BAKIT LAGING KAILANGAN ANG HALIMBAWA NI ANDRES BONIFACIO SA ATING PAKIKIBAKA: Ilang Mungkahi
ni E. SAN JUAN, Jr.
Bagong panahon, bagong pag-aangkop ng sinaunang pananaw. Utang sa mabulas at masiglang pagsulong ng kilusang mapagpalaya mula noong dekada 1960 hanggang ngayon ang pagpupugay kay Andres Bonifacio bilang ulirang rebolusyonaryo ng sambayanan. Utang sa ilang publikong intelektuwal tulad nina Renato Constantino, Teodoro Agoncillo, Amado V. Hernandez, Jose Maria Sison, atbp., laluna kina Claro Recto, Lorenzo Tanada, at Jose Diokno na nagpasimuno sa pagtutol sa diktadurang U.S.-Marcos.
Sa kolektibong aksyon ng masa, naiahon ang nasyonalismong nailubog ng matinding Amerikanisasyon ng bansa. Naibangong muli ang dignidad ng Supremo sa pagkasadlak nito noong panahon ng Cold War at pamamayani ng komodipikadong neoliberalismo nitong huling bahagdan ng nakaraang siglo. Ngunit sa kasalukuyang yugto ng malalang krisis ng kapitalismong neoliberal--pansinin ang sintomas nito sa teroristang giyerang inilulunsad ng Estados Unidos sa halos lahat ng sulok ng daigdig-- kailangang balik-suriin ang ating posisyon tungkol sa relasyon ng indibidwal at lipunan/kasaysayan. Problematikong suliranin ito buhat ipunla ng U.S. ang ideolohiya ng kasakiman at pagkamakasarili.
Sa namamayaning ideolohiya ng kapitalismong global (sakop na ang neokolonyang Pilipiinas), ugaling isentro ang lahat sa namumukod na indibidwal. Ang indibidwalismong naikintal sa atin ay mahirap iwasan. Gawi nating ipaliwanag ang bawat pangyayari sa kilos ng isa o ilang indibidwal. Halimbawa: kung wala si Marcos, di nangyari ang martial law at diktadurya noong 1972-86. Kung wala si Aguinaldo, di sana'y nagtagumpay ang himagsikan ng 1898. Kung wala si Quezon.... Bakit ganyan ang hilig ng pag-iisip? Sa materyalistikong pagtaya, ang lipunan ay hindi koleksiyon ng atomistikong sangkap--hiwa-hiwalay at magkakompitensiyang indibidwal--kundi pinagsamang relasyon ng mga grupo ng tao. Hindi pagdagdag kundi paglalangkap ng relasyon ang sosyedad. Kung tutuusin, ang personalidad o karakter ng isang tao ay binubuo ng kanyang sapin-saping pakikipag-ugnayan o pakikipagkapwa sa kapaligiran. Ang buhay ng tao ay maigting na kalangkap ng daloy ng lipunan sa kasaysayan.
Itong bisyon ng pagkakasanib ng indibidwal at lipunan ang pangunahing prinsipyong nailahad sa "Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog." Dinamikong kolektibismo ang naghaharing pangitain. Ang kontribusyon ng Supremo sa pilosopiya ng nasyonalismong radikal sa akdang iyon, kaakibat ng "Dekalogo" ng Katipunan, ng mga tula at liham kina Emilio Jacinto and Mariano Alvarez, ay katibayan ng historiko-materyalistang pagsipat ng Supremo sa mga pangyayari at paghusga sa kung anong dapat gawin upang mabago ang sitwasyon ng sambayanan (tingnan ang kalipunan ni Agoncillo 1963).
