita, buto't balat lumilipad.
Walang pakpak, mabilis lumipad.
Hawakan mo ang buntot ko, sisisid ako.
Munting tiririt, may baga sa puwit.
Ang ibabaw ay tawiran, ang ilalim ay lusutan.
Tubig na sakdal linaw, nadadala sa kamay.
Nakaluluto nang walang init, umaaso'y malamig.
Sa init ay sumasaya, sa lamig ay nalalanta.
Di man isda, di man itik, nakahuhuni kung ibig.
Maliit pa si Kumare, marunong nang humuni.
Nang munti pa'y may buntot, paglaki ay punggok.
Hanggang leeg kung mababaw, kung malalim hanggang baywang.
Nang umalis lumilipad, nang dumating umuusad.
Itinanim sa kinagabihan, inani sa kinaumagahan.
TRANSKRIPSIYON NG TESTIMONYO
MAGPAPATULOY BA KAYO SA KARANIWANG GINAGAWA NINYO KUNG ALAM NINYO ANG MGA NANGYARI'T NANGYAYARI SA MGA SAFEHOUSE AT KAMPO MILITAR-PULIS NG REHIMENG MAPAGSAMANTALA?
Bahagi ng Pagtestigo ni RAYMOND MANALO
Noong Pebrero 14, 2006, sa pagitan ng alas dose ng tanghali at ala una ng hapon, sa aming bahay habang ako ay natutulog, ako ay ginising ng ingay at suntok sa aking tiyan gamit ang baril ng mga di kilalang tao....
Ang sabi ng mga nakasibilyang kalalakihan na armado rin ng de kalibreng mga baril na "salot" daw kami at mga New People's Army (NPA) daw kami...
Dalawang beses inihinto ang sasakyan bago kami ibinaba sa isang lugar na hindi ko alam kung saan.
Nang makababa ay ipinasok kami sa kwarto at doon muling sinaktan at binugbog: hinampas kami ng dos por kwatro sa puwitan at sa hita, binuhusan ng tubig sa bibig at ilong, sinuntok sa dibdib at tiyan, pinalo ng kadena sa likod.
...Nang sumunod na araw, biglang may pumasok sa loob ng kwarto, bigla na lamang akong tinadyakan at sinuntok sa dibdib, buhay pa pala kayo, dapat sa inyo ay pinapatay, ang sabi.
Binuhusan ako ng ihi sa mukha, pinaso ang aking hita at braso ng nagbabagang kahoy sabay buhos naman ng mainit na tubig sa ulo ko na sinundan ng pagbuhos ng malamig na tubig--napahiyaw ako.
Muli akong pinaso ng nagbabagang lata sa kanang likod at pinukpok ng baril sa noo. Nagdugo ito at nahilo ako....
Bago ako pumunta sa kusina, napatingin ako sa kalapit na kwarto at dito nakita ko ang hubad na katawan ni Sherlyn [Cadapan]: nakahiga sa upuang nakatumba, nakatali ang dalawang kamay at isang paa habang ang isang paa nama'y nakalambitin.
Nakita ko na pinaghahampas ng kahoy si Sherlyn, kinukuryente, sinusuntok, binubuhusan ng tubig sa ilong at bibig at nakita ko kung paano paglaruan ang maselang bahagi ng katawan nito--sinusundot ng kahoy ang maselang bahagi ng katawan.
Habang ginagawa nila ito kay Sherlyn ay pinapanood ito ng asawa ni Donald Caigas na nakilala ko sa pangalang Elsie at ng asawang doktora ni Platino Lat.
Narinig kong pilit na pinaaamin ng mga militar si Sherlyn kung sino ang nagplanong gumawa ng 'sulat,' na sa sobrang hirap na dinanas nito ay umamin itong si Karen ang may gawa at nagplano ng sulat.
Nang marinig ito ng militar ay agad na inilabas si Karen mula sa bodega. Tinalian ang kamay at paa pagkatapos ay hinubaran ito.
Habang walang saplot sa katawan si Karen, pinagsusuntok ito, binubuhusan ng tubig sa bibig at ilong, pinapaso ng sigarilyo ang katawan at sinusundot ng kahoy ang maselang bahagi ng katawan nito.
{Sinipi mula sa PAGTATAGPO SA KABILANG DULO: PanitikangTestimonial ng Desaparecidos, Quezon City: Pamilya ng mga Desaparecidos para sa Katarungan & Amado V. Hernandez Resource Center, 2009, pahina 294-296, 306).
HIWAGA
Ako'y may tapat na irog saanman paroo'y kasunod-sunod;
Mapatubig ay di nalulunod, mapaapoy ay di nasusunog.
Mayroon akong alipin, sunod nang sunod sa akin.
Kung araw, yumao ka; kung gabi'y halika;
Sa araw ay nagtataboy, sa gabi ay nag-aampon.
Laging nakasakay ngunit di nagpapasyal.
Lumalakad ang bangka, ang piloto ay nakahiga.
Hindi hayop, hindi tao, walang gulong ay tumatakbo.
Takbo roon, takbo rito, hindi makaalis sa tayong ito.
Nang maalala'y naiwan, nadala nang malimutan.
Pasurot-surot, dala-dala ay gapos.
Dalawang magkaibigan, unahan nang unahan.
Dalawang batong itim, malayo ang nararating.
Maputing parang bulak, kalihim ko sa pagliyag.
SENYAS NG PANAHON (2) (GMA NEWS 28 Mayo 2015)
Binatilyong naliligo sa dagat, patay nang madikitan ng dikya
Babaeng nanakot para makikilan ng pera ang isang lola sa Pangasinan, arestado
5 babae na umano'y biktima ng human trafficking, nailigtas sa Kalibo airport
Lalaki, tinangay ang krus at umakyat sa bubong ng simbahan
Mag-ama, patay sa bugbog at pananaksak ng mga kabataan na umano'y adik sa solvent
Pila ng mga trak patungong Matnog port sa Sorsogon, inabot na raw ng 2 linggo
Babae, patay matapos tamaan sa leeg ng nabasag na bote ng softdrinks
WATCH: Malas na mandurukot: Bigo sa unang biktima, nahuli naman sa ikalawang tangka
Bakit tanyag si Anacleto del Rosario noong sakop ng mga Kastila ang Pilipinas?
Ano ang dapat gawin ng Pilipinas sa girian ng US at China kaugnay ng West PHL Sea?
Magnanakaw sa Iloilo City, nagpalit ng damit at tsinelas sa bahay na kanyang nilooban
Australyanong 6 na taon nang naninirahan sa Cebu, dinakip dahil sa pang- aabuso raw sa ilang dalagita
Kilabot na mandurukot na napanood sa viral video, nasakote na
Sundalo, patay sa banggaan ng motorsiklo sa Davao
Pullis na sumaklolo sa insidente ng kidnapping, napatay, dalagitang biktima nailigtas
3 anyos na babae, inabuso umano ng sariling ama sa Camarines Sur
HULA
Nakatalikod na ang prinsesa, mukha niya'y nakaharap pa.
