Sunday, October 6, 2013

KRITIKA NG NOBELA NI EFREN ABUEG (HUWAG MONG SAKYAN ANG BUHAWI) ni E. SAN JUAN, Jr.

               
INTRODUKSIYON SA NOBELA NI EFREN ABUEG, HUWAG MONG SAKYAN ANG BUHAWI

ni E. SAN JUAN, Jr
.


           Sa pulutong ng mga kabataang manunulat noong dekada 60 hanggang sa huling dako ng dantaong nakalipas, si Efren Abueg ay namumukod sa kanyang mapanghamong sosyo-realistikong sining. Mapanuri at progresibo, ang mga akda niya ay nagsilbing sandata sa kolektibong pagpupunyaging matamo ng sambayanan ang pagkakapantay-pantay, katarungan, dignidad ng bawat tao, at tunay na kasarinlan ng Pilipinas.
    Isang halimbawa ng mapagpalayang sining ni Abueg ang nobelang ito na lumabas sa Liwayway noong 1985-86. Bantog na si Abueg simula nang gantimpalaan ang kanyang nobelang Dilim sa Umaga (1967) at kuwentong "Kamatayan ni Tiyo Samuel" (1967). Nailimbag kamakailan ang Mga Kaluluwa sa Kumunoy (2004) na kabahagi ng isang epikong panorama na- nag-umpisa sa Apoy sa Kanilang Dibdib at bumagtas sa Mga Haliging Inaanay--mapanghawang proyekto ng pinakamakabuluhang mangangatha sa atin ngayon.
    Patuloy pa rin sa bagong milenyo ang pagsisikap ni Abueg na maimulat ang bayan (pahatid niya sa isang e-meyl sa akin) sa "mga kontradiksiyong nangyayari sa ating lipunan na nagreresulta sa hindi na matapos-tapos na pagsasamantala sa 'maliliit' nating mga kababayan na siya namang tunay na lumilikha ng yamang materyal at iba pang uri ng yaman sa ating bansa."
         Sapagkat nailahad ko na sa isang sanaysay sa rebyung Malay 23.2 (Abril 2011) ang unang pagtaya ko sa panitik ni Abueg, itutuon ang interbensiyong ito sa raison d'etre ng kasalukuyang katha. Tulad ng naunang obra, masugid na hinimay dito ang mga kontradiksiyong sosyopolitikal na pumipigil/tumutulak sa kaunlaran ng bansa. Kamalayang historiko-materyalismo ang patnubay dito. Sumupling ang diwang ito sa krisis ng imperyalismo noong paninibasib ng Estados Unidos sa Indo-Tsina (dekada 60-70) at, lalong angkop, sa krisis ng "Cold War" sa ating bansa sa pagpataw ng "martial law" ni Ferdinand Marcos noong Setyembre 1972. Nakaukit ito sa sub-text ng nobelang ito na, sa dagling balik-tanaw, ay maituturing na propetikong harayang nagbadya sa pagbagsak ng diktadurya sa "People Power Revolution" ng Pebrero 1986.