Mapagbuo at mapaglikha ang tendensiya ng dalumat niya. Tumutumok iyon sa proseso ng karanasan at repleksiyon ng kamalayan tungkol dito. Kaagapay ng teorya ng ayos ng lipunan ang praktika ng estratehiya at taktika ng pagbabago nito. Tumatagos at tumatalab sa mga salita ng Supremo ang kamalayang pangkasaysayan na tumakwil at lumihis sa ideyalistiko't dogmatismong etika/politika ng Simbahan Katoliko, laluna ng mga prayle at mga ordeng relihiyosong umuugit sa aparato ng Estado noong panahon ng pananakop ng Espanya. Kinatawan ng Supremo ang pag-unlad natin mula sa Edad Medya ng Simbahan tungo sa renaissance at repormasyon sa Europa hanggang sa pagpasok ng modernidad sa insureksiyon ng Paris Commune noong 1872. Palatandaan ang Katipunan sa pagsulong natin sa panahon ng modernidad at imbensiyon ng bansang Pilipinas.
Bagamat walang pormal na edukasyon, naidistila ng Supremo ang makabagong pedagohiya sa kanyang pagbabasa at sa mismong karanasan sa paghahanap-buhay (Agoncillo 1965). Batid na ng lahat--hindi na dapat irebyu ang talambuhay ng Supremo--na bukod sa kanyang katutubong talino, napag-aralan at naisadibdib niya ang modelo ng Liga Filipina na naibunsod ni Dr. Jose Rizal noong Hulyo 1982.
Malaking hakbang ang Liga mula sa repormistang paninindigan ng mga propagandista ng Solidaridad. Isinaisantabi na ang layuning asimilasyon sapagkat inadhika nito na pag-isahin ang buong kapuluan at mga katutubo upang magtulung-tulungan. Bukod sa paghikayat sa pagbutihin ang edukasyon, pagtatanggol laban sa inhustisya at dahas, sinikap ding magtayo ng mga paraan at istrukturang tutugon sa bawat pangangailangan ng mga kasapi. Naipunla na roon ang binhi ng Katipunan at ng rebolusyonaryong matrix ng ating kasaysayan.
Bagamat tila payapang pagpaplano lamang ang Liga, sa ika-apat na araw na pagdating ni Rizal, inaresto na agad siya. Dagling binuhay ng Supremo at ni Domingo Franco ang Liga at hinirang si Apolinario Mabini na maging sekretaryo ng Konseho Supremo. Parang hula ng darating ang pagkalahok ni Mabini sa pagkakataong ito, "prophetic" sa taguring pangteolohiya. Hindi nagtagal, humiwalay ang ilang kasapi sa Cuerpo de Compromisarios at tuluyang napilitang ilunsad ng Supremo at mga kasama ang Katipunan (Constantino 1975, 153-54). Pagtakwil sa Espanya ang mithi sa organisadong lakas ng sambayan, sa paraan ng malawakang himagsikan. Isang orihinal na hakbang ito ng Supremo.
Sa henealohiya ng pagsulong ng kamalayan ng Supremo, ang aral ng Liga at limitasyon ng mga Propagandista ay mahalaga. Walang makabuluhang pagbabago ang magaganap kung hindi kasangkot ang nakararaming klase o uri sa lipunan. Ang masa ang yumayari na kasaysayan. Bukod dito, natanto rin ng Supremo na dapat kolektibo ang makinang uugit sa kilusan, isang pamunuang nakaugat sa abilidad at kakayahan ng nakararaming anak-pawis: magsasaka at trabahador na siyang bumubuo ng mayorya. Gayunpaman, ang liderato ay magmumula sa mga mulat at bihasang kasapi na mahigpit at malalim ang pagkakaugnay sa mga abanteng elemento--ang mga kinikilalang kinatawan ng mga bayan o purok. Paano makikilala ang mga bayani? Sa sandali ng pagpapasiya, sa tandisang pakikibaka at sakripisyo ng buhay para sa katwiran at kabutihan ng nakararami.