Mukha ko'y totoong tinikin, ngunit busilak ang kalooban.
Aling mabuting litrato, kuhang-kuha sa mukha mo?
Isang panyong parisukat, kung buksa'y nakakausap.
Hindi pa natatalupan, nanganganinag na ang laman.
Binuksan ang kanyon, perdigones ang nakabaon.
Dalawang bolang sinulid, abot hanggang langit.
Kung manahi'y nagbabaging, dumudumi ng sinulid.
Binili ko nang mahal, isinabit ko lamang.
Mataas ay binitin, kaysa pinagbitinan.
Pusong bibitin-bitin, masarap kainin.
Kinain mo't naubos, nabubuo pang lubos.
WALANG PAMAGAT NA MGA PAHAYAG ni Lawrence Weiner
(Salin ng Google Translator mula sa "Untitled Statements" 1970)
1. Maaaring mabuo ang artist ng mga piraso.
2. Ang piraso ay maaaring gawa-gawa.
3. Ang piraso ay hindi kailangang maging binuo.
Bawat pagiging patas at pareho-pareho di mga layunin ng mga artist ang mga
desisyon na kalagayan ay nakasalalay sa receiver sa okasyon ng receivership.
Sinubukan at Totoo.
---Dokumentasyon ni E. San Juan, Jr.
KABABALAGHAN
Punong layu-layo, dulo'y tagpu-tagpo.
Hinila ko ang baging, nag-iingay ang matsing.
Binatak ko ang baging, bumuka ay tikin.
Aling kahoy sa gubat ang nagsasanga'y walang ugat?
May puno, walang bunga; may dahon, walang sanga.
Bawat dahong binabaksak ay araw na lumilipas.
Limang punong niyog, iisa ang matayog.
Tinaga ko sa puno, sa dulo nagdugo.
Usbong nang usbong, hindi naman nagdadahon.
Sa araw ay bumbong, sa gabi ay dahon.
Tinaga ko sa gubat, sa bahay umiyak.
Halamang di nalalanta, kahit natabas na.
Bunga na, namunga pa.
BALITANG PINOY: Mga Bakas ng Maykapal
(Saan masasaksihan ang mga kilos ng Diyos? sagot ng pilosopong Hegel,
"basahin ang mga balita sa pahayagan")
State of calamity, idineklara sa Pikit, Cotabato, dahil sa epekto ng matinding init
Princess Pacquiao, hinamon ng rematch si Mayweather para sa ama
P'Noy, kinastigo ang gumagawa ng kanyang talumpati
Mga bangkay, nakita sa ikalawang palapag ng nasunog na gusali sa Valenzuela City
Makukulay na kalabaw, ipinarada sa kapistahan sa Ilocos Norte
Nasa 200 pamilya, nawalan ng tirahan sa sunog na naganap sa Iligan City
Mainit na panahon, sinasamantala ng mga gumagawa ng palayok
Mag-asawang Chinese na munti malunod sa Boracay, iniligtas ng Coast Guard
Alis-kuto operation, isinagawa sa ilang barangay sa Guinobatan, Albay
Pacquiao, dapat na bang magretiro sa boxing?
Alert level 1, itinaas na sa bulkang Bulusan sa Sorsogon
Ihi, dumi ng tao at asido, umulan sa demolisyon sa QC
2 lalaki, nalunod sa ilog; 1 sa mga biktima, nakasagip muna ng nalulunod na bata
Babae, huli matapos tangkang magpuslit daw ng shabu sa kulungan
Itlog ng manok, apektado na ng mainit na panahon
Batang naglalaro, patay matapos mabagsakan ng bunga ng niyog
BALADA NI HARRY STONEHILL
(isinulat sa dingding ng kubeta bago nag-martial law ang sumusunod)
"Dilihensiya pa rin! Itong mga Pinoy ba'y mag-iiba?
Itaga mo sa pader, Apo, pagkat di tayo talo--
GI lamang ako ngunit mula sa ilang puslit na K-rations
Isang empire ng korporasyon at mga kerida ang naipundar ko--
Sa aking listahan magkasiping ang obispo't senador
At labor lider na kasabwat sa asukal kopra't tabako--
Demokrasya'y magaling kung Kano'y amo--Mabuhay!
What are we in power for? ayon kay Senador Lagay,
Pati si Heneral Doblecara't mga peryodista'y nasa payrolll ko
Magbabago ba'ng Pinoy? Putang 'na niyo, mga huwes-puwes!
Pantay-pantay nga ang tao pero mas pantay ang may dolyar
Pagkat talagang ganyan ang buhay sa Pilipinas kong mahal...
Makismo ni Ferdie? Patigasan na lang ng titi.
Patron din ako ng arteng may dalawang pusod--
Walang bayag 'yang mga Huk, bibilhin ko sila--
Rebolusyon? Baka coup ng CIA? May porsiyento ako riyan.
Dilihensiya pa rin, Apo.. Hustisya'y bulag....tsokaran....
Walang libog 'yang mga komunistang may 'vested interests'--
Parang sugal o suhol lamang ang buhay ng Pinoy...
Hindot ninyo, mga bayarang pulis. Magkano ba kayong lahat?
Mangmang at lokong Pinoy, magsalsal na lang kayo!
Kung ako'y makababalik, OK din ako sa rebolusyon aka
"Las delicias del good time," buladas ng kumpisal, buwisit--
Pasensiya na, pare, "wat di world nids is lab lab lab...."
[Unang nalathala ang tulang ito sa DAWN, publikasyon ng mga estudyante sa University of the East noong 1962, taong idineport si Harry Stonehill ng rehimeng Macapagal. Katakut-takot na batikos at tuligsa ang tinanggap ng awtor. Ito ang sagot ko noon: "Ang ganitong karupukan ng pag-iisip at kadahupan ng imahinasyon (ng mga kritiko) ay siyang sagwil sa paglaya ng diwa mula sa reaksiyonaryo't mistikal na paniniwala upang maabot ang isang rasyonal at kritikal na kamalayan. Kulang sa "sympathetic intuition" at hindi makuhang maipalagay na isang karakter o persona ang "Harry Stonehill" na siyuang nagsasalita sa tula at may kagagawan ng diskursong nagpapahiwatig ng kanyang pagkatao. Sa gayon, ipinaratang ang "malaswang" salita sa makata, na lumikha ng piksyonal na tauhan na may pangalang "Harry Stonehill" at pumili ng sadyang salitang angkop sa konseptuwalisasyon ng tula at gayundin mabisang magpupukaw ng galit at pagkasuklam sa isang taong tulad ni Harry Stonehill. Ngunit anong kakatwang himala! Ang kaisipan ng maraming Pilipino ay nakabulid pa rin sa balon ng kolonyal na situwasyon, nakabilibid sa makitid na pangitain. Hindi maisip-isip na ang isang Amerikanong mangungulimbat ay makapagmumura laban sa Pilipino, at hindi rin makuhang tanggapin na maaaring ang makatang Pilipino ay mangahas sumikad upang isakdal ang kriminal na Amerikano sa pamamagitan ng ilusyon ng tula."]
