MAKABAYANG PANULAT (PUP Lektura) --ni E San Juan,Jr.
Makasaysayang pagkakataon ito upang pag-isipan natin ang halaga ng makabayang panulat sa panahon ng globalisasyon, panahon din ng malubha't lumalalang krisis ng imperyalismong sumasakop sa buong planeta.
Panahon din ito ng paglantad sa "total surveillance" at "drone warfare" na isinasagawa ng US habang patuloy na pinatitingkad ang giyera laban sa "terorismo"--ibig sabihin, ang interbensyong paglusob at paglupig sa mga bayan at grupong kontra sa imperyalismo ng mga higanteng korporasyong nakabase sa US, Europa, Hapon--ang Global North at mga kaalyado nito.
Sa okasyong ito, ilang tesis lamang ang ilalahad ko upang ganap na talakayin natin sa Open Forum, sa pagpapalitang-kuro.
1. Bagamat kunwaring may kasarinlang republika buhat pa noong 1946, ang Pilipinas, sa katunayan, ay isang neokolonya ng US. Lantad ito sa pagdepende ng oligarkong gobyerno sa poder militar ng US, at sa mapagpasiyang kapangyarihan nito sa WB /IMF, WTO, G-7, UN, at konsortiya ng mga bangko't nagpapautang na mga ahensiya.
2. Sa pandaigdigang situwasyong ito, nakalukob tayo sa panahon ng malubhang krisis ng kapitalismong pampinansiyal. Ebidensiya ang pagbagsak ng Wall Street, pangalawa sa nakaraang siglo, noong 2008. Mas maselan ito kaysa noong 1929. Napipinto pa raw ang isang mas mapanira't katastropikong pagbulusok sa hinaharap.
3. Bagamat ibang porma't paraan ang akumulasyon ng kapital, ng tubo, dahil sa makabagong teknolohiya ng komunikasyon at transportasyon, sa tulong ng kompyuter at Internet, at konsumerismong namamalas na pangunahing aktibidad sa lipunan---laluna sa mga siyudad sa atin na siksikan na ang malls, trapik, gusaling "call centers," atbp--nakasentro pa rin ang sistemang global sa pagkamal ng nagmamay-ari sa surplus-value na nagmumula sa di-binayarang trabaho ng karamihan. Kasama na ang "service workers," OFW--mahit 12 milyong Pilipino sa Saudi, Hong Kong, at saanmang lupalop. Sa kanilang remitans nakasandig ang ekonomya ng bansa.
Sa ibang salita, ang tubo o kapital ng uring kumukontrol sa malalaking gamit/paraan ng produksiyon, ay hinuhugot pa rin sa lakas-paggawa ng mayorya, ang mga anakpawis, magbubukid, at mga propesyonal na bumubuo sa panggitnang saray, ang petiburgesya.
4. Ang pinakaimportanteng katangian ng kapitalismo, ayon kay Marx, na siyang birtud na nagtutulak sa tinaguriang "modernization" at "development," at humuhubog ng kultura, lifestyle, at araw-araw na pamumuhay at ito: walang tigil na transpormasyon ng modo ng produksiyon, walang patid na pagbabago ng kagamitan at proseso ng produksiyon ng lahat ng bagay, at reproduksiyon ng relasyong panlipunan/ugnayan ng mga tao. Ang rebolusyong ito ng "mode of production" na kailangan sa kompitensiya ng iba't ibang paksyon o grupo ng burgesya, ang saligan ng modernidad sa estilo ng buhay, ng kultura. Sintomas ng pagbabago ay masisilip at makakapa sa dalumat ng ideolohiya.
5. Ang panitikan ay isang porma ng ideolohiya, tulad ng relihiyon, politika, palaruan/palakasan, mass midya, atbp. Ang namamayaning ideolohiya saanmang lipunan ay instrumento ng naghaharing uri, sa atin ang oligarko, pyudal na maylupa, komprador-burokrata, na kumokontrol sa Estado, hukuman, at sandatahang puwersa nito.
