Thursday, November 18, 2010

Dalawang tula ni E. San Juan, Jr.



KAHIMANAWARI



Laging tiklop-tuhod noon, hayup na nagdarasal
Sa bawat bigwas at bawat hagupit, bumubulong-bulong
Tigil na, Inday, abutin mo ang brasong it!

Hanggang kailan balewala—hanggang di pa tumatalab?
Sa palengke lahat ay nabibili’t ipinagbibili—
Di lang talampakan ng katawan kundi pati singit ng kaluluwa….

Dura ng galit ang sukli, ngipin sa ngipin
Habang nakaduro ang alambreng dekoryente sa suso mo—
Tumalab na ba ang talim ng poot at pagkamuhi?

Abutin mo, Inday, ang armas na ito!

Nakalatay sa laman ang basbas ng pulbura’t tingga…
Bakit pa luluhod at gagapang sa nagpawalang-halaga?
Nakasalang sa sumusugbang bunganga ng baril—

Sunggaban mo, Inday, ang sandata ng masang nakaalay!






NABURANG GUHIT NG LARAWANG-DIWA, SIMULAKRANG ABOT-TANAW


Kawiiliwili ang silid na ito, hantungan ng iyong paglalakbay.

Halina’t maupo dito sa harap ng punong pino sa may durungawan.

Di nasaling ng nagmamadaling takbo ng daigdig ang pusong namamahinga.

Halika’t magnilay tayo sa panahong dumadaloy, magmuni-muni sa karanasan at pangyayaring
umaatikabong humahabol sa daluyong ng trapik sa labas.

Sa silangan, may umuusad at lumalagitik na aninong di ko mahulo….

Sa kanluran, may anasan ng umiihip na hanging di ko alam kung saan galing….

Walang daan sa harap… iyon ay mga bakas lamang ng aking paa.

Nakahuhumaling humimpil sa silid na ito, di ba? Ngunit

Kung nais mong magpatuloy, sige, huwag magpaabot ng dilim-- hayo na!

Ang hakbang mo ang lilikha ng landas—

landas na hinihiwa ng tutubi

at sinusukat ng pakpak ng paruparo.



--E. SAN JUAN, jr.