PATIBONG
Isang reynang maraming mata, nasa gitna ng mga espada.
Nakayuko ang reyna, di malaglag ang korona.
Ang sombrero ni Bernabe sa bundok itinabi.
Maliit pa si kumpare, nakaakyat na sa tore.
Naunang umakyat, nahuli sa lahat.
Nakatindig walang paa, may tiya'y walang bituka
Naligo ang kapitan, hindi nabasa ang tiyan.
May likod walang tiyan, matulin sa karagatan.
Lumuluha'y walang mata, lumalakad walang paa.
May ulo walang tiyan, may leeg walang baywang.
Tag-ulan o tag-araw, hanggang tuhod ang salawal.
Mataas kung nakaupo, mababa kung nakatayo.
Ang ina'y gumagapang pa, ang anak ay umuupo na.
May dala, may bitbit, may sunong, may kilik.
Di matingkalang bundok, darak ay nakakamot.
Kay raming nakahiga, iilan lamang ang abot sa lupa.
Masarap na hantungan, ngunit iniiwasan ng tanan.
UMAGA SA DURUNGAWAN
(Halaw mula kay T.S. Eliot)
Kinakalampag nila ang mga platong pang-almusal sa silong sa kusina
At habang tinutunton ang niyurakang gilid ng lansangan
Alam ko ang mga basa-basang kaluluwa ng mga katulong sa bahay
Mapanglaw na bumubukad sa mga tarangkahan ng looban.
Itinataboy sa akin ng kulay-lupang alon ng lumundong ulap
Ang mga mukhang tabingi mula sa kailaliman ng lansangan;
At pumipilas mula sa nagdaraang maputik na palda
Ang ngiting walang layon na umaaligid-aligid sa himpapawid
At tuloy naglalaho sa kapatagan ng mga bubong.
ANG TATAK NG DALIRI NI MARWAN
Di kataka-taka
Saksing-iglap ang hintuturong naputol
Kung saan o sino ang nakasungkit
Ilang diwata sa langit ang naduro na kaya
Gayuma ng pabuya sa sundalo
Balaklaot naging amihan
Bakit ang singsing ay suot ng hinlalaki?
Sawimpalad na hinayupak ng Estado
Ang pumaslang sa bantog na "teroristang" tinagurian
Ngunit walang bakas o lagdang mapagpala
Ng mga kagila-gilalas na pakikipagsapalaran
Ang natuklasan sa pirasong laman
Tinugis sa sukal ng Mamasapano
Binagtas niya ang sikip at salimuot ng gubat
Nakaukit sa laberinto ng kanyang palad--
Humahanap pa ng manghuhulang
Makasisilip sa nagsanga-sangang landas
Ng kamaong di na pagtatakhan.
TRAHEDYA/KOMEDYANG MORO-MORO SA MAMASAPANO
Dulang Algoritmong Palaruan
(Alinsunod sa paraan ng Ouvroir de Litterature Potentielle)
[Paunawa: Lahat ng tauhan sa dulang ito ay pawang likhang-isip; kung sakaling kahawig ng mga personaheng buhay, ituring na aksidenteng pagkakataon lamang iyon at hindi talagang sinasadya--Awtor]
TAGPO 1:
Balisa si Presidente Obama at mga upisyal sa Pentagon, Washington DC. Baka bumagsak ang dolyar at ordeng kapital-pampinansiyal, pag-ulit ng 2008 krisis, kung hindi mahuhuli sina Zulkifli bin Hir at Abdul Basit Usman. Binabalaan na sila ng mga CEO ng Goldman Sachs, JP Morgan, IMF at World Bank na dapat kagyat lutasin ang ugat ng panganib sa Pilipinas. Tulala si Obama dahil sa dalawang bagay, na dapat piliin ninyo:
Walang mahanap na Pinay/Pinay na eskiroll na magkukumpisal kung nasaan ang dalawang terorista (tingnan ang Tagpo 8)
Itinago ni Putin ang dalawang rebelde dahil sa panghihimasok ng U.S. sa Ukraine (tingnan ang Tagpo 9)
TAGPO 2:
Nagsuplong kay P'Noy Aquino ang isang ahente ng Taliban sa Afghanistan kung saan nagtatago ang dalawang kontrabida. Pinatawag si Heneral Alan Purisima na suspindido noon, ngunit nawawala ang heneral. Siya ba ay nakompromiso ni:
Kurt Hoyer, Press Attache ng US Embassy, na sikretong CIA ahente, na naghahanda ng planong Wolverine sa Manila Hotel? (tingnan ang Tagpo 5)
O ni bise-presidente Binay habang nagliliwaliw siya sa isang casino sa Makati? (tingnan ang Tagpo 7)
TAGPO 3:
Pinagpayuan ni Sec. Leila de Lima si P'Noy na dapat sa PNP (Philippine National Police) lamang sumangguni sapagkat hindi maasahan ang AFP
na matakaw din sa pabuyang limang milyong dolyar sa paghuli sa dalawang terorista. Hindi makapagpasiya si P'Noy sanhi sa alin sa dalawang dahilan:
Marami siyang utang kay Heneral Pio Gregorio Catapang, hepe ng AFP (tingnan ang Tagpo 6)
Binantaan na siya ni PNP Heneral Leonardo Espina at Int. Sec. Mar Roxas dahil sa pakikipagsosyo sa isang seksing "socialite" (tingnan ang Tagpo 2)
TAGPO 4:
Enero 25, 2015, lumunsad na ang 6 tropang Amerikano sa TCP (Tactical Command Post) ng Sheriff Aguak sa Manguindanao. Ngunit di nila alam ang tiyak na situwasyon ng Special Action Force ng PNP sapagkat ang planong Wolverine ay hindi katugma sa planong Exodus. Bakit nagkaganoon? Piliiin sa dalawang posibilidad:
Nagsusugal ang dalawang heneral sa Zamboanga AFP Western Command, Rustico Guerrero at Edmundo Pangilinan, nang ipahatid ang utos batay sa ulat ng drone ng mga Amerikano (tingnan ang Tagpo 2 )
Inilihim ni PNP Chief Getulio Napenas ang tunay na sabwatan nila ng MILF at BBP sa gagawing "pintakasi" sa Mamasapano (tingnan ang Tagpo 7)
TAGPO 5:
Sinabi ni P'Noy kay Purisima noong Enero 9 sa Bahay Pangarap--"Ayusin mo na kina Espina at Roxas... Ako na ang bahala kay Catapang." Inutusan niya ang staff sa Malacanang na kontakin ang Coordinating Committee for the Cessation of Hostilities. Bakit hindi nagawa iyon? Piliin ang dahilan:
Okupado sina Mohagher Iqbal sa US Embassy sa pakikipag-ugnayan sa US Institute of Peace at mga kinatawan ng Malaysian Embassy tungkol sa "investments" sa kanilang "ancestral domain" (tingnan ang Tagpo 9)
"Busy" si Chief Napenas sa pakikipag-usap sa isang kaibigan sa Moscow, Russian Federation na nakahimpil sa Teheran, Iran (tingnan ang Tagpo 1)
TAGPO 6
Sumugod na ang 44 na PNP SAF sa Tukanalipao, baryo ng Mamasapano, hindi alam kung ang kalaban nila ay kabilang sa Abu Sayyaf, Al Qaeda, Jemaah Islamiyah, MILF (Moro Islamic Liberation Front), BIFF (Bangsamoro Islamic Freedom Fighters), o NPA (New People's Army), at walang muwang sa posisyon ng kanilang tinutugis. Ano ang rason ng ganitong pagkalito? Piliin:
Pinangakuan na sila ng bahagi ng pabuya sa pagkahuli o pagkapatay kina Marwan at Usman, kaya hindi na kailangan tiyakin kung anong politika o prinsipyo ng mga kaaway (Tingnan ang Tagpo 3)
Binigyan sila ng kopya ng VFA (Visiting Forces Agreement), EDCA (Enhanced Defense Cooperation Agreement) at CIA Counterinsurgency Manual laban sa terorismo upang magamit sa pagdumi sa gubat (Tingnan ang Tagpo 8).