Pagdulog sa Konseptuwalisasyon ng Sining

    Pumagitna muna tayo sa larangan ng kasaysayang pang-estetika o agham ng panlasa bago dukalin ang temang etikal-politikal ng nobela. Pakay ng sining ang sumalamin sa realidad at hulihin ang katotohanang nakakubli sa penomenang nadarama. Magkatambal dito ang mimesis at alegorya, representasyon at dikonstruksiyon. Masalimuot ang imbestigasyon at pagbunyag sa katunayan. Isang uliraning layunin ng panitik ni Abueg ang paglalarawan ng realidad sa pamamagitan ng analisis at paglilitis sa mga kontra--diksiyong gumagabay sa pagsulong ng lipunan. Sa kaalamang naipalaganap, inaasahang mapupukaw ang lahat upang tumulong sa paglutas ng mga pinakamaselang problema: ang pagtigil sa pagsasamantala ng mga anak-pawis, ang liping manggagawa na siyang bukal ng kayamanan ng mundo. Pagtalos sa katotohanan at papuri sa birtud ng masang lumilikha't yumayari ang adhikaing imperatibong kategorikal. Saan nagmula ang mithiing ito?
    Harapin muna natin ang matinik na isyu ng realismo dahil napapagkamalang naturalismong imitasyon ang namamalas. Nais kong idiin dito na hindi mekanikal na paggagad ng kapaligiran ang metodo ni Abueg kundi dramatikong simbolisasyon ng lohikang nakasilid sa galaw, kilos, salita, damdamin at iba pang katangian ng mga protagonista. Ang dalawang motibasyong kaugnay nito--pagtistis sa kongkretong sitwasyon sa buhay at paghikayat isakatuparan ang hinihinging pangangailangan--ay siyang saligan ng tradisyong kritikal-realismo sa ating kultura.
    Pinasinayaan ng Noli at Fili ni Rizal, yumabong ito sa unang dekada ng pananakop ng imperyalismong Amerikano--saksi ang Pinaglahuan ni Faustino Aguilar, Banaag at Sikat ni Lope K. Santos, Madaling Araw ni Inigo Ed. Regalado--at nahinog sa Mga Ibong Mandaragit ni Amado V. Hernandez, Maganda pa ang Daigdig ni Lazaro Francisco, at Apoy sa Madaling Araw nina Dominador Mirasol at Rogelio Ordonez. Nilagom ni Rizal ang mga aral ng Kaliwanagan (Enlightenment) sa Europa na sumukdol sa himagsikan sa Pransiya. Pambalanang babasahin ng salinlahi ng mga Propagandista (tinaguriang ilustrado) hanggang kina Bonifacio, Jacinto, Mabini at Isabelo de los Reyes ang mga sinulat nina Rousseau, Voltaire, Diderot, at mga nobelang Le Juif errante ni Eugene Sue, Les Miserables ni Victor Hugo, Conde de Monte Cristo ni Dumas, at mga diskurso ng sosyalista-anarkistang kilusan sa bukana ng siglong 1900. Mula doon hinango ng mga nabanggit na awtor ang tema't estilo ng kanilang nobela.    
    Samakatwid, ang minanang tradisyon ng mga sinaunang nobelista ay hindi kwentong-bayan, pasyon, korido, alamat, at labi ng ebanghelyong propaganda, bagaman may talab pa rin ang mga ito. At hindi rin ang Gotikong romansa nina Washington Irving, Poe at Longfellow na ikinalat ng mga Thomasites. Ang masaganang bukal ay walang iba kundi ang mapanuring realismong global mula sa rebelyon noong 1848, sa 1871 Komuna sa Paris at mga pag-aalsang anti-kapitalistang humantong sa rebolusyong Bolshevik. Sinala, binistay at binusilak ang mga hiniram na ideya't hinagap, retorika't hulagway, sa katutubong alembiko ng imahinasyon nina Rizal, Santos, Hernandez, Abueg, atbp. Nagtaglay ng katanging Pilipino ang kabihasnang natutunan.

Praktika/Teorya ng Simbolikong Kapital

    Ito ang konteksto ng modernistang panulat na nailunsad ni Abueg at mga kapanahon sa huling kwarto ng 1900. Partikular sa sitwasyon ng mga manunulat sa bernakular mula pa noong Batas Anti-Sedisyon (1901) ang panggigipit at paglalayo nila sa kapangyarihang pampulitika, laluna ang paghihiwalay sa panggitnang saray o sa mga petiburgesyang nakaluklok sa burokrasya, militar, kalakalan, at publikong institusyon na sanay sa wikang Ingles. Sa namayaning hegemonya ng wikang Ingles, ang manunulat sa bernakular ay ipinalagay na mababa ang kalidad at nakapokus lamang ang talino sa pansandaling aliwan ng madlang walang pinag-aralan, isang prehuwisyong matagal nang pinabulaanan.
     Sa kabilang banda, nanatiling malapit sila sa uring manggagawa't pesante, bagamat sila'y edukado, nakikisalamuha taglay ang asal-propesyonal at pagkabihasa sa kalakarang internasyonal. Ito ang galing ng wikang sinuso. Sa paggamit ng wikang katutubong mahigpit na kasanib sa wani, saloobin at pangitain-sa-mundo ng karaniwang mamamayan, hindi lamang nanatiling popular bagkus laging mapagmalasakit at nakaagapay dahil nakaugat sa karanasan, oryentasyon at sensibilidad ng masa. Testigo dito, halimbawa, ang militanteng huwaran ni Benigno Ramos, lider ng Sakdalista; at mga akdang radikal ni Amado Hernandez, unyonista at peryodista sa paglago ng Congress of Labor Organizations at pagsiklab ng rebelyong Huk sapul ng dekada 1945-60.  Sa pakiwari ko, laging pasugod bagamat supil ang sumasangkapan sa wikang katutubo sa pagpapahayag ng damdamin at kaisipan ng komunidad, laluna kung ito'y bumbatikos at tumutuligsa sa katiwalian ng ordeng umiiral. Sa ibang pagkakataon na natin uriratin ang komplikadong implikasyon ng mga proposisyong nailahad dito.