Nabigyan-tinig ito sa isang panawagang pinamagatang "Katipunan Marahas ng mga Anak ng Bayan." Inalagatang taos-pusong paghahandog ng buhay ang pamantayan ng Katipunan, masinop na idiniin ng Supremo ang motibasyon ng kolektibong pag-babalikwas, ang bukal ng mga damdamin at hibong nagpapagalaw sa isip at katawan. Pagtuunan ng pansin ang retorika at estilo ng paghikayat, hindi lamang pakikiramay kundi pakikiisa (empathy):
....ang kadahilanan ng ating paggugol ng lalong mahalaga sa loob at sampu ng ingat na buhay, ay nang upang tamuhin at kamtan yaong nilalayong Kalayaan ng ating Bayang tinubuan na siyang magbibigay buong kaginhawahan at magbabangon ng kapurihan na inilugmok na kaalipinan sa hukay ng kadustaang walang katulad.
Sasagi kaya sa inyong loob ang panglulumo at aabutin kaya ng panghihinayang na mamatay sa kadahilanang ito? Hindi! hindi! Sapagkat nakikintal sa inyong gunita yaong libu-libong kinitil sa buhay ng mapanganyayang kamay ng kastila, yaong daing, yaong himutok at panangis ng mga pinapangulila ng kanilang kalupitan, yaong mga kapatid nating nangapipiit sa kalagimlagim na bilangguan, at nagtitiis ng walang awang pagpapahirap, yaong walang tilang pag-agos ng luha ng mga nawalay sa piling ng kanilang mga anak, asaw, at matatandang magulang na itinapon sa iba't ibangt malalayong lupa at ang katampalasanang pagpataya sa ating pinaka-iibig nating kababayan na si M. Jose Rizal, ay nagbukas na sa ating puso ng isang sugat na kailan pa ma'y hindi mababahaw. Lahat ng ito'y sukat nang magpaningas sa lalong malamig na dugo at magbunsod sa atin sa pakikihamok sa hamak na kastila na nagbigay sa atin ng lahat ng kahirapan at kapamatayan (Agoncillo 1963, 71).
Sa nakaaantig na diskursong nasipi, nalikha ng Supremo ang lunan o espasyo ng pakikidigma pagkaraang maisusog sa kamalayan ang daloy ng panahon, daloy na may kahapon, ngayon at kinabukasan--sa isang salita, ang kasaysayan ng bayan. Sa paglatag ng larangan ng tunggalian, tinukoy rin kung sino ang kaaway at kakampi, ang linya ng digmaan kung saan ang obheto ng kolonisasyon ay nagiging suheto ng pagabangon: ang pagkatao ng Filipino. Sa diyalektikang paglalarawan, ibinigkis ng Supremo ang gunita ng mga kahirapang dulot ng Espanya, ang alaala ng mga magulang at ninuno na patuloy na sumasagitsit sa katawan ng mga anak. Nagkaroon ng galaw ng panahon ang lugar/lunan. Matingkad na nailarawan ito sa tulang "Ang Mga Cazadores," isang mabalasik at dramatikong konkretisasyon ng karanasan ng mga sinakop.
Ngunit ang sentimyento ng gunita (memory-work) ay hindi sapat. Kailangan ang dunong o talino upang mahugot sa karanasang nakalipas ang disenyo at lohika ng nabubuong iskema ng kinabukasan. Hindi lamang elemento ng damay o simpatiya ang kailangan, kundi distansiya o paghinuha ng unibersal na nakalakip sa partikular--sa intuisyon ng paglalagom. Katutubong ntelihensiya at mapanuring sensibilidad ang kailangan.
Marahil, natutuhan niya ito sa pagbabasa sa mga nobela ni Victor Hugo at Eugene Sue. Nasagap niya rin ito sa pagsasanay sa dulaan, sa Teatro Porvenir sa Tundo; sa pakikitungo sa mga magulang ni Gregoria de Jesus; at laluna sa mga pakikisalamuha sa grupo nina Deodato Arellano, Aurelio Tolentino, Teodoro Plata, Pio Valenzuela, at iba pang maituturing na "petiburgesya" sa konteksto ng kolonisadong lipunan noon (Agoncillo 1967). Ang karakter ng Supremo ay hinubog ng karanasan at kapaligirang kinagisnan niya, at siya namang humubog sa balak, plano, at kilos niya at mga kasama.