TAGPO 7
Iginiit ni Napenas na "iniwan kami sa ere," ibig sabihin, walang ibinigay na "reward money" ang Washington nang makumpirma sa DNA test na napatay nga si Marwan. Naibalita naman sa Al Jazeera na nakapuslit si Marwan sa tulong ng ilang barko ng Tsina patungo sa Spratley/Kalayaan Isla. At si Usman naman ay nakalusot sa tulong ng MNLF ni Nur Misuari patungong Sabah.
Gusto ninyo ba ng masayang wakas? (tingnan ang Tagpo 9)
Gusto ninyo ba ng masaklap na wakas? (tingnan ang Tagpo 6)
TAGPO 8
Tinanggap na ni P'Noy na responsable siya sa palpak na Exodus, ngunit galit siya kay Fidel Ramos sa panawagan na magbitiw. Mula sa Mamasapano, taglay pa ng mga tao roon ang mga regalo nina Usman at Marwan, ayon kina Boyong Unggala at Farhannah Abdulkahar, dalawa sa 72,585 biktima ng giyera ni P'Noy buhat pa noong Pebrero 25. Nitong Marso 10-13, nadiskubre ng Suara Bangsamoro at Kawagib Moro Human Rights Alliance na nagkalat ang mga nilagas na dokumentong VFA at EDCA sa gubat kung saan nasawi ang 44 PNP pulis, 3 sibilyan, at 17 gerilya ng MILF at BIFF.
Nais ninyo ba ng makatwirang wakas? (tingnan ang Tagpo 5 & 7)
Nais ninyo ba ng balighong wakas? (tingnan ang Tagpo 4 & 9)
TAGPO 9
Samantala, nakipagkita ang Ombudsman sa isang sugo ni Putin sa Singapore at ibinalita na may "gantimpala" sina Heneral Catapang at Espina, pati na sina Mar Roxas at Sec. Leila de Lima, sa "fiasco" ng Wolverine/Exodus.
Sa Washington DC naman, binalak ni Obama na tawagan si P'Noy at ipahatid ang Congratulations ng FBI, Nais daw ng FBI na makapanood ng makulay na dulang "Moro-Moro"....
Samantala, nagpipista ang mga investors sa Wall Street na naglalaway sa pagbukas ng likas-yaman ng Mindanao na may halagang $840 bilyon-$1 trilyon sa mga korporasyong dayuhan, salamat sa napipintong kasunduang Bangsamoro Basic Law.
Mabuhay ang mga "bayani" ng Mamasapano!
____________________________________________
JURAMENTADO? HURAMENTADO!
(Handog kay Abdulmari Imao, RIP)
Sabi ng mga magulang natin, takbo pag nakakita ng Moro--juramentado iyon!
Hadji Kamlon--takbo!
Jabidah--takbo!
Dumarating sina Nur Misuari & Hashim Salamat--Hura? Huramentado?
Tapos si Marcos, tapos si Cory Aquino, dumating ang Al-Qaeda
O sige, bumaba sa Bud Dajo at Bud "Weiser" ang Abu Sayyaf--
Abdurarajak Janjalani--Khadaffy Janjalani--takbo!
Baka Taliban, takbo!
Pirata sa Palawan, takbo!
Dumating ang US Special Forcs & drone, todas na ang Abu Sayyaf--
Napatay ng AFP si Zulfik bin Abdulhim alyas Marwan
Pero nabuhay raw muli--takbo na naman!
Saksi ang midya, walang duda, ibinigay sa AFP ang 1.5 milyong dolyar--
Iusod ang siwang ng sepulkro sa Camp Abubakar, nabuhay raw muli!
Resureksiyon!
Takbo muli! Aswang ng Abu Sayyaf? Kulam ni Osama bin laden?
Jihad ni Ampatuan?
Hura! Hura! Huramentado!
Nagtampisaw si Marwan sa lagusang masikip sa gubat ni Florante't Aladin
Nanlilimahid ang bakas ng balakyot na "terorista"
Ibinurol si Zulfik, sayang--kailan babangon muli?
Saan, sinong pumuslit ng 1.5 milyong dolyar?
Bakas at bakat, tiyak na babalik habang umaakyat sa Bud Bagsak....
Nabubulok ang mga pinugutang bangkay ng AFP sa Basilan at Sulu....
Di naglao'y nagkapuwang si Marwan, magaling yumari ng bomba--
Tugisin ang pork-barrel ng USA, takbo!
Takbo, mabuhay si Zulfik!
Takbo, aswang o mangkukulam ng Jemaah Islamiyah, mabuhay!
Takbo, nariyan si Obamang may suhol na dolyar para sa AFP--
Huramentado ni BS Aquino at mga heneral ng AFP?
Juramentado ng trapo't burokrata kapitalista?
Masaker nina Hen. John Pershing at Leonard Wood? Ulit na naman?
Sa gubat ng Sabah o Zamboanga? Ampat, ampatin ang dugo....
Alahu Akbar,
Tiyak ang resureksiyon nina Zulfik at mga kasama--
Hanggang may salapi, walang patid ang takbuhan at patayan--
Ikaw na sibilisadong mambabasa, kapatid ng mga heneral at trapo,
Di biro, hindi ba huramentado ka rin?
IMPRESYON SA ISANG DIKTADOR
Huwag, huwag mong sabihin na siya'y tunggak loko tanga--
Marunong iyon sa pandaraya't panggagahis.
Huwag mong sabihing gago o hangal--
Sa katusuhan wala siyang pangalawa....
Huwag, huwag mong sabihing ulol o baliw siya--
Siya'y tuso sa pangako't pambobola....