Pagtalunton sa Landas ng Nobela

    Ang nobela bilang uri o genre ng panitikan ay gumitaw sa Europa noong pagkalaos ng piyudalismong ugali at institusyon. Iniulat ni Ian Watt sa The Rise of the Novel, tubo sa indibidwalismong kabihasnan ng burgesya at publikong espasyo ang mga akda nina Richardson, Defoe at Fielding sa Inglatera. Bago pa rito, ang modelong ispesimen ng pikarong talambuhay, ang Don Quixote ni Miguel Cervantes, ay sintomas ng lumulubhang alyenasyon ng indibidwal sa milyu ng eksplotasyon ng lakas-paggawa ng nakararami, kasabay ng pagbulusok ng paniniwala sa mga ispiritu, kulam, himala't diyos. Masisinag sa yugtong ito ang paghina't tuluyang pagkasira ng pagbubuklod ng mga tao sa isang komunidad, isang organikong kapamuhayan. Sa kanyang Theory of the Novel, sinipat ni Georg Lukacs ang daigdig ng modernong naratibo na larangan ng matinding desengkanto, pagkabigo, tahasang pagkawala ng kahulugan sa buhay. Sa madaling sabi, ang nobela ay siyang natatanging diskurso ng mundong walang direksiyon, katuturan o kahihinatnan--ang kapitalista/burgesyang sistema na umiiral pa hanggang ngayon, kaakibat ang masahol na kabulukan at kabuktutan ng mga panginoong may-ari .
    Bumaling tayo ngayon sa isang partikular na kaibahang di pa natuturol. Hiwalay sa pinagbuhatan ng nobelang kanluranin ang mga ulirang akdang nabanggit sapagkat hindi tayo nagsasariling bansa noon (tulad ng Inglatera o Pransiya) kundi isang bayang sinakop, isang kolonya.  Nakapailalim ang Pilipinas sa makapangyarihang poder ng Estados Unidos. Binuwag ang rebolusyonaryong hukbo ng Republika, pinanatili ang piyudalismong ugnayan sa lupa, sinugpo ang demokratikong hangarin ng mayorya. Lumilitaw na ang basehan ng nobelang katutubo ay dili iba kundi ang matinding pagkasikil at pag-alipusta sa komunidad, hindi pagkawala ng kahulugan sa buhay (ayon kay Lukacs). Samakatwid, ang genesis ng nobelang bernakular ay sitwasyon ng pansamantalang paghupa ng rebolusyonaryong silakbo, istratehikong paglubog sa "underground," at paghuhunos sa iba't ibang mapanlinlang na anyo. Susog ko na ito ang "political unconscious," ang paradigmang angklahan ng literaturang Filipino.
    Sa perspektibang ito, maipalalagay na ang akdang ito ay prologo sa isang teorya ng pagbabago't praktika ng pagtutuos. Masisinag dito ang pinaksang pagpapatuloy sa paghahanap ng nilambungang komunidad, ng makatuturang ugnayan ng babae't lalaki, ng magulang at anak; sa pangkalahatan, ang pagsisiyasat sa anumang kahulugang nadukot o napikot (tulad ni Rina) sa dahas ng imperyalismo at mga kakutsabang oligarkong may kontrol sa praktika't institusyon ng buong lipunan. Binubuhay muli ni Abueg ang naburol na biyaya ng tradisyong subersibo't mapagpalaya sa pakikipagsapalaran ng kanyang tauhan sa isang takdang yugto ng kasaysayan ng bansa, sa panahon ng diktaduryang Marcos. Subaybayan natin ang pagsubok na ito.