Ang galing o kakayahang lumagom ng hiwa-hiwalay na karanasan ay natatanging birtud ng Supremo. Karapat-dapat nga siyang maging puno ng Katipunan at ng puwersang sandatahan nito. Samakatwid, ang oryentasyon ay hindi paurong o sentimentalistikong nostalhiya kundi progresibong mobilisasyon ng lakas ng bawat mamamayan tungo sa hegemonya nito--kapangyarihang moral at intelektuwal (sa pakiwari ni Antonio Gramsci)--na rationale ng politikang pakikibaka. Magkaalinsabay ang paghubog ng malay at ng kapaligiran, diyalektikal ang kalakaran ng dalawang lakas. Ito ang buod ng laging makabuluhang pamana ng Supremo sa saling-lahi.
Natalakay ko na sa isang sanaysay ang simulaing pampilosopiya ng ”Mga Katungkulang Gagawin ng mga Anak ng Bayan" at "Ang Dapat Mabatid"--dalawang testimonya ng dalubhasang paglalagom ng Supremo (San Juan 2013, 1-14). Kasukdulan nang ulitin dito iyon maliban sa pagbanggit sa isang bagay. Ang Stoikong pagkilatis ng Supremo sa pagkatao ng Filipino ay hindi nakatuon sa "hiya," damay, o "utang na loob" o anupamang esensiyal na salik, kundi sa paggamit ng rason o katwiran na nakasalig sa batas ng kalikasan. Ang rasong ito ay hindi instrumental kundi imahinasyong mapanlikha't kritikal. Dito nakasalalay ang ramipikasyong unibersal ng Katipunan, di lamang iyon para sa katagalugan.
Ang naturalistikong kaisipan at pagtarok ng Supremo ay kahawig ng mga ideya nina Benedict Spinoza, Rousseau at mga philosophes sa Pransiya at Alemanya (Kant, Herder, Hegel). Ang materyalistikong pagtingin ay hindi positibistiko o empirisistiko sapagkat nakakawing ito sa masalimuot at diyalektikong pagsulong ng kasaysayan ng mga lipunan batay sa produksiyon at reproduksiyon ng buhay sa lupa (alinsunod sa tagubilin ni Marx sa kanyang "Theses on Feuerbach"). Malayo na tayo sa iskolastikong turo nina San Agustin at Santo Tomas Aquinas, lumagpas na sa Renaissance at Repormasyon, at nakarating na tayo kina Voltaire, Diderot, Locke, at St Simon--mga pantas na sinuri nina Marx at Engels noong kalagitnaan ng Siglo 1800. Nagbunga't nahinog ang tradisyong mapagpalaya sa mga kaisipan at gawa ng Supremo noong 1896 hanggang siya'y paslangin ng mga ilustradong kasabwat ni Emilio Aguinaldo.
Yamang nabanggit si Heneral Aguinaldo, kailangan pa bang balik-tanawin ang nangyari sa Tejeros noong Marso 22, 1897 at ang sumunod na paglilitis sa Supremo at pagpatay sa kanya? Unang sinuyod at hinusgahan ito ni Teodoro Agoncillo sa kanyang sanaysay "Ang Ibinunga ng Kapulungan ng Teheros" (1998) bago pa sinulat ang The Revolt of the Masses. Hinggil sa Tejeros, napuna ni Constantino na nagwagi ang ilustrado't natalo ang proletaryo, hanggang dumulo sa kompromiso ng Biak-na-Bato noong 1897. Sang-ayon ako na pansamantalang nakapamuno ang kampon ng mga elite ng Cavite (Severino de las Alas, Mariano Noriel, Daniel Tirona, atbp), subalit hindi lahat ng Katipunan ay napasailalim nila. Malakas at matatag ang karisma ng Supremo kahit na wala na siya. Nagpatuloy ang pakikilaban nina Emilio Jacinto at mga kasama sa ibang lalawigang walang impluwensiya si Aguinaldo (Agoncillo and Alfonso 1967).