Totoong alam natin ito, hindi maiisahan, sanay na tayo.
Ilang bilanggo't nasawi ang testigo dito.
Huwag mong sabihing di natin alam
Ang mga taktika ng mangungulimbat
At estratehiya ng mga galamay ng Estado-
Magkasundo tayo ng diktador sa kabatiran
Na sa larangan ng politika tayo naglalaban--
Di lang sa diwa o isip, madugong tagisan
Ng mga katawan--tortyur, dukot, sapilitang pagkawala--
Pagwasak ng katawan ay politika,
Ang kaligtasan ng laman ay politika,
Ang bangkay ay politikang natalo,
Ang buhay ng mga anak ay politikang nagtagumpay.
Kaya magkasabwat tayo ng diktador,
Kapwa tayo alagad ng walang patawad na Realpolitik--
Ang madugong transpormasyon ng diwa't kilos,
Katawa't kaluluwa, pakikipagkapwa't pangungulila.
KUNG PAANO KUMAIN NG NEO-KONSEPTUWALISTANG PINAKBET
Napakamabili ngayon ng mga cookbook at ibang komoditing may kinalaman sa pagkain. Madaling kumita't magkamal ng salapi at prestihiyo kung sasangkot sa pagkain o tindang pagkain. Nahuhumalling din ang mga artista't manunulat. Pati ang mga kritiko't akademikong premyado man o patakbuhin.
Ayon kay Doreen Fernandez, ang Filipino di umano'y nakikilala sa pagkain. Ganoon din ba kaya ang lahat ng tao sa iba't ibang bansa? Tila kasingkahulugan ng pagkain ang kultura. May reklamo ka ba?
Ngunit bago kumain, dapat magluto--o iutos ang pagluluto. Kung paano pagsasamahin ang kailangang pansahog, kailangang piliin ang mabuting materyales at proporsyon nito. Kailangan ang tubig, apoy o init, mga kagamitan sa kusina, panahon, lakas, dunong, intuwisyon, sining....
Kailangan ang mga rekado: tubig, baboy na hiniwa sa mahabang piraso, kamatis, bawang, luyang tinadtad, talong, bagoong alamang, ampalaya, atbp. Puwedeng budburan ng asin, anise, kulantro, oregano, paminta, siling labuyo, dilaw, salsa perin, atbp. ayon sa panlasa ng mga kakain o titikim. Maaaring ayusin ang tamis-anghang, pait, alat, at lagyan ng sotanghon, bihon, miki, miswa, o anumang nais ng kustomer. O anong reklamo mo?
Bago tangkain o subukan ang resipe ni Nora Daza at iba pang kusinero na Ilokano o taga-Los Angeles na Pinay, paglimiin sandali ang mungkahi ni Doktor K'ung-fu-tzu, ang dalubhasang Maestro-chef na taga-Binondo, Maynila:
"Dapat wastuhin ang mga pangalan at salita.
Kung mali iyon, at di katugma sa realidad,
walang tinutukoy ang wika.
Kung walang matatag na tinutukoy
o tiyak na tinuturing ang wikang ginagamit,
imposible ang kumilos at lumikha ng anuman.
Sa gayon, lahat ng gawain sa buhay ay mabubuwag
at mawawalan ng saysay."
ANG PANULAAN AY ISANG MAPANGWASAK NA LAKAS
(Halaw mula kay Wallace Stevens)
Ganyan nga ang paghihinagpis,
Walang bagay na dapat isapuso.
Kawalan man o pagkamit ang usapan.
Isang bagay na maaangkin,
Isang leon, isang matipunong baka sa iyong dibdib,
Nararamdaman mong humihinga roon.
Corazon, matabang aso,
Batang lalaking baka, osong sakang,
Nalalasahan niya ang dugo niyon, hindi dura.
Tulad niya ang isang lalaki
Sa katawan ng isang hayop na mabangis.
Ang kalamnang marahas ay kanya rin.
Natutulog ang leon nakabilad sa araw.
Ang nguso niya ay nakalapat sa kanyang mga kuko.
Pumapatay iyon ng tao.
__________________________________________________
TAGLAGAS
(Halaw mula kay Rainer Maria Rilke)
Nalalagas ang mga dahon, nahuhulog mula sa malayong itaas
mistulang galing mula sa mga hardin sa langit na naghihingalo,
Nahuhulog sila at tila hindi nila itinatakwil iyon.
At sa gabi ang daigdig, isang bolang mabigat,
ay nahuhulog sa pagkaulilang walang bituin.
Lahat tayo'y nalalagas.
Pati ang kamay kong ito.
Sa gitna ng lahat ng bagay, masdan mo, taglay ito ng lahat.
Ngunit mayroong isang nariyan, sa bisa ng mapagkalingang hawak,
na siyang nagkukupkop sa lahat ng nalagas
sa kanyang mapagpalang palad.
SINO ANG KAPWA KO? HINDI MAKAPAGPIGIL ANG IBANG HUMIHINGI?
(Sina Nena at Neneng sa Paningin ng Ebanghelyong Pablo)
Payo ni San Pablo:
"Huwag kayong magkait sa isa't isa, malibang pagkasunduan ninyong huwag munang magsiping, upang maiukol ninyo ang panahon sa pananalangin. Pagkatapos, magsiping na uli kayo upang hindi kayo matukso ni Satanas dahil sa hindi kayo makapagpigil....Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.... Walang sinuman sa atin ang nabubuhay o namamatay sa kanyang sarili lamang."
Pakikibahagi ni Neneng kay Nena ang panaginip niya sa Kabanata XLVIII ng nobela:
"Lumuwas ka raw mag-isa sa Maynila at ako'y ipinagsasama mo sa isang malayong bayan dahil sa nagalit ka sa iyong asawa. Ako pa naman noon ay punong-puno ng putik sa mukha dahil daw sa pagkahulog sa aming pusalian. Pinipilit mo akong manaog at sumama noon din. Isinagot ko raw sa iyo na "nariyan ang asawa ko." Ang ibig ko'y sa kaniya ka magsabi kung ako'y papayagan. Matuos mo ang ibig mong gawin noon kung di ka isang pilla? Pinipili mo raw akong hagkan ay inilalayo ko naman ang aking mukha at "huwag, huwag" ang saway ko sa iyo. Lalo ka namang napalapit-lapit at ako'y hinagkan mo rin, kaya pati ikaw ay napuno ng putik ng pusali. Nang marumhan ang dami't mo'y galit na galit ka at ihuhulog mo ako sa bintana. Siya kong pagkamulat. Si Narciso [asawa ni Neneng] pala ang may hawak sa akin kaya hindi na kami nagkatulog tuloy at nagkatampuhan kami na hindi ko malaman kung bakit. Tila naghinala siya sa akin at gayon din naman ako sa kaniya, ngunit hindi na kami nagkaliwanagan at di na naman naungkat minsan man sa aming pag-uusap."