Kritika ng Sikolohiyang Pananaw

    Ang mga ideyang natukoy ay hindi kakatwa o banyaga sa ating mga kritiko at manunulat. Sangguniin na lamang ang antolohiyang Kilates (2006) ni Rosario Torres-Yu o Kritisismo (1992) ni Soledad Reyes. Karagdagang ebidensiya rito ang mga kuro-kuro ng mga nobelista, matanda at bata, sa kalipunang Sampaksaan ng mga Nobelistang Tagalog (1974). Sa importanteng panayam ni Abueg dito, "Ang Sosyalismo sa Nobelang Tagalog," masinop niyang sinuri't tinimbang ang mga nobela nina Lope K Santos, Faustino Aguilar, Lazaro Francisco, Amado Hernandez, atbp. Puna ni Abueg na kapansin-pansin sa mga kabataang nobelista ang "pagkakaroon ng indibiduwal na kaisipan ng mga tauhan...ang paglikha ng mga tauhan sa kanilang sarili bilang mga bayani...Maaring ang ekspresyon ng idealismo ng kabataan ay lubhang maka-diyoses, na sa pagpapaligsahan ay ibinabadya sa madla ang sari-sariling katangian."
    Mapagpasiya ang obserbasyong iyon sa paghabi ng masaklaw na interpretasyon ng nobela. Malinaw na naipahiwatig ni Abueg ang masidhing usaping sumasalalay sa tinangkang pagsalikop ng mga buhay nina Mig, Rina, Clarita, atbp: indibidwalismo versus sakrispiyo ng sarili sa kapakanan ng masa. Sa ibang kataga: egotismo o solidaridad. Sa dagling paglagom, ang hidwaan ng dalawang panig ng pangitaing panlipunan sa nobela ay maisisisik sa argumentong tanong: pansariling kabutihan o katarungang panlipunan--magkasalungat  ba ito, kaya dapat pumili ang taong may konsiyensiya't pananagutan sa panahon ng ligalig?
    Sa pambungad na kabanata pa lamang, naiguhit na ang di matatakasang daloy ng buhawing tadhana. Nausal ni Mig, ang pangunahing karakter, na "walang malasakit sa sarili" si Bayani Maglalang, ang matalik niyang kaibigan. Sa pagkamatay ni Bayani sa isang aklasan--pagkasawing nagbigay ng "malalim na kahulugan" sa buhay ni Mig, nangibabaw na ang pagtugis sa hustisya, "ang liwanag ng katarungan." Samantala, payo ni Mig kay Clarita na mag-isip at mag-aral upang mapangalagaan ang sarili sa hinaharap. Naging masigasig na kasapi si Mig sa HURLS, pangkat ng mga abogadong "pragmatiko," hindi ideyalista. Naakit siya kay Rina, mamamahayag at nakakubling ahente ng militar, dahil mulat at independiyenteng babae, na kusang humandog ng tulong.
    Lubhang nagayuma ni Rina si Mig; hindi niya nagunita ang payo sa kanya ng kanyang ina: "Mapanganib ang panahon...Hindi mo ngayon alam, kung sino ang kaibigan at kaaway." Isaisip din ang babalang payo ng kanyang ama: "Huwag mong sakyan ang buhawi, anak." Isinaisantabi iyon.  Walang ingat si Mig sa pagbuno sa doble-karang maniobra ng diktadurya. Bukod dito, bagamat matiyaga sa pagsunod sa burokrasyang panuntunan ng hukuman, labis ang paniwala ni Mig na madaling makatatawid sa krisis at makakamit ang inaasahang pagbabago--malalang kahinaan na bumulag sa kanyang ulirat at bumunsod sa di-maiiwasang kaganapan. Ito ba ang lansi, daya o lalang ng kasaysayan?
    Matingkad na nailarawan ni Abueg ang sapin-saping kontradiksiyong bumalot sa pakikipagkapwa ng mga tauhan. Ang tagisan ng sariling interes laban sa lakas-komunidad ay dumaan sa maraming antas sa diyalogong alitan nina Mig at Rina. Tumining ito sa sagutan nila: halimbawa, sa tuya ni Rina na "Napakain ba kayo ng bayan o masa?" tugon ni Mig na "imposibleng sumulong ang isang indibidwal kung hindi natin isusulong ang pagkakaroon ng tunay na kalayaan" at itakwil ang mga dayuhan at naghaharing uri na nagpapasiya sa kapalaran ng nakararami. Matatag ang paninindigan ni Mig: kalayaan/kasarinlan ay kailangan bago makamit ang pagsulong, pag-unlad, at kaginhawaan ng bawat isa. Upang makuha ang kalayaan, sakripisyo--nina Bayani, Pastor at di mabilang na aktibistang pinaslang, at kung sakali, ni Mig--ang kailangan. Maisingit natin: walang bang pangatlong alternatibo, o mediyasyon sa diyalektikang bumabalisa sa kamalayan ng ating bayani?
    Umabot na tayo sa pagpihit ng tadhana (peripeteia) nang lumipat si Mig mula sa bahay ni Clarita sa isang safehouse at mahuli si Rupert Briones, ang puno ng HURLS. Bago arestuhin si Mig ng mga ahente ng diktadurya at makulong sa bartolina, naisip niya na siya'y inakay lamang ng mga pangyayari, at wala siyang pagpapasiya sa takbo ng kapalaran. Pagmumuni-muni niya: "Wala siyang hinanakit sa mundo,  Bakit siya nasa gitna ng pagtutol at bingit ng paghihimagsik?" Bagamat matigas ang loob niya sa pagtalikod sa dulog ng dating kasintahang si Flora, narahuyo siya kay Rina batay sa paniniwalang nasa panig niya ang babaeng nakikipagtatalik. Wala siyang kutob o hinala, bubulaga na lamang ang katotohanan pagkatapos ng "ritwal ng pagbubunyi ng kaluwalhatian."  Matutuklasan na ang maapoy na galak ng katawan ay hindi patibay, bagkus patibong, sa tunay na mapanganib na sitwasyong kinasadlakan ni Mig.
    Gayunpaman, inulit ni Mig ang nalalapit na araw ng pagbabago: "Ang kinabukasan natin ay nakasalalay sa pakikipaglabang ito....Walang katapusan ang tunggalian."  Sa antas ng pagkilala (anagnorisis), ang tunggalian ay sumukdol sa pagitan ng prinsipyo (kolektibong disiplina) laban sa pansariling ligaya, sa pagninilay ni Mig. Totoong sakripisyo ang hinihingi ng krisis; gayunpaman, tanong ni Mig sa sarili: "Kasalanan ba ang umibig at mangarap?" Walang pasubaling sakripisyong personal ang tugon ni Mig sa kabila ng makamandag na tatak ng suyuan nila ni Rina. Limitado ang kamalayan ng protagonista, malawak ang patalastas ng banghay ng naratibo, ng tekstura't istruktura ng salaysay: dapat makahulagpos sa partikular na sensibilidad at maintindihan ang buod ng kabuuang sitwasyon, ang dinamikong panloob nito, upang masakyan at mabigyan-direksiyon ang daloy ng kasaysayan. Hindi ito naisakatuparan.