Ngunit ano ang aral na mahuhugot sa nangyari sa Tejeros? Lumalabas na hindi kabisado ng Supremo ang katusuhan ng mga ilustrado sa Cavite. Labis ang kanyang pagtitiwala sa mga "Magdiwang" ng Cavite (Alvarez 1992), at hindi niya nakalkula ang patuloy na pagnanaig ng ideolohiyang piyudal sa mga ilustrado at mga kapanalig. Lantad ito sa rasyonalisasyon ni Aguinaldo sa kanyang talambuhay, Mga Gunita ng Himagsikan (1964, 225-27), tungkol sa pagbawi niya ng "indulto" na ipatapon lamang, hindi patayin, ang magkapatid na Bonifacio.
Sa harap ng mga maniobra ng mga elite sa Tejeros, maisusog na kulang ang kabatiran ng Supremo sa politika ng uring sumusunod sa pormalistikong regulasyon ng pagpupulong, hindi ang kalamnan. Hindi sanay ang Supremo sa makinasyong panloob sa Tejeros, sintomas ng mabisang paghahari ng kostumbreng awtoritaryanismo't piyudal na umugit sa mga nagsilahok sa pulong sa Tejeros (na pinuri naman ni Nick Joaquin sa kanyang A Question of Heroes).
Nabanggit ni Ambeth Ocampo na ang Konstitusyong sinulat ni Edilberto Evangelista ay hango sa Ordeng Royal ng gobyerno ng Espanya na gawa ni Maura, ang ministrong responsable sa mga kolonya (1998, 19). Sa anu't anoman, pakiwari ko'y nadama ng Supremo na ibang bayan ang pook na iyan, hindi pa handa sa inaasahan ng Katipuna, walang muwang sa Dekalogo, kaya umalis hanggang naharang sila sa Limbon, Indang. Ang trahedya ng nangyari ay masisipat sa kuwadro ng pagtatagisan ng uring panlipunan, hindi ang kontradiksiyon ng personalidad nina Bonifacio at Aguinaldo. Samakatwid, hindi pa sukdulang lumaganap ang etika at politika ng Katipunan at ng dalumat ng modernidad kaakibat nito. Hindi pa umiral ang hegemonya ng anak-pawis sa mga kaaway ng Espanya sa Cavite. Maisasapantaha na sa hubris ng Supremo nagkapuwang ang reaksyonaryo't konserbatibong lakas, at sa gayon nagapi ang isang miyembro ng partido ng kaunlaran at kaliwanagan.
Sa perspektibang malawak, ang pangyayari sa Tejeros ay hindi dapat makalambong sa larangan ng digmaan ng mananakop at sinakop. Sa diyalektika ng alipin at nang-aalipin, laging panalo ang alipin. Ang takbo ng himagsikan (na sinuri ni Mabini sa kanyang Memorias) ay katibayan na rin na hindi pa humihinog ang punla ng Liga & Katipunan; panahon at sipag ang hinihingi na sirkonstansya upang maabot ang antas ng hegemonya ng anak-pawis sa buong kapuluan. Mangyayari ito sa pagpupunyagi nina Isabelo de los Reyes, Lope K Santos, Crisanto Evangelista, atbp sa pakikitunggali sa Estados Unidos. Mapapatunayan ito sa pagtatag ng partido sosyalista at komunista noong nakaraang siglo, at sa pagyabong ng puwersa ng pambansang demokrasya sa bukana ng bagong milenyo. Katunayan nito ang kasalukuyang masusing pagpapahalaga sa buhay at halimbawa ng Supremo sa gitna ng krisis ng Republika at ng imperyalismo ng globalisadong kapital..
Sa paglalagom, ano ang dapat tandaan sa buhay ni Andres Bonifacio?