Sipi sa huling sulat ni Neneng kay Narciso:
"Pawang kasawiang-palad ang kinalagu-laguyo ko sa ating pagsasamang sandaling panahon pagka't ang namasdan sa iyo'y panay na pag-aalapaap sa mabuti kong loob. Pinagtitiisan kong matamis ang pakikiayon at pinakapipilit na masunduan mo ang katahimikan sa pamamagitan ng aking walang sawang pag-irog. Pinag-isipan mo ang kalinisan ng aking puso at nabatang lisanin sa madlang simbuyo. Nguni't ngayo'y nabibingit na ako sa labi ng hukay. Bahid ma'y wala akong paglililo sa iyo at sinasaksi ko ngayon ang di na malalaong aking kamatayan...."
Hanggang sa kabilang buhay naghihintay si Neneng, sa asawa o kay Nena?
"ULTIMO ADIOS" DINISTILA SA DALAWANG SAKNONG
(Pinaghalong tinig nina Andres Bonifacio, Jose Sevilla, Jose Gatmaytan,
Julian Cruz Balmaseda, Jose Corazon de Jesus,
Guillermo Tolentino, Ildefonso Santos, & Felix Razon)
Kung ang libingan ko'y limot na ng lahat
at wala nang kurus at batong mabakas
bayaang linangin ng taong masipag
lupa'y asarolin at kanyang ikalat.
At mga buto ko bago matunaw
mauwi sa wala at kusang maparam
alabok ng iyong latay at bayaang
siya ang babalang doo'y makipisan.
Kung ang libingan ko'y limot na ng madla
at wala ng kurus ni bato mang tanda
sa nangaglilinang ay ipaubayang
bungkali't isabog ang natimping lupa
Ang mga abo ko bago pailanlang
mauwi sa wala na pinanggalingan
ay makalat uling parang kapupunan
ng iyong alabok sa lupang tuntungan.
Kung ang libingan kong limot na ng madla
ay wala nang kurus at bato mang tanda
sa nangagbubukid ay ipaubayang
bungkali't isabog ang natiping lupa.
Ang mga abo ko'y pailanglang
mauwi sa wala na pinanggalingan
ay makalat munang parang kapupunan
ng iyong alabok sa lupang tuntungan.
Sakaling limot na ang lupang sa akin ay pinaglibingan
at wala nang kurus ni panandang batong pagkakakilanlan
bayaang ang luypa'y bungkali't isabog ng lipakang kamay
ang mga abo ko, sa wala bago muling pailanlang
maging sabog sana sa latag na iyong kinatutungtungan.
At kung pati ng hukay ko'y malimutan na ng madla
walang kurus, kahi't batong sa puntod ay maging tanda
bayaan mong kahi't sino ay bungkalin itong lupa
at nang bago ang abo ko sa hangin ay mangawala,
maging alpombra ng iyong tatapakang pinagpala
At kapag ang libingan ko'y nalimutan na nang madla
Walang dipa, maging batong kabakasan niyang tanda,
bayaan mong bungkalin na't isabog nang maglulupa't
ang abo ko bago sana mapabalik man sa wala
sa malambot mong tungtunga'y mapalatag munang sadya.
Kung sa libingan ko'y di pansin ng madla't laon nang nalimot,
ni kurus, ni bato'y wala nang pananda't iba na ang ayos
bayaang bungkalin ng mag-aararo, bayaang madurog,
at ang aking abong babalik sa wala, agad na isabog
maging gabok man lang sa sutlang damuhan ng iyong lupalop.
At kung ang burol ko ay tuluyang ibinaon na sa gunita
at di matuklasan (walang krus o simpleng batong inilagak doon)
bayaang wasakin ng suyod, laspagin at durugin ng pala
at hayaang ang abo ko, bago lumipad at tuluyang mapawi,
abang alabok maging bahagi muli ng iyong himlayang nilatag.
DEMONSTRASYON PARA KAY KASAMANG STALIN
[Halaw mula kay Langston Hughes]
Tinaguriang Kasamang Bakal, malambot ang iyong dibdib,
Nasugatan ng paghihikahos ng uring manggagawa’t magsasaka
Sa bilangguan ng Tsar, nagpupugay kami,
Mga taga-Ben Tre, Biyetnam
Hanap mo’y kalayaan, Kasamang Stalin,
Di para sa iyo kundi para sa masa ng sansinukob
Kaya humawak ng baril, bumabati kami,
Mga taga-Lidice, Czechoslovakia.
Mula Antartica hanggang Zanzibar
Inilarawan kang berdugo sa propaganda ng imperyalismo ngunit
Sa puso naming taga-Guernica, Espanya,
Ikaw ang pulang tala ng pagbabangon.
Magiting na Komunista, Kasamang Stalin,
Kaming taga-Soweto’t Karameh ay nagpapasalamat sa iyong halimbawa
Kung may pagkakamali ka man, iyo’y napunan na
Sa tagumpay ng digmaan laban sa pasismo.
Kaming mga taga-Jolo’y sumusumpang ibuburol ang imperyalismong Kano’t
Mga kakutsaba sa harap mo, dakilang Stalin,
Saanmang lupalop kung saan ang maso’t karit ay di lamang sagisag
Kundi kagamitang mabisa sa pang-araw-araw na gawain.
NI-READY-MADE SI MARCEL DUCHAMP NG TAGA-SALING GOOGLE
ANG SALIN:
Ang isang punto kung saan gusto ko Sobra na magtatag na ang pagpili ng mga "handa-mades" ay hindi dictated ng esthetic lugod. Ang pagpipiliang ito ay batay sa isang reaksyon ng visual na pagwawalang-bahala sa parehong oras ang isang kabuuang kawalan ng mabuti o masama ang lasa ... sa katunayan ng isang kumpletong kawalan ng pakiramdam. Para sa mga manonood kahit na higit pa para sa mga artist, art ay isang ugali na bumubuo ng mga bawal na gamot at nais kong protektahan ang aking handa-mades laban sa gayong karumihan.
ANG ORIHINAL:
A point which I want very much to establish is that the choice of these "ready-mades" was never dictated by esthetic delectation. This choice was based on a reaction of visual indifference with at the same time a total absence of good or bad taste...in fact a complete anesthesia. For the spectator even more than for the artist, art is a habit forming drug and I wanted to protect my ready-mades against such contamination.
[ SANGGUNIAN: Marcel DuChamp, "Apropos of 'Readymades' 1961)" na nasa Theories and Documents of Contemporary Art, ed. Kristine Stiles and Peter Selz (Berkeley: University of California Press, 1996), p. 819-820. Dokumentasyon ni E. San Juan, Jr. 6/4/2015]
BALIKBAYANG BABAYLAN / MATER DOLOROSA KONSUMERISTA
Dalawa lang silang mag-ina dito sa Amerika at hinihintay nila ang pagdating ng pamilya nila. Pero ay susmaryosep! habang naghihintay namatay si Nanay. Nais ng pamilya sa Pilipinas na ilibing ang ina sa sariling bayan, pero it was so expensive.