Diyalektika ng Pagkatao't Kalikasan

    Naimungkahi ni Marx sa Theses on Feuerbach na ang pilosopiya/dunong na natuklasan sa isip/budhi ay mapapatunayan lamang sa praktika. Pinabulaanan ng balangkas ng mga pangyayari na si Mig ang siyang matalinong taga-ugit ng kanyang buhay. Sa bangis ng erotikong ritwal ng magkasintahan, taglay sa bugso-bugsong udyok ng laman/damdamin ang ironikal na himatong na ang pagsuko ni Mig sa tadhana ay saksi rin sa kanyang katapangan sa pagkalalaki.   Kataka-taka na nang nabilanggo si Mig, hindi kailanman sumagi sa alaala niya ang matamis at nakalalangong pagtatalik nila ni Rina, o maski ang masalimuot na relasyon nila ni Clarita. Bakit? Walang malakas na hikayat o amuki ang mga tagpong iyon sa kaluluwa niya. Bakit kaya?
    Maitataya na ibinunsod ng kanyang piniling sitwasyon ang kapalaran ni Mig. Katugma ito sa pagkatao niya, palibhasa'y sinanay sa petiburgesyang gawi na humilig sa tradisyonal na institutusyon, maingat na sumunod sa regulasyon, bagamat sa klima ng matinding krisis, pinagpayuan na siyang balintuna't kabaligtaran ang lahat. Hindi ito lubusang natarok, kaya hindi paano man nasiyasat, nakilates at nasakyan ang tuso't sistematikong pagkukunwari ng kalaban. Biktima si Mig ng kanyang makauring sitwasyon, ang kompromiso ng panggitnang saray, na siya ring katwiran o lohika ng kanyang pagkagumon sa mapang-akit na kilos, salita, at pahiwatig ni Rina, ang nakabalatkayong ahente ng diktadurya.
    Lumipat ang lunan ng salaysay mula sa safehouse ng lungsod hanggang sa resthouse sa Bocaue, Bulakan (gunitain na sa Valenzuela, Bulakan, pinaslang si Bayani). Sagisag ito ng pagsungaw ng tendensiyang utopiko-pastoral, nagpapagunita sa Pila, Laguna, tahanan ng kanyang magulang. Pumalaot sa di-hantad na lugar, dala ng punto-de-vista ang hinuha  ng napipintong wakas. Ipinahiwatig na ang resolusyon (denouement) sa pag-inog ng mga tagpong tila eksena sa alegorikong trahedyang kumakatawan sa proseso ng diyalektikang paglulusaw sa mga hidwaang natukoy na.  Alin ang mangingibabaw: prinsipyo ng pakikibaka o kapangyarihan ng Estadong ipagtanggol ang status quo? Pumalit ito sa problemang "Alin ang masusunod: katungkulan o aliw?"