Una, ang Supremo ay hindi isang natatanging indibidwal lamang. Siya ang pinagsanib na lakas ng mga uring manggagawa at makamalayang kamag-anak o kababayan na kapwa inaapi't ginigipit ng Simbahan at Estado. Pangalawa, sinasagisag ng Supremo ang naisakatuparang pagsisikap ng mga naunang rebelde--mula pa kina Dagohoy hanggang Diego Silang, Apolinario Cruz, at mga ginaroteng pareng Burgos, Gomez at Zamora. Sinasagisag din niya ang natamong pagmumulat ng bayan nina Marcelo del Pilar, Lopez Jaena, at Rizal (na napukaw at namobilisa nina Balagtas at Burgos). Pangatlo, sa pagtatag at pagpapalago sa Katipunan at sa sistematikong pag-udyok at paghikayat na simulan ang himagsikan--kahit man nabigo ang ilang paglusob (na siyang argumento ni Nick Joaquin upang siraan ang Supremo)--matagumpay na naitampok ang kinakailangang pag-iisa ng teorya at praktika sa anumang kolektibong proyekto ng sambayanan. Rason at karanasan ay magkatuwang sa trajektori ng proyektong ito.
Kulang pa ba ang inisyatibang naitala? Ang tatlong nakamit na layuning natukoy ay sapat na upang maging palagiang dakilang bayani ng lahi si Andres Bonifacio. Iyon ay mga tagumpay na nakaigpaw sa pagtataksil ng mga ilustrado na tumungo sa pagsuko ni Aguinaldo sa Estados Unidos at asimilasyon ng elite (Quezon, Osmena, Roxas) sa hegemonya ng imperyo. Patuloy pa rin ang tendensiyang kontrahin ang nasyonalistikong agos ng kasaysayan (halimbawa, ang pagbatikos ng Amerikanong Glenn May sa mga Pilipinong historyador, na itinala nina Milagros Guerrero at Ramon Villegas (1997) at ni Reynaldo Ileto (1998). Gayunpaman, ang inspirasyon ng Supremo ay nagbanyuhay hindi lamang sa kagitingan ng mga hukbo nina Macario Sakay at mga kasama sa Balanguiga, Samar, bagkus nagkaroon ng kakambal o alingawngaw sa maraming pag-aalsa at rebelyon ng mga Moro sa Mindanao at Sulu at mga pagtutol ng mga pesante sa Kolorum at ng mga Sakdalista hanggang sa mga gerilya ng Hukbo ng Bayan Laban sa Hapon, at mandirigmang militante ng Bagong Hukbong Bayan.
Oo nga't hindi na mabilang ang mga pagdalaw ng espiritu ng paghihimagsik sa dekadang sumaksi sa Frist Quarter Storm ng 1970 at "People Power Revolt" ng Pebrero 1986. Ano ang pahiwatig nito? Walang iba kundi ito. Buhay ang Supremo sa bawat pagsulong tungo sa tunay na kasarinlan at kalayaan, katapat ng kanyang inihudyat na pithayang panlipunan, ang pangkalahatang "katwiran" at "kaginhawaan." Buhay pa rin ang puso't diwa ng Supremo sa mga program ng kilusang naghahangad ng katarungan at pambansang demokrasya, at ng mga taong nagmimithi ng pagkakapantay-pantay ng mga kasarian, kaligayahan, kasaganaan at dignidad ng Filipino.
SANGGUNIAN
Agoncillo, Teodoro. 1963. The Writings and Trial of Andres Bonifacio. Manila: Office of the Mayor and the University of the Philippines.
-----. 1965. The Revolt of the Masses. Quezon City: University of the Philippines Press.
-----. 1998. "Ang Ibinunga ng Kapulungan ng Tejeros." Nasa sa Bahaghari't Bulalakaw. Quezon City: University of the Philippines Press.
------. and Oscar Alfonso. 1967 History of the Filipino People. Quezon City: Malaya Books.