Pero dahil gusto ng nakararami ang ganoon, walang choice ang anak dito sa States kung hindi sundin ang mga nakatatanda sa kanya. Dahil nga very expensive, she decided to remain in the States and ship the coffin unaccompanied.
Nang dumating na sa Pilipinas ang kanilang ina, napansin ng pamilya na hindi maganda. Ang mukha at katawan ng inay nila ay dikit na dikit na sa salamin ng kabaong. Sabi tuloy ng isa, "Ay tingnan mo yan, hindi sila marunong mag-asikaso ng patay sa Amerika."
To cut the story short, they prepared the coffin for viewing. Pag bukas ng takip (salamin) ng ataul, may napansin silang sulat sa ibaba ng dibdib ng kanilang inay. Dahan-dahang kinuha at nanginginig na binuksan ni Kuya ang sulat at binasa sa lahat ng buong pamilya. Ang nilalaman ng sulat ay ito:
"Mahal kong mga Kapatid, Hayan na si Inay!
Pasyensiya na kayo at hindi ko nasamahan ang inay sa pag-uwi diyan sa Pinas sa dahilan na nakapamahal ng pamasahe. Ang gastos ko na nga lang sa kanya ay kulang-kulang sa sampung libo (kabaong at shipment). Anyway, pinadala ko kasama si inay ang:
*dalawampu't apat na karne norte nasa likod ni Inay. Maghati-hati na kayo.
*anim na bagong labas na Reebok sneakers....isa suot-suot ni Inay, at lima ang nasa ulunan ni inay...isa-isa na kayo riyan.
*iba't ibang tsokolate, nasa puwit ni inay...maghati-hati na kayong lahat.
*anim na Ralph Lauren na t-shirts suot-suot ni Inay...para sa iyo, Kuya, at isa-isa ang mga pamangkin ko.
*isang dosenang Wonderbra na gustong-gusto ninyo, mga kapatid ko, suot-suot din ni Inay. Maghati-hati na kayo riyan.
*dalawang dosenang Victoria Secret na panties na inaasam-asam ninyo, suot-suot din ni Inay. Maghati-hati na rin kayo, Ate....
*walong Dockers na pantalon suot-suot din ni Nanay.... Kuya, Diko, isa-isa na kayo, at mga pamangkin ko.
*ang Rolex na hinahabilin mo, Kuya, e suot-suot din ni Inay. Kunin mo na.
*ang hikaw, singsing at kuwintas na gustong-gusto mo, Ate, eh suot-suot din ni Inay. Kunin mo na.
*mga Chanel na medyas, suot-suot din ni Inay. Tig-isa na kayo ng mga pamangkin ko.
Bahala na kayo kay Inay. Pamimisahan ko na lang siya dito. Balitaan ninyo na lang ako pagkatapos ng libing.
Nagmamahal na kapatid, Nene
PS. Pakibihisan na lang si Inay.....
[Dokumentasyon mula sa Internet, circa 1970-1980]
SA MGA MANINIPIL NA TADHANA
(Halaw mula kay Friedrich Holderlin)
Bigyan ninyo ako ng kahit isang tag-araw lang,
O mga makapangyarihan! Isang taglagas
Upang mapahinog ang aking awit: sa wakas,
Sagana sa kanyang matamis na pagkanta
Ang aking puso'y kusang yayakapin
Ang kagustuhan niyang lubos pumanaw.
Ang kaluluwa'y hindi nakatanggap
Ng kanyang karapatang handog ng mga bathala.
Sa buhay na ito, at hindi nagpapahinga
Ang kaluluwa kahit na umahon ito sa Orkus
Sa ilalim ng lupa; subalit aking matatamo
Ang hangarin ng aking puso: ang aking tula.
Halika na, O kapayapaan ng mundo
Ng kadiliman! Mahinahon na ako
Kahit hindi ako akayin ng indayog
Ng aking lira; minsan ay nabuhay ako
Tulad ng mga bathala: hindi na kailangan
Ang dating gawi sa kinabukasan.
-----SA AKING SARILI
(Halaw mula kay Giacomo Leopardi)
Ngayon magpapahinga ka na sa habang panahon,
Puso kong hapo. Pumanaw na ang huling pangarap
Na paniwala ko'y walang kamatayan.
Napawi na. Taimtim kong nadarama ito,
Namatay na sa kalooban natin
Hindi lang pag-asa sa mahal na mga panaginip
Kundi pati na rin ang pagnanasa rito.
Humimlay ka nang walang hanggan,
Masigasig kang nagsikap.
Walang makagagantimpala sa iyong ginawa,
At di naman karapat-dapat ang mundo sa iyong hininga.
Kapaitan at pagkabagot lang ang buhay,
Putik lang ang daigdig.
Manahimik ka na.
Tumangis sa katapusan.
Sa tao itinakda ng kapalaran
Ang kamatayan.
Layuan ang kalikasan
Na may makahayop na lakas na umiiral
Upang manakit ng sinumang nilalang;
Walang hanggan ang pagkawalang kabuluhan ng lahat.
NASULYAPANG KARATULA NI "ALING ANGGE HILOT"
SA ISANG ESKINITA SA QUIAPO
PASMA -- 50 PESOS
PILAY ------ 100 PESOS
MASAHE --- 300 PESOS
BUNTIS ---- 500 PESOS
DULING -- 800 PESOS
ULIANIN -- 900 + PESOS (PIKS PRAYS)
------- SPESYAL SIRBIS ----
KULAM SA ASAWA --- 1000 PESOS
KULAMIN ANG TISMOSA--- 2000 PESOS
GAYUMAHIN ANG NOBYA -- 5000 PESOS
SPESYAL DESKAWNT --- 4,500 PESOS
PAGTANGGAL NG LIBOG --- 10,000 PESOS (di garantisado)
---- CHICHAT SA KALULUWA--
DIPENDE SA ORAS -- 100 PESOS (5 MINITS) HANGGANG
30 MINITS + 500 PESOS --WALANG TAWAD
-----BULONG ---- PARA SA KAGALIT O KAAWAY---
MURA LAMANG PERO SIKRETO, AREGLO NA LANG SA LOOB
KUNG MAY IBANG SAKIT TAWAGIN SI ALING TINAY SA TABI
NG QUIAPO SIMBAHAN, SA TINDAHAN NG BAWANG TAWAS ANTING-ANTING & MIRAKULONG LUHA NG BIRHEN NG TODOS LOS SANTOS
PANSENSYA NA PO KUNG WALANG TINDERA RITO
BAKA NATUTULOG LAMANG O NASA KUBETA
+++++++++++++++++
PAG-ASA: Analekta sa Paghabi ng Bagwis ng Paglalayag
Komadrona ng palaisipan, iligtas mo kami sa mga tuksong ito,
mga bagay na pinagmumulan ng sindak at kilabot:
Bangungot Mag-isa Malason Mamulubi Makulam
Masaktan sa gabi Malayo sa pamilya Mapilay
Mawalan ng sikmura Mawalan ng salapi
Magkasakit sanhi sa mahiwagang dahilan Di makadinig
Di makaamoy Walang pakiramdam Manhid na manhid Walang panlasa
Di masaran ang pinto Pasukan ng isang hayop mula sa lansangan
Gahisin ng pulis o sundalo Di na gagaling muli sa kanser o AIDS
__________________________________
Nailipat mula sa isang payapang pugad tungo sa matris ng ligalig
(taglay o hindi ang hangarin)
Nawindang at puspusang nayanig hanggang magkasira-sira
(kahit walang bisa o talab)
Nailagay sa paraang pumipigil sa alingawngaw at pagkahawa
(kahit sagad ang talab at bisa)
Hindi kinukusa o sinasadya ang paglilipat
Walang tangka o pakay ang kilos at galaw ng mga kamay
Ipagpasiya na ipahinuhod sa nagpaubayang makapangyarihan
ang daloy at dulo ng nagsapalarang buhay--Sino ba ang kapit-bahay ko?