Pagbabalika sa Luwasa't Hulo

    Naitampok muli ang paksa ng katwiran ng nobela, ang rason ng literatura bilang malikot na repleksiyon ng indibidwal sa loob/labas ng komunidad. Nakulong ang mga suliraning nahukay at naisatinig sa kamalayan ng mga aktor sa sosyedad sibil (hindi pa makataong kaayusan). Ang mga taong gumaganap ay kapwa marupok ang ugnayan sa pamilya o kamag-anak, madalas nangungulila o tiwalag sa mga kaibigan at kasama. Kaya ang antinomya ay walang pagkalas kundi sa pagkawala ng ilusyon ni Mig at ang sakripisyo ng protagonistang sumabog sa liwanag ng katotohanan.
    Kung tutuusin, matagumpay na naipagtanggol ni Mig ang kanyang katapatan at responsibilidad sa kilusan--tila nakaligtas siya sa tukso ng magayumang Sirena. Ngunit nagwagi naman ang diktadurya, ang dahas ng katiwalian, sa okasyong ito. Ang mabigat ngunit ironikal na deklarasyon ni Mig, sa halip na magdulot ng matinong tugon sa dilema ng inbidwalismo, ay pruweba sa kalabuan at kalituan ng karakter bunga ng takdang posisyon nito sa lipunan: "Nakaigpaw na ako sa pagiging ordinaryong Mig, na umiibig sa 'yo.  Ako'y si Mig na ari-arian na ng bayan, at hindi ng sinomang indibidwal." Naging fetish ang "bayan," kapalit ng mga idolo. Maaaninag na pagtakas ito sa sindak ng parikalang sumbat niya sa kasuyo: "Sino ka, Rina?"
    Natalakay na natin ang teorya ng nobela sa pangkalahatan at sa partikular napulsuhan na ang delikadong katayuan ng manunulat. Nakatutok ito sa problema ng indibidwalismo at alyenasyon sa kapitalistang orden. Sa milyu ng neokolonyang Pilipinas, ang palasintahang tradisyon ay buhay pa rin sa mga ilusyon ng kalalakihan at kababaihan sa isa't isa, at sa patriarkal na ugnayan sa pamilya. Ang kontradiksiyon ng prinsipyo at pag-ibig, isang temang palasak sa mga romantikong diskurso't sining, ay ugat ng pagkaalangan na gumulo sa buhay ni Mig, na sandaling nalutas sa kombensyonal na paraan sa pakikipag-unawaan, at permanenteng nalunasan sa pagtanggap ng salvaging. Sa kabilang banda, huwag kalimutan na nakapamundok na si Rupert Briones, ligtas sa galamay ng Estado, at nagliliyab na rin ang kanayunan ng Mindanao sa tulong ng mga gerilyang Moro na kalahok na rin sa ligal na pakikibakang itinanghal dito--mga palatandaan ng pangakong bindikasyon ng mga bayaning nagbuwis ng buhay sa ngalan ng kalayaan, pambansang demokrasya, at kasarinlan. Walang pasubaling mananaig ang katotohanan at katarungan paghupa ng buhawi.
    Halinhinang maigting at matimpi ang pagsasalaysay ni Abueg. Hitik sa kapanapanabik na pangyayari ang naratibo, sumasagitsit sa mga tagpo ng pagtatalik at nakababagabag sa pag-ulat ng karanasan ni Mig sa impyerno ng bilangguang dahop sa catharsis. Malalim at matalas ang paraan ng paglalarawan ng physiognomia ng mga tauhan. Nakaaantig din ang relasyon ni Mig kina Pastor at Deng, ugnayang siyang mataimtim na testigo ng solidaridad ng mga nakikibaka (isang magandang halimbawa nito sa Dilim sa Umaga ang pagdamay nina Antero Magdalo at Ligaya sa sawing pamilya ni Meliton; kabanata XII). Hindi tuwirang nagluwal ang sitwasyon ni Mig ng ganitong mga insidenteng saksi sa kolektibong pagsusumikap, pagtangkilik, pagkalinga't pagtutulungan (tingnan ang komentaryo ni Raymond Williams hinggil sa "tragedy and revolution" sa Marxist Literary Theory, 1996).