Gayunpaman, sa panitikan bilang ideolohiyang tanghalan o teatro naisisiwalat ang tunggalian ng mga uri, ang iba't ibang hugis, anyo, at proseso ng mga kontradiksiyon sa lipunan. Ang dating at bisa ng literatura ay nakasalig sa malikhaing paghawak at paggamit sa wika.
Sa tawag nito ginagawang sabjek ang indibidwal na nagtataglay ng kamalayang magpasiya't kumilos. Nagkakamalay tayo sa loob ng teksto/diskurso, tumatalab ito sa ating interpretasyon at pagtatasa.
6. Sapagkat sa ordinaryong karanasan, ang tunay na pagtatagisan ng mga uri at sektor sa lipunan ay nakatago o natatabingan ng petisismo sa komoditi--ang buong mundo ng salapi, negosyo, pagpapalitan ng binili-ipinagbili--sampu ng mistipikasyon ng realidad dulot ng relihiyon, pyudal na gawi't paniniwala (demokrasya raw tayo)--katungkulan ng mapagpalayang awtor ang wasakin ang tabing na nagtatago sa katotohanan: ang paghahati ng lipunan sa ilang mayamang nagsasamantala, at karamihang aping binubusabos. Pagwasak ng mga ilusyon at kababalaghang pumapalamuti sa mandaraya't mapanlinlang na burgesyang orden.
7. Paglimiin ang adhikain ng makabayang awtor: sikapin niyang ibunyag ang katotohanan ng neokolonya, ang patuloy na pagsunod ng oligarkong namumuno sa utos ng US at pagpapailalalim ng kapakanan ng taumbayan sa interes ng korporasyong global.
8. Ang wika ng panitikan ay madugong larangan din ng paglalaban ng mga uri, ng burgesyang gamit ang Ingles bilang sandatang ideolohikal sa pagsuhay sa buong istruktura ng palsipikadong soberanya at walang hustisyang demokrasya.
Araw-araw, sa TV, Internet, pelikula, at iba pang midya, ang wikang ginagamit--na nakakabit sa mga imahen, dramatikong eksena, performance art, awit, at komplikadong salik ng pelikula, ang wika ang makapangyarihang umuugit ng mensahe na siyang nagtutulak sa ating kumilos, magsalita't gumanap ng isang tiyak na papel sa lipunan, partikular na ang maging konsumer at masunuring mamamayan. Mapang-akit at mapang-gayuma ang nangingibabaw na kakintalan, ang impresyon ng kapaligirin, na nakasaplot sa katotohanan-- kailangang hubarin ang balat-kayo, ang saplot ng pagkukunwari't panlilinlang ng burgesyang ideolohiya.
9. Ang halimbawa ng AGOS SA DISYERTO ay isang katibayan na ang malikhai't mahusay na artikulasyon ng konsepto sa wikang umaabot sa nakararaming mambabasa--ang wikang sinasalita ng taumbayan--ang siyang mabisang kagamitan sa pagpukaw ng mapanuring kamalayan, ng mapagmalasakit na damdamin, upang makatulong sa edukasyon ng nakararami at mobilisasyon sa mga kolektibong proyektong makapagsusulong at makapagpapabuti sa pulubing kalagayan ng nakararami.
10. Sa panahon ng globalisasyon, sa mas mabilis at mabilisang pagbabagu-bago ng lahat ng bagay, sa disyerto ng mall at mga "Global City" na itinatayo sa guho ng mga tahanan ng maralitang taga-lunsod at sa bukid na inagaw sa mga magsasaka, kailangan ang mapangahas at subersibong panulat upang tuklasin ang katotohanan at itanghal ito sa panunuri't pagkilatis, pagtimbang at pagpapahalaga, ng taumbayan.
Mapanghamong tawag ito na hinihingi ng sitwasyon, isang pagkakataon kung saan ang diskurso ng manunulat, kritiko't guro ay makapagsisilbi sa tunay na ugat at bukal ng kanilang imahinasyon, ang simpleng araw-araw na buhay ng masang yumayari ng kayamanan ng lipunan, ang proletaryo't magsasaka ng bayang naghihimagsik.
Mabuhay ang masang lumalaban!--2/22/2014--ESJ###