Aguinaldo, Emilio. 1964. Mga Gunita ng Himagsikan. Manila: Cristina Aguinaldo Suntay.
Alvarez, Santiago V. 1992. The Katipunan and the Revolution. Tr. Paula Carolina Malay. Quezon City: Ateneo University Press.
Constantino, Renato. 1975. The Philippines: A Past Revisited. Quezon City: Tala Publishing Services.
Guerrero, Milagros and Ramon Villegas. 1997. "The Ugly American Returns."
Heritage (Sumer): 37-41.
Ileto, Reynaldo. 1998. Filipinos and their Revolution. Quezon City: Ateneo de Maila University Press.
Joaquin, Nick. 1977. A Question of Heroes. Manila: Ayala Museum.
Ocampo, Ambeth. 1998. The Centennial Countdown. Manila: Anvil.
San Juan, E, 2013. "Handog kay Andres Bonifacio: Katwiran, Kalayaan, Katubusan." Nasa sa Salita ng Sandata,ed. Bienvenido Lumbera, et al. Quezon City: Ibon Books.
Sunday, November 30, 2014
Friday, November 21, 2014
JURAMENTADO --tula ni E.San Juan Jr.
JURAMENTADO? HURAMENTADO! RESUREKSIYON? HURA! HURA!
ni E. SAN JUAN, Jr.
Sabi ng mga magulang natin, takbo pag nakakita ng Moro--juramentado iyon!
Hadji Kamlon--takbo!
Jabidah--takbo!
Dumarating sina Nur Misuari & Hashim Salamat--Hura? Huramentado?
Tapos si Marcos, tapos si Cory Aquino, dumating ang Al-Qaeda
O sige, bumaba sa Bud Dajo at Bud "Weiser" ang Abu Sayyaf--
Abdurarajak Janjalani--Khadaffy Janjalani--takbo!
Baka Taliban, takbo!
Pirata sa Palawan, takbo!
Dumating ang US Special Forcs & drone, todas na ang Abu Sayyaf--
Napatay ng AFP si Zulfik bin Abdulhim alyas Marwan
Pero nabuhay raw muli--takbo na naman!
Saksi ang midya, walang duda, ibinigay sa AFP ang 1.5 milyong dolyar--
Iusod ang siwang ng sepulkro sa Camp Abubakar, nabuhay raw muli!
Resureksiyon!
Takbo muli! Aswang ng Abu Sayyaf? Kulam ni Osama bin laden?
Jihad ni Ampatuan?
Hura! Hura! Huramentado!
Nagtampisaw si Marwan sa lagusang masikip sa gubat ni Florante't Aladin
Nanlilimahid ang bakas ng balakyot na "terorista"
Ibinurol si Zulfik, sayang--kailan babangon muli?
Saan, sinong pumuslit ng 1.5 milyong dolyar?
Bakas at bakat, tiyak na babalik habang umaakyat sa Bud Bagsak....
Nabubulok ang mga pinugutang bangkay ng AFP sa Basilan at Sulu....
Di naglao'y nagkapuwang si Marwan, magaling yumari ng bomba--
Tugisin ang pork-barrel ng USA, takbo!
Takbo, mabuhay si Zulfik!
Takbo, aswang o mangkukulam ng Jemaah Islamiyah, mabuhay!
Takbo, nariyan si Obamang may suhol na dolyar para sa AFP--
Huramentado ni BS Aquino at mga heneral ng AFP?
Juramentado ng trapo't burokrata kapitalista?
Masaker nina Hen. John Pershing at Leonard Wood? Ulit na naman?
Sa gubat ng Sabah o Zamboanga? Ampatin, ampatin....
Alahu Akbar,
Tiyak ang resureksiyon nina Zulfik at mga kasama--
Hanggang may salapi, walang patid ang takbuhan at patayan--
Ikaw na Kristyanong mambabasa, kapatid ng mga heneral at trapo,
Di biro, hindi ba huramentado ka rin? --##
Subscribe to:
Posts (Atom)