    Paglimiin ang lohika ng komprontasyong iginuhit sa huli. Ang pagpili ng tadhanang ito (iwinangki sa montage ng pelikula), sa pagtatasa ko, ay huwad na pagtalilis sa indibidwalismong tinalikdan ni Mig sapagkat (una) hindi katugma ng kanyang pagnanais masagip ang buhay ng kanyang mga kasamahan habang maingat na kumikilos; (pangalawa), ang galit niya sa babaeng kaipala'y iniibig niya ay personal na paghihiganti, hibong mapusok ng makasariling determinasyon; at (pangatlo), iyon ay kalabisang pagmamalaki sa katumpakan ng posisyong moral/etikal ng kilusan, sintomas ng karupukan ng paninindigan, na may bahid ng relihiyosong pagdulog sa isang kapangyarihang supernatural na tiwalag sa lunggating sekular ng organisasyong nagtatanggol ng karapatang pantaong garantisado ng Konstitusyon at U.N. Charter.
    Mahusay na naipakita ni Abueg sa nobela ang mga madugong kontradiksiyon ng ating lipunan. Karamihan ay bunga ng tunggalian ng mga uri, ng mga nilulupig at nambubusabos, ng oligarko't imperyalismo laban sa nakararaming mamamayan. Nakabilad ito sa alegorikong pagpapadama ng nagsasalpukang simbuyo sa sitwasyon ni Mig at sa balighong pangangatwiran ni Rina tungkol sa kanyang kalagayan. Bagamat realistiko ang teknik (sa detalyadong paglalarawan ng pagkain, katawan, bartolina, atbp.), malusog ang diyagramatikong pagsasaayos ng nagtatagisang panig (kahawig sa kuwentong "Kamatayan ni Tiyo Samuel"), mga puwersang mahirap ipagsanib, bagay na siyang nais igiit ng istruktura ng nobela. Nakatambad din ang mga lamat, biyak at kakulangan ng ideolohiyang siyang susi sa paghabi ng teksto, ideolohiyang produkto mismo ng mga nagtatagisang sektor sa kapamuhayang pambansa, sa pagitan ng mga grupong yumayari at nagsasamantalang may-ari/Estadong neokolonyal (naipaliwanag ito nina Etienne Balibar at Pierre Macherey sa "On Literature as an Ideological Form").    
    Samakatwid, sintomas ng malubhang sakit at suliranin ng nahahating lipunan ang matalinghaga ngunit kapus at sapilitang pagkalag ng mga buhol ng kontradiksiyon ng ilusyon at katotohanan sa nobela. Isang halimbawa ang suyuan nina Rina at Mig, magkasiping habang magkaaway ang kanilang isip, budhi at paniniwala. Ang panukalang rekonsilyasyong naikintal sa mga huling pahina ay isang mapanghamong palaisipan, isang maalingawgaw na paanyaya sa lahat na halukayin, bulatlatin, pag-aralan, walang hintong saliksikin at suriin ang problema ng kontradiksiyon sa bawat karanasan, dalumat, at sitwasyon sa ating buhay sa araw-araw sa gitna ng nagbabago't bumabagong kasaysayan ng ating bansa.


                                --E. SAN JUAN, Jr.
                                   Storrs, CT, USA
                                   Oktubre 2013