_____________________________
Pinuputakti ang talasalitaan ng mura: putragis, putang 'na
Pesteng yawa Kupal mo Tarantado Gago Walang-hiya
Ulol Buwisit Hudas Hinayupak Buwang Demonyo--
Tukso't lalang ng suson-susong kalamidad sa tagisan ng mga uri
Hinagupit nasalanta sapalarang balintuna't baligho--
Bigkasin mo, Komadrona ng himagsik, ang patalastas:
Sa pamamagitan ng isang mahigpit na panunumpa, upang sa
pagkakaisang ito'y magkalakas na iwasak ang masinsing tabing
na nakabubulag sa kaisipan...at matuklasan ang tunay na landas
ng katuiran at kaliwanagan (sipi sa Kartilla). Maliban kung mamatay ang buto....
TUNGKOL SA AWTOR
Kilalang kritiko at manlilikha sa larangang internasyonal, si E. SAN JUAN, Jr. ay dating Fellow ng W.E. B. Du Bois Institute, Harvard University at Humanities Center, Wesleyan Uniersity. Emeritus professor of English, Comparative Literature & Ethnic Studies, siya ay naging fellow ng Harry Ransom Center, University of Texas, Austin. Kasalukuyang professorial lecturer sa Polytechnic University of the Philippines, Manila.
Si San Juan ay awtor ng maraming libro, kabilang na ang Balikbayang Sinta: An E. San Juan Reader (Ateneo University Press), Sapagkat Iniibig Kita (University of the Philippines Press), Tinik sa Kaluluwa; Rizal In Our Time (Anvil Publishing), Alay Sa Paglikha ng Bukang-Liwayway (Ateneo University Press), Salud Algabre (University of San Agustin Publishing House), Balikbayang Mahal: Passages from Exile, Sutrang Kayumanggi & Bukas Luwalhating Kay Ganda (amazon.com), Ulikba (UST Publishing House) at Kundiman sa Gitna ng Karimlan (U.P. Press).
Inireprint kamakailan ng U.P. Press ang kalipunan ng mga panunuring pampanitikan niya. Toward a People’s Literature. Inilathala ng Lambert Academic Publishing Co., Saarbrucken, Germany, ang kanyang Critical Interventions: From Joyce and Ibsen to Peirce and Kingston, kasunod ng In the Wake of Terror (Lexington) at US Imperialism and Revolution in the Philippines (Palgrave).
Ang pinakabagong libro niya ay: Ambil (Philippines Research Center), Lupang Hinirang, Lupang Tinubuan (De La Salle University Publishing House) at Between Empire and Insurgency: The Philippines in the New Millennium (University of the Philippines Press).
MULA SA MANDUDULA AT MUSIKERONG NONI QUEANO
Undergrad ako sa UP Diliman nang mabasa ko ang isa sa mga unang aklat ni Dr. E. San Juan Jr. na may titulong, The Art of Oscar Wilde na ginawan ko ng rebyung nalathala sa Philippine Collegian. Mga tatlumpong-taon mula noon, naging guro ko siya sa CL 398 sa UP Diliman pa rin para sa Ph.D. degree ko sa English at Comparative Literature. Sa mahabang panahon, nabasa ko rin ang mga sanaysay at pag-aaral niya ukol sa Kultura at Panitikang Pilipino, at hinangaan ang kanyang malalim at masigasig na mga pag-aaral na nakapagpayaman sa mga pamantayan sa kritisismo hindi lamang sa Pilipinas kundi sa iba’ibang panig ng mundo.
Ikinatutuwa at ikinararangal kong matunghayan ngayon ang kanyang mga bagong obra, partikular na ang mga tula, sa koleksiyong tinawag niyang, Wala, na unang tingin’y nagpaalaala sa aking ng mga dibuhong modernismo sa panitikan, tulad, halimbawa ng nihilism sa panitikang Ruso. Ngunit taliwas sa eksistensiyal angst o epektong absurdismo, ang mga tula ni Prop. San Juan, ay malinaw na may pinag-uugatan sa lipunan at praktikal na buhay ng Pilipino. Una-una, sa paggamit niya ng mga bugtong at talinhaga na marami’y hango rin sa katutubong tradisyon at kulturang Pilipino.—hal., noong bata ako narinig ko na ang bugtong sa pagsasaing ng bigas sa tongko sa abuhan, particular, ang linyang, “Nakaupo si maitim, sinusulot ni mapula, si maputi’y tawang-tawa,” atbp. – at ang mga alaalang ganoon ay nagpapatingkad sa estetikong aliw at pagkaunawa sa mga tula. Nababago ni San Juan ang ilang “canon” o pamantayan sa pagbasa ng tula dito, samakatwid, mula sa pangkaraniwan o tradisyonal, halimbawa, sa tula bilang daluyan ng damdamin (gaya sa tradisyong romantiko, hal. nina Wordsworth o Keats), o kahit sa imahismo.
Dahil sa gamit ng mga palaisipan at talinhaga, tila deretsahang tundos sa isipan at pagmumuni ang estetikong pag-unawa at aliw na dulot ng mga tula, sa halip na mang-antig o maglambitin muna sa damdamin. Gayunman, mula sa palaisipan, luminya ang mga tula lalo na sa hulihan sa pagtukoy ng mga pangkasalukuyang usaping panlipunan –laluna, yaong sa Mindanao, tulad ng insidente sa Mamasapao at pagpaslang kay Marwan, atbp. Malinaw ang mapanghimagsik na pakikisangkot at tuwirang pagturol – sa kabila ng balintunang imahen, hal., sa “neo-konseptuwalistang pinakbet,” – sa mga usaping panlipunan, kahit na hindi maikakaila ang post-modernismong hagupit at disenyo na tiyak na ipinapakita, laluna, ng grupo ng mga tula – “halaw,” ang ilan, aniya sa ibang makata’t intelektuwal – sa mga hulihang pahina ng aklat.
--- NONILON V. QUEANO, Ph.D.
Dept of English, University of the Philippines
Subscribe to:
Posts (Atom)